Friday, February 24, 2017

SILANG KULANG SA PANANAMPALATAYA

Sa palagay ko, mayroong tatlong malinaw na klase ng mga Kristiyano at/o Katoliko sa panahon ngayon.  Ang mga maka-sinauna, ang bukas ang isip at ang mga mahina ang paniniwala.  Bagamat pinangungunahan ng malaking bilang ng mga Katoliko/Kristiyano ang Pilipinas, nahahati naman ito ng ibat-ibang sekta na mayroong kanya-kanyang turo.  At mismong sa bawat isang sekta ay nahahati pa rin ito sa ibat-ibang interes dahilan upang mabigong maging isang malakas na tinig at pwersa ang Katoliko/Kristiyano.  Sa paglipas ng panahon, maliit na bilang na lamang ngunit mayroon pa ring mga Katoliko ang kung tawagin ay sarado-Katoliko na mula kanunu-nunuan hanggang sa ngayon ay tapat sa Relihiyon at sinusunod pa rin ang mga itinuro pa ng mga matatanda.  Sa puso at isip ay konserbatibo sila sa pagkilos, pananamit at pag-intindi sa nakasulat sa Banal na Aklat. Mas marami naman sa kanila yung mga Katoliko na bagamat nasa puso pa rin nila ang mga itinuturo ng Aklat ay nagiging bukas naman ang kanilang isip sa pang-unawa sa mga sitwasyon.  Makabago na sila ngunit ang dulo-prustrera pa rin nito ay ang takot nila sa nakagisnang kinikilala nilang Diyos.

Samantala, ang mga mahihina ang paniniwala ay iyung nasa isip na lamang nila ang pagiging Katoliko.  Nakakalungkot isipin, ang nakararaming bilang sa Kristiyanismo ay iyung mahihina ang paniniwala – sila yung mga bumabatikos sa turo ng simbahan at yung mga nagsisimba at nagdadasal lamang kapag may delubyo.  Sila yung mga nasa umpukan na nagchichismisan, yung mga maiingay at bastos sa social media, yung mula ina hanggang sa anak ay nagmumura, yung naghihintay ng mali ng isang personalidad, artista o politiko upang may mabatikos, yung mga nag-iba ng paniniwala na ang dating bawal ay itinatama ngayon.  Halimbawa, ano nga bang bahagi ng “Huwag Kang Papatay” ang hindi maunawaan ng mga Katolikong ito na pilit pa rin nilang binibigyang katwiran ng ibang kahulugan ng kautusang ito?  Na sinasabing dapat lang patayin ang mga masasama upang mawala na ang mga ito.  Ngunit naiisip ba nila na sa sinasabi nila ay masamang tao na rin sila kaya kung susundin ang sinasabi nila ay ang ibig sabihin ay dapat na rin silang patayin?  Kapag sinabing huwag kang papatay, wala na itong ibang ibig sabihin kundi huwag kang papatay.  Pansinin natin, sinasabi nila na sila ay Katoliko pero hindi sila nagsisimba o hindi daw sila sumusunod sa iniuutos ng Simbahan dahil may nakikita daw silang mga mali sa Katoliko.  Nagbabalatkayo lang na sinasabing kristiyano ngunit ang totoo ay ginagamit lang nila itong dahilan at sinasamantala lang nila ang ganitong katwiran dahil ang totoo ay mahina lang talaga ang kanilang pananalig sa Diyos.  Kung tutuong sa namumuno sila nagagalit, bakit hindi sila mag-isang dumalaw ng anumang oras sa Simbahan at taimtim na magdasal?

Pamilyar sa atin ang mga tagpo na ang sigaw ng karamihan ay “Ipako sa Krus”, yung ang maraming tao ay nililibak si Hesus at nang naipako na sa Krus ay nagdiwang pa ang ibang tao na ang mismong damit Niya ay pinagsugalan pa?  Ganito din ang karamihan sa mga tao ngayon – di ba ang daming kung anu-anong masasakit na salita ng panlilibak ang naririnig at nababasa natin sa social media? Di ba kayraming humuhusga kapag may taong pinaghinalaan o pinagbintangan pa lamang ay nagdiwang nang malamang mapupunta sa hindi maganda ang kanyang kapwa?  Hayun sila, nagkantahan, nag-inuman, kumain ng masasarap o nagsugal bilang pagdiriwang.  Sa panahon ngayon, sila yung mga Kristiyano/Katolitko, o sabihin na nating kahit anu pang kinaaanibang relihiyon, na mahina ang pananamplalataya.

Ipinagmamalaki ng mga Pilipino ang Pilipinas na pinakadominanteng Katolikong bansa sa buong Asia pero kung titingan mo karamihan sa mga taong ito ay silang mahihina ang papanalig.  Si ate na matapang sa pagsasabing patayin ang mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen ay siya nama’y hindi marunong nangingilin kaya mahina ang pananampalataya.  May isang lalaki ang pilit nangangatwirang ang kautusang “Huwag kang papatay” ay depende ang ibig sabihin pero ang totoo ay hindi naman siya maka-Diyos.  Meron namang ibang tao na tila maamong tupa sa pagrorosaryo pero mala-tigre sa pagpapatupad sa parusang kamatayan.


Hindi naman mahalaga kung magpakakonserbatibo ka sa iyong relihiyon upang maging mabuti kang tao. Kung ikaw ay HINDI mapaghiganti, mapanghusga na akala mo’y napakalinis mo, mapaghangad ng kapahamakan sa iyong hindi kakampi, natutuwa sa problema ng iba, matalas ang dila, mapanira, nangugulo, mapagmagaling at mapagsanto-santohan – anuman ang iyong relihiyon ay para ka na ring mabuting tao.  Aminin mo, kung ikaw ay may MGA nakaaaway – baka kasi ikaw ay hindi mabuting tao.  Minsan pa ay aking isusulat: wala sa isang relihiyon ang pagiging mabuting tao.  Kung paano ka makipag-kapwa tao, iyun ang susukat sa iyo na isang mabuti kang tao.

No comments: