Monday, June 27, 2022

PAGIGING BINALAKI AT BINABAE

Angking-kapanganakan. Hindi itinuro, hindi pinili, kundi naruon na pagkapanganak pa lamang.  Sino ang naguturo sa mga bagong silang na sanggol ang umiyak kapag may kailangan?  Sino ng nagturo sa kanila kung paano ang sumipsip ng gatas sa dibdib ng kanyang ina?  Ang estado ng pag-iisip na pinakapuro, ang pinakasimula at pinaka-una kung saan ang lahat ay napakalinis at dalisay.  Parang isang sanggol na bagong silang, walang laman ang isip, walang malisya, walang kamalay-malay sa nangyayari.  Ang walang muwang na sanggol, blanko ang pag-iisip.  Wala pa siyang naatatandaan, wala pang nakalagak sa kanyang isip.  Magsisimula pa lamang siyang maglagay sa kanyang isip ng mga bagay na makukuha niya sa kanyang paligid na matutunan.

Pero may mga bagay na kasabay sa kanyang pagkakasilang ay angkin na niya tulad ng damdamin. Hindi pa nga lang niya alam kung paano gamitin pero naruon na sa kanya pagkasilang pa lamang.  Walang nagturo sa kanya na umiyak pero bakit siya umiyak nang nasaktan siya sa palo ng duktor na nagpaa-anak sa kanyang ina, nang tinapik siya sa kanyang puwit?  Kahit iyung kapag nakaramdam siya ng gutom, sino ang nagturo sa kanya na umiyak?  Walang nagturo ngunit paano natututunan ng isang bagong silang na sanggol ang pag-ut-ut ng gatas sa dibdib ng kanyang ina?  Iyun ay natural na pagtugon bagamat may gabay ng kanyang ina ngunit ang kanyang dapat gawin ay nakapagtatakang natural niyang natututunan.

Tulad ng isang batang lalaki o babae na may apat, lima, o anim na taon-gulang lamang na walang malay, malisya at muwang sa mundo, paano niya natutunan, naramdaman, at nagustuhan ang maging interesado sa mga bagay na sinasabi nating pangbabae o panglalaki?  Idinikta na lang nating mga matatanda kung ano ang dapat niyang gawin at gustuhin pero bago iyun ay nauna ng kusang gustuhin ng isang bata ang kanyang nakita, narinig at naramdaman.  Dahil angkin na pagkapanganak pa lamang ang ganuong damdamin. Wala siyang pinili dahil ganun siya ipinanganak.  Sa mga edad na iyun ay wala naman nagturo sa batang babae na gustuhin niya ang pagsusuot ng damit panglalaki.  Wala naman nag-udyok sa batang lalaki na gustuhin niyang makipaglaro sa mga batang babae ng manika. At walang nagsabi sa kanila na maenganyo sila sa hitsura ng kapwa nila babae o lalaki kundi kusa nilang naramdaman iyun sa sarili nila.  Lahat ng iyun ay kusa at sa lahat ng iyun ay hindi naman natigilan, nag-isip at nagdesisyon ang batang nasa apat, lima o anim na taong-gulang kung ano ang gagawin kundi dirediretso nilang sinunod ang kanilang nararamdaman.

Kung ang lahat ng bata ay dumaan sa yugtong ganuon, tama na ang pagiging binabae o binalaki ay pinili ng isang tao. Pero kung sila lang ang nakakaramdam ng ganun, samakatuwid ay ipinanganak silang ganuon. Ang mga lalaki o babae, hindi sila dumaan sa tinatatawag na pag-pili nuong nasa ganuong edad sila kaya tulad ng mga binabae at binalaki hindi rin sila pumili kundi sinunod lang nila ang nasa puso at isip sa simula pa lang. Dahil sa murang edad nila ay ano ba ang malay nila sa tama at mali?

Walang mali sa pagiging binabae at binalaki.  Tulad din sila ng mga lalaki at babae kung paano masaktan, magmahal, matuwa at malungkot dahil tao rin sila.  Nilikha din sila na marunong magmahal kung paano magkakagusto ang lalaki sa babae at babae sa lalaki.  Ganun din ang mga binabae at binalaki, nagkataon lang na ang gusto nila ay kapareho nila ang kasarian.  Walang mali duon dahil walang mali sa nilikha ng Diyos, pero mayroon puwedeng maging masama, tulad din ng mga lalaki at babae kapag lumalampas sa tamang gawain at asal.

No comments: