Saturday, November 23, 2013

PISTA SA ANGONO NOON AT NGAYON

Sa paglakad at paglipas ng panahon, nagbabago ang pagdiriwang ng kapistahan ng parokya ni San Clemente sa aking bayan sa Angono.  Bagamat ang pinakatampok na pagdiriwang sa pamamag-itan ng  pagoda at prusisyon na sinasaliwan ng banda ng musiko, basaan ng tubig, mga parehadoras at higantes ay nanatiling naruruon, ngunit ang konteksto ay nagkakaroon ng pagbabago.  Dahil nagbabago din ang mismong mga tao na nagdiriwang ng kapistahan na siyang pinakadahilan ng pagbabago.

Sa mabilis at modernong panahon ngayon, at  dahilan na rin sa marami na ang nakikipamahayanan sa bayan ng Angono kung kaya ang mga kinagisnang kaugalian, tradisyon, kultura at kahit na ang pagdiriwang ng pista ay nagkakaroon ng pagbabago.  Ngunit para sa aming mga taal na taga-Angono na siyang nakakita ng maraming nagdaang pista, masasabi namin na mas maganda at mas taimtim ang pagdiriwang ng Pistang Bayan noon.

Ayon sa kwento ng mga mas nakatatanda sa amin, ang pagdiriwang daw ng kapistahan ni San Clemente nuon ay payapa, sagrado, tahimik at maayos.  Ang mga mananampalataya na sumasama sa prusisyon ay naka-suot ng ordinary ngunit maayos at malinis na damit.  Ang mga kalalakihan ay may dalang bungkawal na may mga dahon, naka-apak, may suot na sambalilo at nagmamartsa ng paru’tparito.  Ang pagkakahilera nila sa prusisyon ay maayos, walang nakagayak ng mistulang karnabal, at walang mga kalalakihang lango sa espiritu ng alak.  Ang mga ito ay buong-pusong ipinapatupad bilang pag-galang sa Poon.

Natatandaan ko na nuong ako ay bata pa, sa mga unang araw pa lamang ng Nobyembre ay marami na ang naglilinis ng kani-kanilang bahay na gawa sa kahoy.  Gamit ang dahon ng isis, ang haligi, hagdanan, bintana, barandilla at pasamano ng buong kabahayan ay namumuti sa pagkaka-isis.  Kasunod ang paglalagay ng mga kurtina, pagpapalit ng mga punda at kobre-kama – paghahanda sa pagdalaw ng mga panauhin.

Ang mga bandiritas na simbolo ng pagsasaya sa pista ay ikinakabit sa mga pangunahing kalsada.  Nagkakaroon din ng tinatawag na cedera na kung saan ay may mga murang katutubong-gamit sa bahay at laruan ng mga bata na mabibili.  Mayroong ginaganap na novena sa hapon sa loob ng siyam na araw na sinusundan ng masayang sayawan ng mga deboto: matatanda, bata, lalaki at babae.  Sa saliw ng maingay at masayang tugtog ng banda ng musiko, ang lahat ay umiindak na ginagaya ang galaw ng higantes sa prusisyon.

Sa araw ng Sabado na pinakamalapit sa kaarawan ng Pista ay mayroong hilahan ng tatlong malalaki at mabibigat na Bangka na siyang ginagamit sa pagoda.  Mula sa likod ng simbahan na pinagtataguan ng mga bangka, gamit ang inilatag sa kalsada na mga saha ng puno ng saging na siyang magiging daanan ng malalaking bangka upang maging mas madali at magaang ang paghila, at sa tulong-tulong ng malalakas na bisig ng mga kalalakihan, mapa-bata, binatilyo, binata, at mga ama ay sama-samang hihilahin sa lubid ang bangka papunta sa Wawa.  At sa kahabaan ng Dona Aurora ay mayroong mga nagkakawang-gawa na magbigay ng malamig na tubig, sago at inuming mula sa katas ng pinya sa mga naghahatak ng tatlong bangka ni San Clemente.

Sa gabi pa lamang bago ang bisperas ng pista hanggang sa madaling araw ay ramdam na ang pagka-abala ng mga magkakapit-bahay mula sa paghahanda ng mga lulutuing baboy at manok, pamimili sa palengke ng mga panahog hanggang sa pagluluto ng mga putahe na sa kalsada pa lamang ay amoy na amoy na ang sarap ng mga nilulutong pagkain.  May mga banda ng musiko na umiikot sa mga baryo.

Samantala ang pagpapalipad ng malaking lobo sa pamamag-itan ng apoy ay hindi nawawala sa gabi ng bisperas.  Malaking palaisipan sa aming mga bata kung saan nakalagay ang mga hingantes habang wala pa ang kapistahan at kung paano nga ba ito ginagawa na napakataas.  At sa araw ng Pista, ang mga higante ay dalawa lamang na isang lalaki at isang babae.  Nakasuot ito ng pula na may puti sa bayawang at gawa sa kawayan.  Kinalaunan ay nagkaroon ng mas maliit na siyang tumatayong anak at nabuo ang isang masayang pamilya na naglalarawan ng pamilyang taga-Angono.  Hanggang sa kalagitnaan ng dekada otsenta, ang mag-anak ng higante ay sumasama sa prusisyon.

Sa pagtakbo ng panahon ay nagkaroon ng pagbabago sa mga ito.  Mula sa mga sumasama sa prusisyon na watak-watak ang pagkakahilera, mayroong mga nakasuot ng malaswa, may mga kalalakihang lango sa alak na ang iba ay nagbubuwis ng buhay sa pagkalunod sa pagoda.  Maingay at magulo ang mga tao.  Hindi ko na nakikita ang mag-anak na higantes at sa halip ay napakarami na ngayon ang mga higantes na sa halip na ilarawan ang totoong kahulugan at kahalagahan ng higante sa kasaysayan ng Angono ay komersiyalismo ang kanilang ipinapakita.

Maaaring wala pa ako sa hustong gulang nuon kaya hindi ko napapansin ang ibang mga nangyayari sa kapistahan.  Ngunit sa kwento ng mga matatanda sa amin at para sa pagkakatanda ng isang bata, ang pista namin nuon ay naging makabuluhan na hinihintay namin ang pagsapit taon-taon. Pangyayari ito na nagbigay sa aming pagkabata ng isang mahalaga at magandang karanasan na naghubog sa amin kung paano kami ngayon.  Araw ito na nagbigay sa amin ng kakaibang pagmamahal sa aming kultura at tradisyon ng aming bayan.  Ang sabi nga ay hindi masama ang pagbabago, ngunit kung ito ay nakakasira ng isang magandang simula, sa pagsingkad pa ng mga araw ay mawawala na nang tuluyan ang totoo at tunay na diwa ng Pistang Bayan ngAngono.


Ni Alex V. Villamayor
November 25, 2012

No comments: