Tuesday, October 19, 2010

OH, PAG-IBIG

Disclaimer:  Parental Guidance

Walang hindi marunong umibig, lahat tayo ay nagmamahal. Nagmamahal tayo sa ating magulang, kapatid, sa Bayan at sa Diyos. Ngunit ang pagmamahal sa ating kapwa ang siyang pinakamalaking bagay na nagbibigay ng kahulugan ng pinag-sama-samang kulay, lambing, saya at kahulugan sa buong buhay natin. Ang taong umiibig, nagiging makahulugan ang buhay at nagiging maganda ang pananaw sa hinaharap ng kanyang buhay. Ang taong umiibig ay nagiging makulay at masigla ang buhay dahil wala siyang ginagawa kundi ialay bawat araw ang mga magagandang bagay sa kanyang minamahal. At walang kasing saya kapag ang pagmamahal na iniuukol mo ay sinusuklian din ng pagmamahal. At wala ng mas hihigit pang saya sa nararamdaman mo kapag nakasama mo na sa wakas ang iyong pinakamamahal dahil ikaw na ang pinakamasayang tao.


Ngunit may punto sa buhay na kahit nagmahal ka na ay dumarating pa rin ang pagkakataon na nagmamahal ka pa rin. Kahit alam mo na mali pero itinutuloy mo pa rin kasi wala kang magawa. Alam mong mayroon ka ng pananagutan sa buhay ngunit may dumadating na isang pag-ibig na hindi mo kayang iwasan. Hindi man ito itinuturo at pinag-aaralan ngunit kusa itong nararamdaman. Naguguluhan kang mag-isip, nahihirapan kang harapin ang nangyayari. At tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ba iisa lang kasi ang puso mo.


Bawal na pag-ibig, tukso na hindi kayang layuan. May bawal na pag-ibig na kahit alam mong bawal ay ginagawa mo pa rin. Bawal dahil hindi pinahihintulutan ng batas ng tao. Napaka-makapangyarihan kasi ng pag-ibig, kapag naramdaman mo na ito ay napakahirap pigilin kahit anong pag-iwas ang gawin mo. Mahirap kalabanin ang sariling damdamin – mayroong kang katwiran sa sarili mong katwiran. Kapag sinabi mo ganito o ganyan – nangangatwiran ang sarili mong kunsensiya, binibigyang katarungan kung ano ang gustong gawin kaya nagiging magaan at madali na itong gawin. Ang mga lalaki ang kadalasan na masuot sa ganitong sitwasyon dahil sila yung mahina pagdating sa pagkontrol ng damdamin, sila yung madaling umibig, at sila yung mas nakakakita ng kagandahan. Nagmamahal ka lang naman kaya nagkakaroon ng ganitong tagpo sa iyong buhay. Mahirap kapag napunta ka sa ganitong sitwasyon dahil hindi mo naman gusto na manakit ng taong mahal mo pero wala ka talagang lakas para iwasan ito. Wala ka naman talagang gustong saktan ngunit kailangan harapin mo ang katotohanan na isa lang ang dapat mong piliin sa kanila ngunit hindi mo magawa dahil ikaw rin ay nasasaktan na mawala ang isa sa kanila – nagmamahal ka lang naman.


Ngunit mayroong mas mahirap ang kinalalagyan kaysa sa bawal na pag-ibig. Mas masakit yung tinatawag na maling pag-ibig dahil hindi sila naangkop sa sinasabing totoong daigdig. Sila yung mga taong kahit wala naman pananagutan sa buhay ay hindi maaring magbigay ng pag-ibig dahil sila yung mga taong hindi napapabilang sa ugnayang lalaki at babae. Sila yung inalisan ng karapatan na magmahal sa kapwa kahit na sabihing ang kanilang pagmamahal ay walang kasing dakila, kasing wagas, at kasing linis. Mas masakit ang ganito, dahil tulad ng ibang tao ay nakakaramdam din sila ng pagmamahal kung paano makaramdam ang mga lalaki at mga babae – nagmamamahal ka lang naman.


Lahat ng tao, mapa-lalaki at babae man ay umiibig. Tulad ng sinasabi ng mga makata, “Oh pag-ibig na makapangyarihan, kapag nanahan sa puso ninoman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang”. Totoo, marami na ang humamak sa larangan ng pag-ibig na gagawin ang lahat upang masunod at makamit lang ang gusto ng puso. Dahil kapag puso na ang nangusap, may sarili itong lengwahe na hindi kayang unawain ng isip at kapwa mga puso lamang ang nagkakaintindihan. Nakapagtataka nga dahil kahit Diyos na ang siyang nag-utos, ngunit dahil sa pagmamahalan ay mas nasusunod pa rin ang sariling damdamin. At sa mga nangyayaring bawal na pag-ibig at kahit na yung maling pag-ibig, kung kasalanan man ang mga ito ay sasabihin na lang natin na tayo ay mahina sapagkat tayo ay tao lamang.


Anut-anoman, sa pag-ibig ay mayroong kailangang isipin. Kailangan pa rin nating isa-alang-alang ang kapakanan ng bawat isa at ang damdamin ng ibang tao. Hindi dahil nagmamahal ka, kahit ito man ay labis, totoo at dalisay ay maaari mo na itong gawin. Dapat ay wala kang niloloko, sinasaktan, at pinagsasamantalahan. Hindi na mahalaga kung sino ang iyong minamahal, ang mahalaga ay bakit at paano ka nagmamahal.



Alex V. Villamayor

October 14, 2010

No comments: