Tuesday, November 19, 2013

MAKABAYAN O MAKULIT

Reklamador at mapintasin lang ba ang mga Pilipino, o talagang masalita lamang sila?  Sa dami ng mga naglabasang balita, reaksiyon, reklamo, at pintas sa nangyaring kalamidad hatid ng bagyong Yolanda, hindi ko na binabasa ang kabuuan ng mga istorya dahil masasabi ko agad na puot at batikos lamang ang nilalaman ng istorya.  Sa nangyaring kalamidad, kanya-kanyang pahayag ng kritisismo, opinyon at suhestiyon, ang mga tao na makabayan ba talaga o nanggugulo lang?  Mas maaanghang, mas detalyado na pahayag at mas malalalim na inglis ay mas pinagsisikapang maipahayag sa mga social media upang maging magaling sila.  Maraming pintas at batikos ang mga ordinaryong mamamayan laban sa mga politiko at mga taga-gobyerno, na sa tingin ko naman ay wala ring pinagkaiba sa mga oportunistang politikong ito ang maraming ordinaryong mamayan na ginagamit din ang sitwasyon upang sila naman ang maka-pintas sa mga politikong hindi nila gusto o kaanib.  Makabayan ba yun?

Totoo naman na mayroong mga kakulangan sa lahat ng ginagawa ng gobyerno sa sinasabi  nilang siyang tama.  Maraming kamalian at kapintasan sa hanay ng gobyerno ngayon.  At walang tigil ang mga tao na hanapan pa ng butas ang lahat ng ginagawa ng gobyerno, parang kahit anong gawin ng gobyerno ay mayroon agad puna ang mga tao.  Gumawa ng tama o ng mali ay parehong mayroong masasabing hindi maganda ang mga taong ito.  Kapag may nabasang negatibong balita ay agad kinakagat at ikinakalat dahil papabor iyun sa kanila.  Ni hindi na pinag-ukulan ng malalim na pag-iisip kung totoo basta ang mahalaga ay maipanggagatong nila ang bagay na iyun upang mas lumaki pa ang apoy na tumutupok sa bugbog na gobyerno.  Makabayan ba yun?

Kapag may lumabas na mga negatibong larawan agad huhusgahan ang taong pinapaksa nang hindi na isasaalang-alang kung kinatha lamang ba ang larawan o ang kwento ay pinagtahi-tahi lamang.  Sa panahong ngayon na napakadaling gawin ang mga ito, bakit hindi muna mag-ukol ng pag-iisip ang mga taong mahilig mamintas at magbigay ng opinyon kung tama ba ang gagawin nilang pagpuna.  Ang bilis magbigay ng maanghang na reaksyon ang mga tao nang walang matibay na katibayan at katwiran.  Sa gitna ng sari-saring kapintasan na bumabalot ngayon sa mga namumuno, sa palagay ko ay matatalino ang mga iyan upang maingat na kumilos at itaya ang kinabakasan sa mga naglabasang inimbentong malisyosong larawan na naglalagay sa kanila sa kapintasan.  Ang iba  kasi ay halatang-halata naman na maka-partidong kabila dahil kababayan nila ang tumatayong liderato ng isa mga oposisyon.  May mga itinatagong interes sa kanilang ginagawang pamimintas na akala natin ay talagang nababahala sa bayan subalit ang nangyayari ay parang pinupuhunan nila ang kalamidad upang makapuntos sa gobyerno – opotunista, makabayan ba yun?

Nakikita natin ngayon na sunod-sunod ang mga hindi magagandang balita at pangyayari sa gobyerno na dahilan upang maging sirang-sira sila sa paningin ng maraming ordinaryong tao.  Mula sa iskandalo ng pork barrel, kaguluhang sibil sa Zamboangga City, lindol sa Bohol at pinakahuli ay itong bagyong Yolanda sa Tacloban.  Sa lahat ng ito ay ang gobyerno ang pinagbuntunan at binagsakan ng sisi.  Sa lahat ng ito, ang mga tao ay nagkanya-kanyang pagbatikos at pagpapabagsak sa gobyerno.   At mayroon pang mga mga mamamayan ang sadyang naghahanap o gumagawa ng dahilan upang batikusin ang mga tao o grupo na hindi nila gusto o kaanib.  Mayroong umunawa at nagtanggol sa mga tao o sa gobyerno ngunit mas marami ang tumuligsa.  At sa dami ng mga bumatikos, nagsabing nagmamalasakit sa bayan, tumutulong daw, mga nagmamarunong, at mga humusga; sa palagay ko ay ang mga taong ito ang magagaling lang magbatikos ngunit subukan isa-aksiyon ang mga sinasabi ay  tahimik at walang imik lahat.



Ni Alex V. Villamayor

November 19, 2013

No comments: