Ang sumusunod na artikulo ay mula sa isang maikling talumpati ng isang mag-aaral sa elementarya para sa Linggo ng Wika.
Sa ating mahal na Punong-Guro, mga butihing guro at
tagapayo, at sa aking mga kapwa mag-aaral, isang maalab na pagbati po ng
magandang umaga sa inyong lahat.
Sa mga nakita at narinig natin sa palatuntunang ito,
marahil ay maitatanong natin sa ating mga sarili kung ano nga ba ang kabuluhan
ng pagkakaroon ng Pambansang Wika. Ano
nga ba ang maitutulong nito sa ating buhay bilang isang Pilipino? Ang palatuntunanang ito ay ginagawa upang
bigyang halaga ang pagkakaroon ng wikang pambansa.
Alam natin na ang bansang Pilipinas ay isang arkipelago
na mayroong pitong libo isang daan at pitong (7,107) isla. Mga isla na magkakahiwalay na hinahati ng
tatlong malalaking isla – ang Luzon, Visaya at ang Mindanao.
Ang mga isla na ito ay mayroong kanya-kanyang kasaysayan,
paniniwala at pananalita. Bagamat ang
lahat ay isang Pilipino ay mayroon tayong mahigit sa walumpung (80) dayalekto ngunit kahit
nagkakaiba ang ating mga salita ay mayroong isang salita na nagbubuklod sa atin,
nagkakaintindihan tayo – ang wikang Filipino.
Kapag ang isang Pilipino na taga-Mindanao ay nagpunta sa
Maynila, hindi magiging sagabal ang kanyang lenguwahe dahil tayong mga
Pilipino, kahit saan man naroon ay maaari tayong mag-usap at magkaintindihan
dahil sa ating pambansang wika.
Dito tayo nagkakaisa at nagkakaunawaan na mahalagang
bagay upang tayo ay umunlad. Kailangan
nating magkaintindihan tungo sa iisang adhikain – ang umunlad. Bilang isang bansa ay mahalaga na magkaroon
tayo ng isang wika na siyang mag-uugnay at magsisilbing bigkis sa ating
lahat.
Magkakaiba man tayo sa maraming bagay ay nauunawaan naman natin ang isat-isa dahil
naipapahayag natin ang ating nararamdaman sa ating kapwa. Sa pagkakaunawaan na ito ay naipaparating
natin ang ating kagustuhan na maging mapayapa ang ating bayan at bansa. Dahil sa iisang wika na ating
pinagkakaintindihan ay nasasabi natin ang nais nating pagbabago para sa
pag-unlad.
Mahalaga na magkaintindihan at magkaisa ang bawat isa. Dahil sa pamamag-itan nito ay maisusulong
nating mga Pilipino ang inaasam na pag-unlad at kapayapaan. Ipagmalaki natin sa buong mundo ang wikang
Filipino dahil ang ating wikang Pambansa ay wika ng pambansang kaunlaran.
Maraming salamat po sa inyong lahat.
2 comments:
Na gusto han kopo ang iyung isinulat at may dumagdah pa sa aking mga kaalaman bata sa ating wikang kultura at naka gawa ako NG aking saloobin batay na in yung sulat na ito na aking nabasa.. Maraming salamat po...
Isang mag aaral.
Salamat sa pag-bisita. Sorry sa late reply.
Post a Comment