Tuesday, October 19, 2010

LABIS NA PAGMAMAHAL

Disclaimer:  Parental Guidance

Para na ring bulag, patuloy na nababaliw sa isang pag-ibig. Patuloy na iniibig ang isang tao na hindi naman karapat-dapat sa dakila niyang pag-ibig, o kaya’y hindi dapat ibigin dahil ang katauhang tulad nila ay hindi para sa isat-isa. Ngunit ang pag-ibig ay bulag, hindi nito nakikita ang mga kapintasan, kamalian at kapangitan na nangyayari at sa halip ay wala itong ibang nakikita kundi ang mga kagandahan, katangian, at kabutihan ng kanyang iniibig. Sa kabila ng katotohanang hindi siya karapat-dapat na mahalin dahil sa kanyang hindi tapat na pagmamahal, kakulangan, panloloko, kamalian at pananakit sa iyo ay minamahal mo pa rin siya ng buong tapat.


Sa kabila ng mga kapintasan niya ay hindi mo kayang sabihin ang kanyang mga kapintasan, hindi mo kayang bigkasin isa-isa ang kanyang mga pagkakamali, hindi mo kayang sabihin ang hirap ng iyong dinadala, at hindi kayang mamutawi sa iyong mga labi ang iyong mga hikbi dahil sa kanyang mga pananakit dahil mas nananaig sa iyo ang matinding pagmamahal. Parang isang pipi na hindi makapagsalita dahil pinapangalagaan mo ang kanyang kapakanan at kalagayan. Ayaw mong malaman ng ibang tao ang tungkol sa iyong minamahal at malagay siya sa kahihiyan at sa panunuri ng ibang tao na makapagsasabi ng kanyang mga kapintasan dahil masasaktan ka kapag binabatikos ang iyong minamahal.


Kung may mga sinasabi ang ibang tao ay nagiging bingi ka na hindi mo iniintindi kung ano man ang kanilang mga sinasabi. Hindi mo naririnig ang ibat-iba at maraming kapintasan ng iyong minamahal dahil isa lang ang alam mong sinasabi ng iyong puso. Hindi mo pinakikinggan ang mga payo ng mga taong malalapit sa iyo na hindi siya dapat mahalin at kailangan mo siyang iwanan. Hindi mo sila naririnig sa kanilang nasusumigaw na mga payo, maaring ayaw mo talaga silang pakinggan dahil isa lang ang gusto mong pakinggan. Ang iyong pandinig ay nasa isang tao na lamang at tanging ang kanyang mga bulong lamang ang iyong naririnig sa gitna ng napakaingay na paligid.


Mahal ka niya at mahal mo siya sa kabila ng lahat ng ito. Wala kang paki-alam sa mga sasabihin ng ibang tao dahil ang mahalaga ay mahal ka niya. Ano ba ang alam ng ibang tao sa iyong nararamdaman? Hindi naman sila ang nakakaranas ng pag-ibig na nararamdaman mo. Sabihin mang hindi dapat ay hindi mo kayang itatwa na masaya ka dahil kasama mo ang taong mahal mo ng labis. Dahil hindi kayang tumbasan at ibigay nino man kung ano mang kasiyahan ang iyong nararamdaman sa piling ng iyong pinakamamahal. Ngunit hindi natin sila masisisi dahil ganun ang nagmamahal – sabihin mang hindi karapat-dapat ay sarado ang mga mata, tainga at bibig sa anomang hindi kaaya-aya sa iyo ay hindi mo talaga tatanggapin.


Parang isang bulag, pipi at bingi, naranasan mo na ba ang maging ganito? Kung kukuhanin ang karaniwang saloobin ng nakararami sa atin ay sasabihin nilang ito ay isang kabaliwan o “katangahan”. Ngunit para sa mga taong nasa ganitong kalagayan, ito’y kadakilaan. Hindi natin sila masisisi, ang pagmamahal na nararamdaman nila ay walang kasing dakila na hindi kayang tumbasan nino man. Napakadaling magsalita at magbigay ng payo kung ano ang dapat gawin dahil hindi ikaw ang nahihirapan at nagkakaramdam ng matinding pagmamahal. Ngunit kapag ikaw na ang nasa kaparehas na sitwasyon ay hindi mo na malalaman kung paano tuturuan ang puso – makapangyarihan kasi ang pag-ibig.


Ang lalaki, babae at ano man ang pagkatao mo, sa kabila ng katotohanang walang puwang ang pag-ibig ninyo ngunit kapag tinamaan ng labis at matinding pag-ibig ay nawawala sa sariling “katinuan”. Manhid na maituturing, tama ang tawaging nababaliw na sila sa pag-ibig dahil walang kasing tamis ang magmahal. Baliw na nga siguro ngunit mas nanaisin pa ng umiibig na maging baliw sa piling ng taong patuloy na nagbibigay kahulugan at nagpapaikot ng kanyang buhay. Martir dahil sa labis na pagmamahal. Siguro, ang mas dapat kondenahin ay yung taong minamahal na patuloy pinagsasamantalahan ang kahinaan ng nagmamahal sa kanya dahil siya ang hindi nagmamahal, ang walang malinis na hangarin at ang kulang ang pag-ibig na iniuukol.


Alex V. Villamayor

October 2010

No comments: