Monday, June 04, 2018

POLITIKAHAN


Sa katatapos na halalang pang-Barangay at Sanguniang Kabataan, napaisip ako kung paano kaya kung isa akong politiko.  Alam kong hindi naman ito possible pero naisip ko lang ito sa aking isip dahil sa mga napapanood at nababasa kong mga balita tungkol sa halalan.  Dahil kahit kalian ay hindi ko kaylanman pinangarap na mapasok sa politika sa aming bayan, maging kagawad, kapitan, konsehal o mas mataas pa.  Kahit nuong kabataan ko pa ay hindi ito pumasok sa isip ko dahil unang-una ay alam na alam ko sa sarili ko na ayaw kong maging isang pinuno.  Mas gusto ko ang maging taga-sunod kaysa sa namumuno dahil mas gusto ko ang tumutulong kaysa sa tinutulungan.  Wala sa aking hinagap ang maging isang pinuno kahit ng isang maliit na grupo, samahan ng magkakapit-bahay, pinuno ng isang kumpanya at lalong-lalo na nga ang maging isang lider ng bayan.  Ang mga ito ay dahil alam ko na wala akong katangian ng isang pinuno.  Tutal ay pwede naman tumulong kahit wala sa posisyon.  Kahit na sabihing iba kapag nasa posisyon dahl mas malaki, mas marami, at mas malawak ang magagawang pagtulong kaysa sa kung ordinaryong mamamayan lamang pero siguro naman, ang pagtulong sa sariling paraan ay ibang antas, karangalan at kasiyahan dahil ito ay mula sa kawang-gawa ng isang maliit ngunit nagsisikap na tao.  Mas gusto ko ang responsibilidad ng tumutulong kaysa sa napakalaking responsibilidad na naka-atang sa balikat ng pinuno.  Mas malaking pangalan, mas malaking responsbiilidad at sabi ko nga. hindi ako ipinanganak na maging pinuno at mas gusto ko ang maging isang ordinaryong tao kaysa sa isang kilalang tao.

Madali ang tumakbo pero paano kung manalo.  Dahil kung sa mananalo sa aming komunidad ay napakaposible dahil sa dinadala kong apelyido.  Bagamat ako ang tao na may isang salita, hindi nagpapadikta at walang kinakampihan ay alam kong hindi lang ito ang mga katangian ng isang pinuno.  Hindi naman ako masalitang tao na mabulaklak magsalita, hindi mapag-utos at mapaghinala sa kapwa kaya hindi para sa akin ang pamunuan ang ibat-ibang uri ng mga tao.  At maaaring makaya ko ang mga responsibilidad at tungkulin ng pinuno pero iyung kalakaran ng kasalukuyang politika at malakas na personalidad bilang isang tao ay ang hindi ko kaya.  Makakaligtas ba ako sa umiiral na politikahan?  Makakakaya ko ba ang personal na atake, batuhin ng mga maruruming alegasyon sa ngalan ng politika, gusto ko ba ang tratuhin ako ng espesyal, makakayanan ko ba ang tukso sa paggamit ng nakakabit na lakas sa  pwesto upang magkaroon ng kapangyarihan na masunod, pumili at magpasya?  Hindi ako sanay sa mga gantihan, gamitan, sumunod sa kalakaran, maging tuso at iba pa.  Ayaw ko ng mga iksemsiyon sa mga patakaran, ang gusto ko ay kung ano ang kasunduan at batas ay iyun ang mangyayari, sa kapilya man, kaibigan, kasamahan at sa sarili.  Sa ugali ko na ang gusto ko ay patas, ayaw ng may politikahn at pakasan, paano ako tatagal sa kalakarang ganito? 

Aminin natin, hindi ba yung nasa ibaba pa na lang tayo o kung yung ngayon nga na karamihan sa atin na wala pa man din sa politika kundi sabihin na lang natin na nasa posisyon pa lang sa isang grupo, samahan o trabaho ay di ba gumagana na ang ating hangad na maging makapangyarihan?  Tulad ng kung mayroon tayong gustong matulungan na kahit hindi karapat-dapat ay gusto nating gagamitin ang ating posisyon upang tiyak na mangyari ang ating gusto?  Di kaya’y tulungan ang kamag-anak, kaibigan, kasamahan o mga kakilala kahit sa hindi patas na paraan dahil gusto nating makapagpasok ng tao gamit ang ating posisyon upang masukat natin an gating lakas?   Sa trabaho lang, hindi ba’t may mga tao na sanay magsumbong nang hindi patas upang mangyari ang gusto  niya dahil alam nilang may kapangyahiran sila. O kaya ay gawin sa tao kung anu ang gusto natin sa pamamagitan ng mga palihim na kilos upang mabigo ang tao dahil hindi natin ito gusto, kasundo o kakampi.    At ang lahat ng ito ay politika: politika sa serbisyo publiko, kumpanya at personal na pamumuhay.  Kung mabibigyan ng pagkakataon na maging halal sa puwesto ang mga taong ganito, sila ang mga magiging kurakot at hindi patas.

No comments: