Thursday, September 08, 2011

PANINIWALA SA SARILI


Sa patuloy kong pakikisalamuha sa ibat-ibang tao, isa sa mga nakita at nakilala ko ay ang mga taong mabuti ang palagay sa sarili.  Sila yung mga tao na ang alam nila ay nakaangat sila sa kung saan mang bagay ang gusto nilang maging angat sila.  Pabiro man or hindi pabiro, bukang bibig  nila ang kanilang kabutihan, kagandahan o kagalingan upang makapag-iwan ng marka para sa kanilang sarili.  Hindi pagyayabang, pagbubuhat ng sariling bangko o kalakihan ng tiwala sa sarili kundi iyun kasi ang gusto nilang mangyari sa kanilang sarili.

Kung ang tawag nila sa kanila ay maganda ang kanilang hitsura, iyun ang paniniwala nila dahil gusto nilang ipakita sa mga tao na sila ay hinahangaan at ginugusto ng marami.    Mabuti ang kanilang hanap-buhay at pinagkakakitaan dahil simbolo iyon ng katayuan sa buhay na gusto nilang ipaalam sa nakakakilala sa kanya.  Sila ay magaling – sa mga pananalita at pagsusulat tungkol sa kanyang kaalaman, pananaw sa buhay at sa trabaho ay magagandang inglis ang kanyang sinasabi at isinusulat, malalalim na situwasyon at pananaw ang kanilang gustong ipaalam ngunit sa pag-itan ng mga salita at pangungusap ay mayroon pagkukulang.  Hindi naman kasi talaga iyon ang kanyang nasasaloob kundi pilit na humiram ng kaalaman sa mga nababasa at naririnig kaya ang kanyang mga sinabi at isinulat ay mukhang pilit na pinapagaling.

Ang isang halimbawa ay ang naging kasamahan ko na ang palaging ikinukwento sa ibang kaibigan at kasama ay kanyang pagiging isang magandang lalaki.  Marami siyang mga kuwento na marami ang nagkaka-gusto sa kanya na halos ay iwasan man niya ay pilit siyang hinahanap at pina-iibig. 
Ang hindi ko lang maintindihan sa kanya ay hindi naman siya talaga magandang lalaki.  Maaring sabihin na mayroon siyang kahit papaano ay maayos na katangian ngunit hindi masasabing sapat iyon na maging kaibig-ibig siya tulad ng lumalabas sa kanyang mga kuwento.  Maaaring ang akala kasi niya ay magandang lalaki siya.  Mayroong kapansanan ang isang bahagi sa kanyang mukha, kung kumilos siya ay parang  wala sa edad, ginagayakan niya ang kanyang sarili upang umangat at makita ng mga tao at madalas kong mabasa sa kanyang kilos at pananalita na lumilikha siya ng mga kilos para siya ay mapansin.

Madalas siyang magkuwento ng mga taong nagiging malapit sa kanya, kapwa man niya lalaki o ibang lahi.  Ganuon kalakas ang kanyang paniniwala sa kanyang saarili.  Ngunit sa aking pagkakakilala sa kanya base sa kanyang mga kilos at ugali, maaring nagpapakitang motibo siya sa mga tao upang mapansin siya.  Naiisip ko, paano ngang hindi siya mapapansin kung sasadyain niya ang mapansin dahil hindi siya makapaghintay na kusang mapansin?  Kung ang kilos niya at pag-aayos ay sinasadyang maging kapansin-pansin, bakit hindi nga siya mapapansin, kilalalin at maging kasama sa buhay?  Wala sa kanyang mga sinasabi ang totoong pagkatao niya.  Kung sinabi niya na ang buhay ay ganito o ganyan, iyun ay dahil iyun ang nangyayari sa kapaligiran at hindi ang kanyang paninindigan sa usapin.

Maaaring nasasabi niya ang lahat ng mga iyun dahil iyun ang kanyang akala, o dahil iyun ang kanyang gustong mangyari – ang kanyang ambisyon.  Sinasabi niya ang ganuon dahil ang gusto niya ay mapunuan niya ang kakulangan niya, o gusto niya na nakalalamang at naka-aangat siya sa mga kilala at kagrupo niya.  Siguro ay pagtakas sa katotohanan o para masubukan na maranasang madama ang pangarap.  Marami sa paligid natin ang mga taong katulad niya, iyung may mga may maling akala na patuloy na naniniwala na ang palagay sa mga sarili nila ay tama, mabuti, magaling at maganda.  Sila ang mga nangangarap ng gising sa inaambisyong pangarap, sa araw-araw kong pakikisalamuha sa mga tao ay nakikita ko ang nangingibabaw na ugaling may labis na paniniwala sa sarili.

Ni Alex V. Villamayor
September 7, 2011
(d.o.ring)

No comments: