Maraming paraan para
ipakita ang pagkamakabayan. Hindi lang sa pagpapakita ng kaalaman sa salitang
tagalog, pagkabisa ng Lupang Hinirang, at pakiki-alam sa mga usaping
panglipunan maipapakita ang pagmamahal sa bayan. Marami pang paraan
ngunit narito ang tatlo sa aking mga alam na paraan:
#1: Tangkilikin ang Sariling Atin.
• Bakit kamo laging PAL ang pinipili ko? Bukod sa wala naman akong problema dito, gusto kong laging mag-PAL kasi ito na rin ang paraan ko para makatulong ako sa bayan. Kahit pribadong kumpanya ito, flag carrier pa rin ito ng bansa kaya dapat itong tangkilikin ng mga Pilipino para makapagpatuloy pa sa pagseserbisyo.
• Maka-Pilipinas ako kaysa sa ibang bansa pagdating sa turismo. Dahil bukod sa katotohanang mas maraming magagandang lugar sa Pinas kaysa sa ibang bansa, mas gusto ko ang mga natural na tanawin kaysa sa mga modernong lugar sa ibang bansa na gustong-gusto ng ilan nating mga kababayan. Tangkilikin ang sariling atin, puntahan natin ang mga magagandang tanawin sa Pinas para makatulong sa ating turismo.
• Tangkilikin natin ang ating sariling produkto dahil kung hindi, paano sila magpapatuloy? Kailangang mapaikot nila ang pera. Sa perang ibinibili natin ay makakabili ulit sila ng mga materyales upang makagawa uli ng mga produktong sariling-atin.
• Suportahan ang kababayan na nakikipagkompetisyon sa ibang bansa. Higit sa tsansang magwagi, mas kailangan nila ang ating dasal at positibong payo upang sila ay mas magpunyagi, maging magaling at kasihan ng kapalaran.
#2: Mahalin o paglingkuran mo ang Bayan, Hindi ang Pangulo nito.
• Darating at aalis ang mga Pangulo (at iba pa) ngunit ang bayan mo ay mananatiling naririyan. Hindi dahil kababayan mo ang nasasangkot sa isyu ay paiiralin mo ang pagiging-tapat mo dito. Sa bayan ka huwag sa tao. Kung nakikita mong nasisira ang kapaligiran mo, naghihirap at bumabagsak ang ekonomiya ng bayan mo at nalulugmok ito sa ibat-ibang pambansang suliranin – manindigan ka at huwag magbulag-bulagan.
• Kung unti-unting nanghihimasok ang dayuhan sa ating teritoryo, kung ninanakawan ng isda ang kababayan mo sa sarili nitong dagat, manindigan ka at huwag magbulag-bulagan. Sa halip suriin ang nangyayari, sinusuportahan mo pa ang nagtataguyod o nagpapadrino sa nanghihimasok na dayuhan - kasabwat ka sa pagtataksil sa bayan.
#3: Sundin mo ang umiiral na batas ng iyong bansa.
• Ang batas ay ginawa upang umayos ang takbo ng bansa. Hindi yung kung ano ang iyong gusto ay iyun ang gagawin mo. Sa mga simpleng batas na lang, tayong mga ordinaryong mamamayan ay kaisa sa paglabag sa mga batas na ito. Yung mga batas sa kalsada, alam na nating bawal mag-park ay sinusubukan pa rin nating gawin dahil iyun ang konbinyente sa atin. Kapag nahuli ay mangangatwiran pa tayo na sasabihing “sandali lang naman”, o “hindi dapat ganun”, o “hindi ko alam na bawal”. Ginawa ang batas ng mga eksperto at hindi ikaw lang na hindi taga-sunod sa batas ang ang makakapagsabing mali ang patakaran na kinasangkutan mo. Walang exemption sa batas. Ignorance to the law excuses no one.
• Hanggang ang Saligang Batas ay nariyan, huwag tayong lumihis sa ipinag-uutos nito. Kung sa palagay mo ay nangangailangan ito ng pagbabago, daanin ito sa tamang proseso at huwag ipilit ang sariling gusto at magpaunang gawin ang mga dapat baguhin sa batas. Kung ano isinasaad sa proseso sa pagdakip sa mga kriminal, sundin ito at huwag magpa-unang humatol sa mga kriminal.
• Panay ang kumpara natin na mas maganda, mas malinis, mas maayos at mas maganda pa nuong araw kaysa ngayon pero kung tutuusin ay ang mga tao rin ang may kasalanan dito. Kahit walang batas militar kung talagang disiplinado ka at kung talagang pinangangalagaan mo ang kapaligiran ay hindi ka magtatapon ng basura sa kung saan-saan, magpaparada ng sasakyan kung saan-saan, o tatawid kung saan mo gusto.
Ang ika-12 ng Hunyo ay paggunita ng kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno. Mayroon na tayong kasarinlan, maging bagahi tayo sa pangangalaga nito. Ang demokrasyang tinatamasa natin ngayon ay alagaan at ipaglaban. Ang demokrasya ang pinakamalaking indikasyon ng ating kalayaan. Ngunit masasabi nating tunay nga na mayroon tayo nito kung walang ibang bansa ang nanghihimasok sa ating teritoryo, walang nagdidikta sa atin mapa-politika o relihiyon man, nakakakilos tayo nang walang takot sa mga nangugulo at nananakot, at nakakapagpahayag tayo nang may kaakibat na responsibilidad bilang isang mamamayan. At sa hinaharap, magiging totoo na nga tayong malaya kung tayo ay malaya na sa kahirapan at nakakatayo na tayo sa ating mga sariling paa.
No comments:
Post a Comment