Monday, October 18, 2010

BAKIT KAYA?

(Ang sumusunod na kwento ay halaw sa pangsariling saloobin ng sumulat dulot ng kanyang totoong karanasan.)

“Ayoko na sanang gawin ito dahil ayokong mawala ang isang tao na naging malapit na sa akin. Dahil, hindi ko alam kung bakit sa tuwing nagsusulat ako ng isang pagkilala sa isang tao na kinalulugdan ko, malapit sa akin, at itinuturi kong kaibigan ay napapalayo sa akin. Nagkakataon man o talagang nakatakdang mangyari, bakit kaya kadalasan ay nagkakatotoo na nangyayari


Dahil na rin sa aking likas na pagkamalikhain at pagkahilig sa pagsusulat, nagiging paraan ko ng pagpapasalamat, pagpupuri at pagmamahal sa isang taong matimbang sa akin na igawa ng isang sulat, mensahe o tula na para lang sa kanya. Mga dating kasama sa trabaho, kalapit-bahay, at naging kaibigan. Ngunit napupuna ko na sa tuwing ginagawa ko iyon ay nagkakalayo kami, sa hindi maiiwasang kadahilanan ay kinakailangang mapalayo sila sa akin na nagiging dahilan ng aming tuluyang pagkakalayo. Mayrooong nanirahan na sa ibang bansa, mayroong nalipat ng ibang trabaho, mayroong kailangang iwanan ko, at mayroong nagpasyang manatili na lamang sa kanyang piniling lugar. Kung minsan ay may napapalayo sa isang hindi magandang paraan – yung may naiiwang hindi magandang pagkakaunawaan.


Ganunpaman, nalulungkot ako sa bawat paghihiwalay namin dahil isang pagkakaibigan ang nawawala, nasasayang, at nasisira. Nalulungkot ako dahil nanghihinayang ako sa bawat magagandang pinagsasamahan, mga oras na ginugugol, pagkakataon na nagkaroon, at mga pangarap na binubuo ngunit nababale-wala lamang. Mayroong mang masakit na paghihiwalay ay mas minamabuti kong alalahanin ang magagandang pinagsamahan kaysa alalahanin ang naging mapait na paghihiwalay.


Ngunit gusto kong isulat ang mga katangian ng aking kaibigan, itago ang mahahalagang tala’ sa amin, at igawa ng katibayan ang aming magandang pagsasamahan. Gusto kong iukit sa titik ang mga katangian ng isang maganda, mabuti at natatanging pagkakaibigan. Ngunit sa kung ano mang dahilan ay nauudlot ang isang pagsasama sa tuwing ginagawa ko ang pagsusulat para sa kanila.


Ngayon ay isang katauhan ang nagsisilbing mahalaga sa akin. Isang kaibigan ang gusto kong pasalamatan at kilalanin ngunit natatakot akong matulad sa mga nauna ang aming pagkakaibigan. Natatakot akong mangyari ulit ang paghihiwalay ng isang magkaibigan dahil ayokong mangyari na naman ang mga nangyari nuon sa mga nauna kong kaibigan. Ayokong maulit muli ang paghihiwalay, pagkakalayo, at pagtatapos ng isang pagkakaibigan dahil nawawalan na ako ng paniniwala na itoy nagkakataon lamang at ang pakiusap pa rin sa Diyos ang magpapatatag ng pagkakaibigan.


Ayokong maniwala sa pagkakataon dahil natatakot akong mawalan na naman ng isang kaibigan. At ayoko na nga sanang gawin ito ngunit parang hindi kumpleto ang lahat kung wala ito sa natatanging araw na ito. Alang-alang sa pagkilala at pagpupuri ko sa kanya ay mahalagang gawin ko ito para sa mahalagang araw. Gusto ko lang gumawa ng isang mensahe para sa isang kaarawan. Sana lang ay huwag itulot ng Diyos na nagiging padron ng paghihiwalay ang aking ginagawang mga pagsusulat para sa isang kaibigan. Dahil ayokong makunsensiya ulit ako at muling maramdaman na isa na naman akong bigo na makakita ng isa sanang tunay na kaibigan. Muling magsisisi at manghihinayang sa ginawa, at manliliit lang sa sariling pagka-awa, pagpuna, at paghuhusga dahil para akong hindi mabuting tao na walang nagiging kaibigang pangmatagalan.


Sana ay huwag maghatid ng tila isang sumpa na tumatapos sa isang simulain ang bawat pagsusulat ko para sa isang kaibigan. Huwag sanang magdulot ng isang kabiguan ang aking kapangahasan, katapangan, at lakas ng loob na isugal ang kahihinatnan ng pagkakaibigan. Ngunit sa buhay natin, anuman ang kahihinatnan ng iyong ginawa, kapag nagpasya ka, anuman ang kalalabasan nito ay kailangan mong harapin. Kung kaya, ipinasya kong ituloy ito ng may kasamang kahilingan sa Kanyang kagustuhan, upang magsilbi itong isang kayamanan sa darating na panahon.”



Alex V. Villamayor

October 18, 2010

No comments: