Taon-taon,
hindi ko maiwasan na sa tuwing sasapit ang araw na ito ay maghintay ako ng kung
ano ang mangyayari. Kung isang pangkaraniwang
araw tulad ng mga nagdaraan, o mayroon kayang magandang bagay ang mangyayari sa
akin sa araw na ito? Ang totoo ay
naghihintay ako kung mayroon akong matatanggap sa araw na ito.
Hindi naman ako nag-iisip ng malaki at mahal na bagay dahil hindi ko
ipinapalagay ang sarili ko na malaki at importanteng tao. Pero hindi naman sa kung ano ang gusto kong matanggap kundi yung bakit ko gustong makatanggap. Dahil gaano man kaliit ay magiging isang
napakahalagang oras at bagay sa akin ang sandaling iyon.
Iniisip
ko kasi na kadalasan ay laging ako ang nagbibigay. Pasko, bagong taon, kaarawan, anibersaryo o
yung mga simple ngunit mahalagang okasyon ay pinag-iisipan ko kung ano ang
aking maibibigay sa aking kapamilya, kaibigan at kasamahan. Maliliit na bagay, munting ala-ala o kahit
yung simpleng mensahe lang dahil iyun naman ang angkop sa kakayahan at pagkatao
ko. Kung minsan ay sinisikap kong ibigay
ang bagay na gusto nila kahit may kamahalan kung alam kong yun ang makakapagpasaya
sa kanya dahil gustong gusto iyun niya.
Gusto
kong pag-isipan ang bawat bagay na aking ibinibigay, mga bagay na sinusubukan
kong kakaiba dahil gusto kong maaala-ala nila ako kapag nakikita nila ang bagay
na iyon na ako lang ang nakaisip na nakapagbigay. Hindi naman kailangang mahal ang isang bagay,
maaaring sariling-gawang bagay, o kahit pagkain na sadyang ginawa para sa
kanila. Sa ganito ko naipapadama kung
paano ko sila pahalagahan, kaya hindi ko maiwasan na naghihintay din ako ng pagpapakita
ng pagpapahalaga sa kabutihang ibinibigay ko sa kanila.
Hindi
naman sa nanunumbat ako o kaya ay hindi na ako makapaghintay ng
kusang-loob. Sa palagay ko ay hindi
naman sa humihingi ako ng kapalit sa mga ibinibigay ko kundi mag-isip lang na
paminsan-minsan ay maghangad din ako na sana ay ako naman ang maabutan lalu na
kung sa isang mahalaga at personal na araw.
Tutal ay hindi naman pangkaraniwang araw kaya hindi naman siguro masama
ang maghintay ako ng regalo mula sa mga taong mahalaga sa akin. Maliliit na mga bagay lang naman ang iniisip
ko dahil mababaw at simple lang naman ang aking kaligayahan. Naghahangad din ako na maabutan kahit papaano
para pangpalubag-loob sa aking pakikipag-kaibigan, pangpasaya dahil araw ko
naman ito. Ang totoo ay kahit isang maliit
na card lamang, kahit isang maliit at totoong pagbati lang ay kuntento na ako
dahil kahit papaano ay mararamdaman ko ang kanilang pagmamalasakit sa akin.
Nuon
ay isang banner ng pagbati at nakasulat ang mga pangalan mula sa aking mga
kasama sa trabaho ang ibinigay sa akin na hanggang ngayon ay aking itinatago,
iniingatan at pinapahalagahan. Mayroon
naman card akong natanggap nuon na labis kong ikinatuwa dahil galing iyon sa
mga malalapit sa aking buhay. Minsan
naman ay isang cassete tape ang aking natanggap. Ang totoo ay mas nagugustuhan ko ang mga
maliliit na bagay na tulad ng mga ito kaysa sa mga mamahalin at magarbong
bagay. Hindi ito matutumbasan ng anumang
halaga ng presyo habang nakikita ko ang mga bagay na ito.
Katulad
ng mga nagdaang taon, ngayong araw na ito ay umaasa ako na makatanggap ng
anumang maliit na bagay mula sa mga iniisip kong tao. Madalas man akong mabigo tulad ng mga nagdaan
taon ay masaya pa rin akong aasa na sana ay mabigyan nila ako ng kaunting
kasiyahan na lagi kong babalik-balikang isipin at ipagpapasalamat habang ako ay
nabubuhay. Sana kahit ngayong araw lang
na ito ay ako naman ang makatanggap.
By Alex V. Villamayor