Saturday, April 04, 2026

PAGSUSURI SA SARILING DAMDAMIN AT KILOS

Nuon pa, Mahal na Araw ang pinakagusto kong okasyon sa Pilipinas. Kasi taimtim, tahimik simple banal, at ito ang panahon na nararamdaman ko na napakalapit ko sa Diyos. Nuong bata pa ako ay sumasama na ako sa prusisyong-bayan, nang mag high-school at college ay nagfa-fasting ako ng halos 24-oras na hindi kumakain, at nagtratrabaho na ako nuon nang sumama ako sa Alay Lakad. At higit sa lahat, ito ang panahon na nakakapagmuni-muni ako.


Tuwing Mahal na Araw, kadalasan ay Biyernes Santo, ay naglalaan ako ng oras ng pagsusuri sa sariling damdamin at kilos na isipin ang buhay ko at kilatisin kung makasalanan ba ako? Nung panahon na nasa 20's hanggang 30's ako, tuwing pagmumuni-muniko ay palagi iyung kung ano ako ang pinaguusapan namin ng Diyos Taun-taon ay kinakausap ko Siya at tinatanong kung bakit. At taun-taon din na sinisisi ko ang sarili ko, ihinihingi ko ng tawad sa Diyos at ipinagdadasal na sana ay maitama ko ang sarili ko. Umiiyak ako dahil sa pakiramdam ko ay ito ang humahadlang sa buhay ko para kunin ko ang mga pangarap ko, maging buo ang pagkatao ko, at maging masaya akong tao na nakikihalubilo sa iba, pero wala akong magawa na para bang hindi ako para duon.


Pagkalipas ng maraming taon, kapag nagmumuni-muni na ako ngayon ay tinitingnan ko iyung malayong pinanggalingan ko, yung maraming taon na dinaanan ko, at iniisip ko kung naging mabuti pa rin ba akong tao? Makasalan na ba ako? Sinusubukan ko laging maging patas sa kapwa at komunidad ko. Hindi naman ako yung mapolitikong tao na nilalaro ang sitwasyon at ginagamit ang impluwensiya upang makuha ang gusto. Hindi rin naman ako iyung mapanglamang nagpapahamak, naninira, palapintas, nananakit ng kapwa. Minsan nagsisinungaling ako, nakakapag-uwi ako ng maliit na gamit, at may oras na nagiging mapanghusga. Pero ang malaking kasalanan na iniisip ko ay katulad pa rin nung ipinagmumuni-muni ko nuong 20s hanggang 30s ako. lyun ang ikinakatakot ko kung pagdating ng araw na huhusgahan na ako ng Diyos. Bagamat hindi ko naman isinasagawa, ngunit ang pag-iisip at damdamin ko ay hindi ko kayang pigilan at duon ako nakakaramdam ng nakukunsiyensiya.


Itong mga sumusunod sa salita na lamang ang nagpapahinahon sa akin kapag naririnig o nababasa ko: Ang ating mga nakikita, naririnig, at pumapasok sa ating isipan-marumi at mali man, ay hindi natin kasalanan. Hindi ito nagpaparumi sa atin dahil wala tayong kontrol sa mga iyun. Sa halip, kung ano ang mga lumalabas sa atin tulad ng mapanira at masakit na salita sa kapwa at mga gawain na labag sa mga kautusan iyun ang nagpaparumi sa atin dahil ang mga iyun ay galing sa ating puso, damdamin, at kunsiyensiya. lyun ang kasalanan dahil may kontrol tayo na huwag gawin ang mga iyun pero ginagawa pa rin natin.


Ang mahalagang natututunan ko: May mga bagay na wala tayong magagawa kundi tanggapin na lamang. Ang mga bagay na hindi naman natin hiniling o pinili kundi kusa at nasa atin na sa pagsilang pa lang natin. Tulad ng kung ipinanganak kang pilay, hindi mo kasalanan yun. Kaya habang lumalaki ka, kumikilos ka kung paano kumilos ang isang pilay. Kung may pagkakataon kang makagawa ng paraan na magkaroon ng artipisyal na paa upang mas makakilos ka nang mas madali at mas mabuti-walang masama sa pagbabago kung wala ka naman tinatapang ibang tao. Ngunit kung gagamitin mo ang sitwasyon mo upang magkamal ng pabor at benepisyo-duon ka nagkakasala


Mahalagang aral Para sa lahat: lahat tayo ay makasalanan pero pilitin pa rin ang makawala sa kasalanan. Huwag isabuhay ang imoralidad tulad ng pambabastos, kasinungalinan, pananakit ng kapwa at pagpasok sa bawal na relasyon. Isipin palagi ang pagdating ng araw kung ikaw ba ay makakasama sa paraiso o hahatulan ng kaparusahang walang hanggan.

No comments:

Post a Comment