Tuesday, August 21, 2018

WIKANG FILIPINO


Tagalog, Bikol, Kapampangan, Cebuano, Ilocano, Pangsasinan, Hiligaynon (Ilonggo), at Waray ang mga pangunahing wika sa Pilipinas ngunit kahit Bisaya, Chavakano o Inglis man, ang lahat ng mga ito ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao at bayan.  Ang ating sariling wika ay ang kumakatawan sa atin at ito ay ang ating pagkakakilanlan.  Mayroong mahigit 170 wika ang ating bansa at ang mga ito ay natatangi sa buong mundo.  Bawat isa ay musika sa ating pandinig.  Kasabay ng pag-usad ng panahon, nangangailangan din ng pag-unlad ang ating wika.  Hindi dapat limitahan bagkus ay may mga kinakailangang pagbabago sa dikta ng panahon ang maaaring gawin.  Sa pagdaan ng mga panahon ay ginawang Filipino ang paraan sa pagtuturo sa ating edukasyon upang mas madaling maunawaan ang pag-aaral at nagbago ang ating alpabeto upang umangkop sa ating pangangailangan.  Napakarami pang pamamaraan sa makabagong panahon upang maging napakahalaga sa atin ang ating sariling wika.

Ang mga tao ay maraming katanungan.   Kailangan nilang makakuha at makakita ng mga kasagutan na madaling makakapag-unawa sa kanila.  Sa paghahanap nila ng mga kasugutan ay makakausap ka nila, makakakita sila ng mga mababasa sa diyaryo at internet, at makakarinig sila sa telebisyon at radio ng mga kapaliwanagan.  Dito sa mga pagkakataong ganito natin gamitin ang pagkakataon upang paunlarain at palaganapin natin ang ating wika.  Kung ikaw ay isang manunulat, gumagawa ng blog o nagbabalak na magsulat ng sariling libro, isulat mo ito sa wika mong Bisaya, Ilokano o anoman ang iyong wika.  Kung isa kang manggagamot, alagad ng simbahan o tagapagsalita, bigyan mo ng payo ang mga may sakit, mga nangangailangan at tagapakinig gamit ang iyong katutubong wika.  Kung ikaw ay gumagawa ng isang pag-aaral sa larangan ng sensiya, sining o kalusugan ay gamitin mo ang wikang Filipino ng sa gayon ay yumabong at maipalaganap ito.  Sa mga ganitong paraan ay mas magkakaintindihan tayo at tuluyan na nating mapapalaganap ang karunungan, ang kaunlaran at ang wikang Filipino.

Palakasin mo ang ating wika sa pagsasaliksik gamit ang iyong diyalekto.  Napakaimpluwensiyang salik ang lenguwahe upang maiangat natin ang antas ng ating pamumuhay at pambansang ekonomiya.   Ngunit alalahanin din natin na higit sa kaalaman sa pagsasalita ng sariling wika, ang pagiging maka-Filipino ay maipapakita sa marami pang paraan.  Hindi sa galing sa pagsasalita ng malalim na tagalog o matalinghagang salita maipapakita ang pagmamahal sa bayan.  Ang inglis bilang pangalawang wikang pambansa ay kailangan ding pag-aralan upang hindi tayo mapag-iwanan ng mga kalapit-bansa natin.  Wala sa pagiging mapagmahal sa wika ang ikauunlad ng bansa kundi nasa totoong makabayan ng bawat Pilipino.  Ang mga bansang Hapon, Korea, Singapore at Tsina ay malaki ang pagpapahalaga sa kanilang mga wika ngunit yumaman ang bansa nila dahil sa kanilang matinding pagmamahal sa bayan.

Bilang Tagalog na aking katutubong wika, pinagyaman ko ito upang mapaunlad ko ang aking dunong sa pagsusulat.  Naging mahalaga sa akin ang pagsusulat at yinakap ko ito bilang isang pagkatao ko na bumuo sa akin.  Nais kong palakasin ang aking sarili kaya sinaliksik ko ang mga hindi ko nababatid sa mga salik sa sining ng pagsusulat.  Ngunit anuman ang iyong wika, ikaw man ay nasa Mindanao, Norte o Maynila, saliksikin mo ang iyong wika upang ikaw ay manguna mapa-musika, agham, politika o pangkabuhayan man ang iyong mithiin at upang makatulong ka sa pagpapaunlad, pagpapatagumpay at pagpapalaganap ng wikang Filipino.

No comments: