Friday, March 01, 2019

ANG AALIS NA KAIBIGAN


Sa buhay natin, maaring marami tayong makikilala ngunit may mga tao na magkakaroon ng mahalagang bahagi sa ating buhay.  Makakatagpo tayo ng mga taong magbibigay ng malaking pagbabago at magandang nagawa sa atin, iyung magiging alaala hanggang sa pagtanda natin.  May isang tao ang magiging malapit sa atin, iyung tinatanggap tayo ng buong-buo, anu pa man ang iting kapintasan, kahinaan, kakulangan at kasalanan.

At kapag naging malapit na sa iyo ang isang tao ay masakit na ang mahiwalay siya sa iyo, masakit tanggapin ang paghihiwalay.  Kahit mayroong isa ang ayaw, kahit hindi gusto ng isa, kailangang tanggapin at dapat na ring hayaan kung para sa ikabubuti naman ng isa.  Hindi mo man gusto pero kung para sa kanyang kagustuhan, tatanggapin mo ang masakit na katotohanan.  Minsan kasi, dumadating din talaga na kailangang may umalis, dapat mangyari dahil kailangan.  Kailangan magkalayo kayo kung hindi man sa ikabubuti ng dalawa ay sa ikabubuti ng isa.  Minsan kasi, sumasaya ka na rin kapag masaya ang isang tao.  Isipin mo na lang na kagandahan din naman ito ng tao na ayaw mo sanang umalis.

May nakilala ako na naging malapit ang loob ko.  Hindi lang dahil nakilala ko ang kanyang ugali na may respeto sa pagkatao ng iba kundi nauunawaan niya ang aking kakulangan.  Pinatuloy niya ako sa kanilang payak na tahanan, sa isang malayong lugar, maraming tanim na puno at halaman, malayo sa pinagmulan ko.  Nakilala ko ang kanyang pamilya.  Maaaring lingid sa kanila, o baka hindi nila naiisip, ngunit kahit papaano ay naging bahagi ako ng kanilang pamilya.  Sa loob ng maraming taon ay nakikita ko kasi ang ilan sa kanilang malalaking pinagdadaanan.  May pagsubok at masasayang pangyayari, may umalis at may dumating.  Nasundan ko ang paglaki at pagdami ng kanyang pamilya.  Nasubaybayan ko ang pag-aaral ng mga bata.  Minsan ay nagiging katuwang sa pag-gawa ng kailangan sa eskwela, minsan karamay sa kanilang mga problema.

Matagal ko siyang naging tagapagtago ng mga sikreto, tagapakinig ng mga saloobin, mga hinaing, at kalungkutan.  Maraming pagkain na ang aming pinagsaluhan, pati ang mga pagtatalo na nalampasan.  Maraming tawa ang narinig ko na sa kanya, kahit yung minsan na pag-iyak din niya, pati ang kwento ng bilog na buwan.  Bigayan, palitan, hiraman, hingian – ngunit walang pagkasawa at pagbibilang.  Sa kabila ng lahat ng ito, maaaring walang maraming nakakaalam sa aming pagkakaibigan.  Madalang man ang litrato na kami ay magkasama, hindi ito ang palantandaan dahil ang amin ay nakaguhit sa aking balintuna.  Ngunit pwede rin magkalimutan, dahil hindi hanggang dito lang ang aming pagsasamahan.

Pagkatapos ng may halos sampung taon, dumating na ang oras na kami ay magkakahiwalay.  Mayroong kailangang umalis, mayroong magtitiis.  Ngunit higit sa kalungkutan ng paghihiwalay, mas nanaig sa akin ang kahalagahan ng pagsisimula ng kinabukasan.  Mas gusto kong tingnan ang paparating na tagumpay.  Kung sa ikatitibay ng pangarap at para sa pagkakataon na patunayang kaya niyang magtagumpay sa pipiliin niyang buhay, hindi magdadalawang-isip ay ibibigay ko ang aking buong suporta.  Walang kasiguraduhang muli ko siyang makikita ngunit ang tiyak, ang pagkikipagkaibigan ko ay dadalhin ko hanggang sa paghina ng aking paningin at pandinig.

No comments: