Friday, September 23, 2011

PAKIKIALAM SA KAPWA

Sa patuloy kong pakikisama sa ibat-ibang ugali ng tao, mayroon akong nakilala na mahilig magsalita at magsabi ng para sa kanya.  Sila yung sinasabi ang kanilang sinasaloob, nalalaman at kagustuhan bilang pagsasabi ng pwedeng gawin.  Mga salita, payo at mungkahi na kapag pinagsama-sama mo ay lumalabas na pakikialam.  Sila yung tinatawag nating mga pakialamero o pakialamera.

Kadalasan na sa mga alitan ng isang biyenan at manugang ay ang “pakikialam”.  At paulit-ulit na nating narinig sa isang biyenan na sinasabi lang naman niya ang nasa sa loob niya bilang isang pagmamalasakit at pagpapaala-ala lamang.  Subalit alalahanin at aminin natin na ang bawat payo, puna at paalala na lumabas sa ating bibig ay iyun ang gusto nating mangyari at siyang dapat gawin ng ating kausap.  Dahil iyun ang alam nating tama kaya gusto nating sundin o gayahin tayo ng ating kausap.

Kahit ang ina o ang ama sa kanyang anak ay madalas magkaroon ng pagtatalo sa mga bagay na ang pakiramdam ng anak ay pakikialam.  Para sa mga magulang ay mas alam nila ang mga nangyayari dahil sila ang nakatatanda, nakaranas, nakakita at nakakaalam ng mga bagay-bagay.  At ang bawat pagpasok nila sa mga diskarte at pagdedesisyon ng mga bata ay kasama sa kanilang tungkulin at pagmamahal dahil mayroon silang pakialam.

Sa pagkikipag-kaibigan o sa mga magkakasama, hindi maiaalis ang pagiging tahasan sa pagsasalita at walang pangingimi sa isat-isa sa pagsasabi ng mga dapat gawin.  Lalo na kung kayo ay masyado ng malapit sa isat-isa, kadalasan ay wala sa loob na pupunahin natin ang ginagawa ng ating kasama at sa halip ay sasabihin natin ang para sa atin ay dapat na gawin.  Sa ganitong pagkakataon, hindi mo namamalayan na pinanghihimasukan mo na ang buhay ng iyong kaibigan, kasama o kamag-anak.

May mga pagkakataon na habang ginagawa natin ang isang bagay ay maririnig natin sa isang tao na mas maganda ang ganito o ang ganyan.  Kapag narinig natin ang ganun sa isang tao, hindi man direktang sabihin sa atin na ganito o ganun ang gawin natin ay para na ring ganun ang gusto niya na mangyari  – pakikialam.  Kung minsan naman, kapag nagawa na ang isang bagay ng may pagkakamali sa kinahinatnan ay maririnig natin sa taong iyon na dapat ay ganito sana ang ginawa.  Iyun daw ang dapat ginawa dahil iyun ang kanyang matagal ng ginagawa na hindi namamali.  Ang ipamukha ang paninisi dahil hindi yun ang alam mo na dapat sana ay ginawa ay pagdidiktang hindi tuwiran.

Kapag mahilig kang magsalita ng dapat mga gawin at mga dapat sanang ginawa, kapag bukam-bibig mong ipayo ang iyong nalalaman na mas tama at mas magaling – isa kang pakialamera. Kadalasan, kapag naging malapit na sa atin ang isang tao na mistulang kapamilya na ay nagiging palagay na sa pagsasalita.  Kapag naging palagay na ang loob at pagsasalita ay kadalasan na lumalabas na ang pagmamalasakit, pag-aalaala, panghihimasok at pakikialam.  Iyun bang parang ang gusto mo ay madominante, mapa-ikot sa yong kamay at  mapasunod ang iba sa iyo.  Lalo kapag ang isang tao ay marunong at maalam ang tingin sa sarili, mistula siyang ina o ama na magdidikta ng kung ano ang dapat gawin.  Ang nakikialam kasi ay kadalasan mayroong mataaas ng pagpapalagay sa sarili.  Hindi ka kasi magsasabi ng mga bagay na dapat gawin ng isang tao kung hindi mo alam na lamang ang sarili mo sa kanya.  Ganun ang magulang sa mga anak, ang biyenan sa manugang, ang matanda sa bata at kahit na ang amo sa kanyang trabahador.

Magandang sabihin mo na lang kung ano ang iyong punto at hayaan ang may katawan na siyang magpasya ng kanyang gagawin.  Huwag hintayin na sagutin ang tanong mo, makita na ginawa ang sinabi mo at malaman na susundin ang payo mo.    Huwag mo siyang presyurin o gipitin sa gagawin niya dahil ang bawat isa ay may kanya-kanyang pamamaraan ng ginagawa.  Magkatulad man ang inyong pinagdaraanan at ginagawa ay may pagkakaiba pa rin ang diskarte ninyo sa buhay.


Alex V. Villamayor
September 23, 2011
Thuqbah, KSA

No comments: