Thursday, March 21, 2019

KAMING MGA NAGSUSULAT


Sa kasalukuyang kultura ng pagsusulat ngayon na naglipana ang mga binabayaran upang magsulat ng huwad na balita at inpormasyon, hindi maaring mangyari na maging pangkaraniwan na lang ito, katanggap-tanggap at hindi pag-ukulan ng pansin.  Unang-una, mali dahil masama ang magsinungalin at mangloko.  Kung magsusulat ka para gawing tama ang mali o gawing mali ang tama para paburan ang isang paksa, maliwanag na pangloloko ito.  Sabihin mo mang isinulat mo lang ang mga bagay-bagay dahil iyun ang trabaho mo, siguro ay dapat ka ng mag-isip na magpalit ng trabaho dahil kung alam mo na ngang mali at makakasama sa sitwasyon at makakasira sa isang tao o bagay, hindi na ito marangal na trabaho na dapat mo pang ipagpatuloy.  Mali ang pangkabuhayan mo na nanggaling sa pangguglo ng bayan at taong-bayan na siyang ipinangkakain mo sa sarili at sa pamilya mo.

Sa isang banda, sabihin nating nagkataon na iyung ipinasusulat na babayaran sa iyo ay iyun din ang pansariling-pagkakaalam mong tama (tama man o mali sa pangkalahatan), kapag ganon ay may bahid na ng pagdudua ang iyong kakayahan at katauhan.  Propaganda, hindi ito simpleng pagsasabi lamang ng katotohanan at kalayaan sa pamamahayag dahil pera ang unang-unang dahilan mo upang wasakin ang mga tao o bagay-bagay.  Ang pera ay ugat ng kasamaan kaya wala ka ng malasakit, pakiramdam, at pakialam sa responsibilidad mong itaas ang dignidad ng pagsusulat, panatilihin ang patas, at huwag ilagay sa kahihiyan at kasiraan ang kapwa o bagay-bagay.

May apat na senaryo ng pagsusulat ng impormasyon: 1.) iyung alam mong tama na tama talaga, 2.) iyung alam mong mali na mali talaga, 3.) iyung hindi mo alam na tama pero mali pala talaga, 4.) at iyung hindi mo alam na mali pero tama pala talaga.  Alinman sa mga ito, sa mga taong binabayaran upang magsulat ay nalalagay sa malaking katanungan ang kanilang integridad at dignidad.  Nagiging dahilan na lamang ang pagsusulat dahil binabayaran sila at maaaaring hindi iyun ang kanilang nasasa-loob.  Kung ikaw ay nagsusulat ng mga bayarang-propaganda sa ikagaganda o ikapapangit ng isang tao o bagay-bagay, nagkakasala ka sa mga nilalang at nilalabag mo ang Banal na kautusan.  Kung ikaw naman ay kusang-loob na nagsusulat nang walang intensyong i-mali ang paksa, ang pagkakamali mo ay mayroon kang dinudumihang pag-iisip ng ibang tao.  Pero bilang mambabasa, nasa atin ang matuto tayong alamin ang mga totoo at maging matalino na iwasan ang mga hindi dapat paniwalaan.

Ako na nagsusulat nang walang materyal na kabayaran, kung sabihing mali man ang mga isinusulat kong pinapaniwalaang tama at dapat, hindi ko matatanggap na mas masahol pa ako sa mga bayarang manunulat.  Sabi’y kailangan lang nilang gawin ang magsulat na trabaho lang at duon sila binabayaran na para bang wala silang magagawa kundi magsulat tama man o mali, kompara sa nagsusulat ng mali nang walang pumipilit dahil iyun ay mula sa puso at isip nila na iimpluwensiya sa mga mambabasa.  Ganun pa man, hindi ko pa rin magugustuhan ni ang maihalintulad o maihambing sa kanila dahil ang hangarin ko sa pagsusulat ay malinis, bukal sa kalooban at walang kabayang pera.  Hindi ako makakapayag na mas masahol pa ako sa kanila dahil hindi na ito tungkol sa binabayaran o hindi, tama o mali ang pinapaniwalaan kundi tungkol na ito sa katapan at uri ng pagkatao.

Ikaw na binabayaran upang gawin ang magsusulat ng mga huwad na balita at propaganda at kayong mga tumutulong sa pagpapakalat ng mga ito, mas masahol pa kayo sa mga nagtataksil sa bayan sa pag-iiba ng kasaysayan.  Mas masahol pa kayo sa mga terorista na sumisira sa kinabukasan.  Mas masahol pa kayo sa mga puta na nagpapasasa sa ibinabayad ng ibat-ibang interes.  Mas masahol pa kayo sa anay na bumabalahura at wumawasak sa sistema ng pagsusulat.  Mas masahol pa kayo sa mga bayarang mamamatay-tao na tumatapos ng pangarap ng kinitilan ng buhay.  Mas masahol pa kayo sa mga hayop na hindi nag-iisip.  Kapag binubuhayan ng loob, pinapalakas ang pwersa at tinutulungan mong mamayagpag ang mga may kurap na kaisipan, kadawit ka sa kasalanan dahil kasabwat ka sa pagwasak ng bayan.

No comments: