Gaano
ba talaga natin kakilala ang mga tao na kilala natin? Yung kapag wala na sila sa paningin natin,
alam pa ba natin kung ano ang kanilang mga ginagawa? Mayroon tayong mga kasa-kasamang tao na ang
buong akala natin ay mabuting tao dahil madaling makagaangan ng loob ang kanilang
maamong mukha at mabulaklak na pananalita.
Nakikita pa natin na masaya silang kausap at kasama dahil mapagpatawa
sila sa gitna ng mga pag-uusap. At ang
alam pa natin ay madasalin, relihiyoso at makaluma sila ngunit ang hindi natin
alam ay sa kabila ng mga ito ay kabilang din pala sila sa mga tao na masama ang
ugali. Bagamat totoo na mabait ang pakikiharap nila sa atin ngunit ang totoo ay
mapintasin pala sila, mapanghusga, matalas ang dila, mapaghiganti, matigas ang
puso, mapanggamit o kung anu-ano pang mga kapangitan ng ugali kapag hindi na
natin kaharap. Iba ang pakikiharap kaysa
sa pakikisama. Paano malalaman ng ibang tao
na ang nakikita, nakakausap at nalalaman nilang matulungin, maaawain at
mapagkalingang kapwa ay hindi naman pala ganuon kapag wala na sa harapan?
Sa
isang positibong pagbibigay-katwiran, maaaring kaya sila nagpapakita ng
magandang katangian sa maraming tao ay upang maparami nila ang kanilang
kaibigan, kakilala o kasama dahil iyun ang nagpapasaya sa kanilang buhay. May mga taong sadyang mahilig sa mga
kasiyahan, popularidad at pagpaparami ng mga kaibigan. Ngunit mag-iisip ka na marami nga silang napupuntahan
at nagiging kaibigan ngunit bakit marami din silang nakaka-samaan ng loob? Kung isa, dalawa o tatlo ang iyong nakaalitan
ay maaari na itong bale-walain dahil maaaring ang mga ito aysimpleng hindi
pagkakaunawaan lamang ngunit kung higit sa tatlo ang iyong nakakaalitan ay maaaring
ikaw na ang may problema. Bakit ka nagkakaron
ng usapin sa sariling kamag-anak, mga kapit-bahay, kasamahan sa tabaho o kahit
ng dating kaibigan kung ang ugali mo ay maaari pa namang tiisin kahit papaano? Isang tanong lang, bakit ka nagkakaroon ng
maraming kaaway kung mabuti kang makipagkapwa-tao?
Nakalulungkot
tanggapin na mahirap itong malaman ng ibang tao dahil hindi naman talaga natin makikilala
ang isang tao hanggang hindi natin nakakasama nang madalas. Ngunit duon sa mga asawa, kapamilya, kaibigan at mga kasakasama, ang totoo ay
nalalaman naman ang mga ito ngunit hinahayaan na lamang dahil sa turingan
nilang magkakapamilya o magkakasama kaya wala ni isa ang nagsasabi ng kanyang masamang
ugali. Ngunit paano iyung ibang mga tao
na hindi ito niya nakakasama nang madalas?
Maaaring sabihin niya na natural lamang na pakisamahan niya nang mabuti
ang mga laging nasa paligid niya dahil sila ang nagpapakita ng mabuti sa
kanya. Ngunit anung klase ng pagkamabait
ang mayroon ka kung sa mga taong mababait lamang sa iyo ikaw
magpapakabait? Mas mabuting gawin mo ang
iyong kabaitan sa mga hindi mo nakakasama dahil ang totoong mabuting tao ay
pinakikisamahan pa rin ng tama kahit ang mga hindi niya kaibigan at
kasa-kasama.
Nakakaawa
ang ganitong mga tao dahil hindi sila magbabago, dahil ang buong akala nila ay
mabait na sila, dahil walang nagsasabi sa kanila – ito ang isang malaking
maling akala. Dito nararapat ng maki-alam
ang mga tao na nakapaligid sa kanila, na sa halip na hinahayaan lamang sila at
pagkaminsa’y mistulang ginagatungan pa kapag pinagkakatuwaan ang kanilang mga
sinasabi at ginagawa, na lalong mas nagpapatigas, nagpapatibay at nagpapatalas
ng kanilang sungay. May responsibilidad
at kasalanan ang mga taong nakapaligid dahil bahagi sila ng pagiging masamang
ugali ng tao na kanilang hinayaang maging masama. Kung hindi mo kayang sawahatin, kaysa sa
kunsintihin ay mas mabuting layuan na lamang ang mga taong ganito upang
maramdaman nila ang kanilang kamalian. Dahil
hanggang mayroong tumatangkilik sa kanilang ugali ay magpapatuloy sila sa
kanilang gawain. Kung maraming beses na
napapansin ko ang hindi magandang ugali ng isang tao, sa una’y binabalewala ko
ang mga iyun sa kadahilanang umaasa akong magbabago. Ngunit kapag hindi ko na nakitaan ng
posibilidad ng pagbabago, umaalis na lang ako kaysa sa nagkakasala ako sa
pag-iisip nang hindi maganda sa mga nakikita at naririnig ko.
Ni Alex V.
Villamayor
August 3, 2015
No comments:
Post a Comment