Sa panahon natin ngayon ay binibigyan natin ng mga nakatutuwang katawagan ang mga bagay na nasa paligid natin. Katulad ng “tsismosa”, tinatawag natin itong “Marites” mula sa pinaikli nitong pangungusap na “mare, ano ang latest?”. Pero ano naman ang tawag kapag mga lalaki? Ang tawag sa mga lalaking Marites ay “Tolits” na ang ibig sabihin ay “Tol, anong latest?”
Kanginang umaga habang sa aking paghihintay ng sasakyan para sa pagpasok sa trabaho ay may dalawa o tatlong lalaki ang nagkukuwentuhan ang aking naabutan. Palagay ko ay matagal na silang nag-uusap at nasa mahigit na sa kalagitnaan ang kanilang pinaguusapan nang ako ay dumating dahil maigsi na lamang ang aking narinig, papatapos na kumbaga. Ang kanilang pinag-uusapan: si Kris Aquino. Ako naman ay nakikinig lamang. Malamang ang kalagayan ng kalusugan ni Kris ang kanilang pinag-uusapan dahil mainit na balita ito ngayon. Hindi ko na yun narinig dahil ang sabi ko nga ay nasa huling bahagi na ng pag-uusap nila ang aking naabutan dahil ang narinig ko na lang ay sinabi nila na “masyadong maarte kasi si Kris, kaya walang tumatagal na lalaki”, “Sayang si Bimbi, bading”, “lumaki kasi kay Kris at laging kasama ay mga bading”, “ang kaawa-awa si Josh”, “nasa lahi nila”, “walang sumisiryo kay Kris”.
May kasabihan na natural na mausap ang mga babae kaya nagkaroon ng mga tsismosa. Pero ang sabi nila ay mas tsismoso daw ang mga lalaki. Walang masama sa pag-uusap o pagkukuwentuhan, totoo man o biru-biruan lamang. Ang masama ay kapag may kasama ng panghuhusga at paninira ang pagkukuwentuhan – iyun ang tinatawag na tsismis. Sa aking mga narinig sa pag-uusap ng tatlong lalaki, masasabi kong ang pag-uusap nila ay hindi na isang kuwentuhan lamang kundi may kasama na itong “tsismis” dahil may elemento na iyun ng panghuhusga. Mayroon tayong dalawampu’t apat na oras sa isang araw, at ang nakikita natin sa ating kapwa ay malamang ang kanyang isa, tatlo, pito o sampung oras lamang niya. Buong araw kayang napakaarte ni Kris kaya hinihiwalayan ng mga nakakarelasyong lalaki kaya nagko-conclusion ang mga tao na iyun ang dahilan? At sa kabila ng may lalaking pinakasalan si Kris, hinusgahan pa rin siyang walang sumisiryosong lalaki.
Mayroon bang pag-amin o pahaging man lang mula kay Bimbi o sa mga magulang nito na isa nga itong pusong-babae? Baka naman talagang malamya lamang itong magsalita at kumilos na hindi tulad ng mga batang-kanto dahil lumaki ang bata sa patnubay ng ina at sa paligid ng alta-sosiyedad na de-numero ang mga kilos? Kung ang bata ay isa ngang ganuon, hindi ito sayang dahil maayos itong pinalaki ng ina upang maging mabuti itong mamamayan. Ang totoo ay napakalaki ng kalamangan ng bata sa atin kahit mismo sa mga nanghuhusga sa kanya, at mas marami itong magagawa kaya bakit magiging sayang ang bata? Wala sa paligid at kinalakihan para mabuo ang sexual identity ng isang bata. Saktan mo man sila, hindi mo na mababago ang nararamdaman nila dahil iyun ang sa umpisa pa lang na walang nagturo sa kanila ang naramdaman nila. At iyung magsalita ka ng nasa lahi ng pamilya kaya nagkaroon ng isang batang hindi naaayon sa maraming karaniwang bata ay hindi patas. Ang pagkukuwentuhan ng tatlong lalaki ay nagpapakitang may tsismisan din sa mga kalalakihan. Ito ay hindi napag-uusapan lang kundi isang tsismis na mapanira at isang panghuhusga. Matalas ang dila ng mga mapanghusgang tao, mapalalaki man o babae.
Ang pagkukuwentuhan ay bahagi ng ating buhay dahil proseso ito ng pag-unlad ng ating karunungan at pakikipagkapwa-tao. Ang pakikipag-usap ay natural nating pang-araw-araw na buhay dahil tayo ay nakikisalamuha sa ibat-ibang tao. Likas sa tao ang nangangailangan ng mapagsasabihan ng ating mga nakikita, naririnig, at nararamdaman. Pero marapat lamang na piliin natin kung ano ang dapat lumalabas sa ating mga bibig dahil nangangahulugan ito kung ano ang nasa puso natin at ipinapakita nito kung anong uri ng tao tayo.
No comments:
Post a Comment