Sa tuwing sasapit kada taon ang Father’s Day at Mother’s Day,
naiisip ko kung ako kaya, sa aspetong PAG-UUGALI at KATANGIAN, anung klaseng
magulang kaya ako? Istrikto, cool, makabago, o baka pabaya, maluwag o
kunsintidor ba ako? O sobrang mapag-mahal na halos nasasakal na ang mga
bata? Ibinigay ko ba ang mga pangangailangan nila? Bilang kanilang
magulang, nagkaroon ba ako ng mga bisyo at naging tapat ba ako sa aking asawa
upang tularan nila kapag sila na ang mayroong sariling pamilya? Kung
bilang isang tao kasama na ang pagiging isang magulang, may magandang halimbawa
ba ako ng pakikipagkapwa-tao o may paki-alam lang ako sa aking sariling pamilya,
kung paano ako mangatwiran, kung paano ako magsalita at magbahagi ng kaalaman
at kuro-kuro? Maging maingat sa
pakikilahok sa ibat-ibang usapin sa mundong ating ginagalawan, baka dumating
ang isang araw kapag nabasa ng mga anak mo kung paano ka gumamit ng mga salita,
magkumento at makipag-argumento sa social media ay baka ikahiya ka nila. Nakapanliliit kapag malaman nilang naging
isang panatiko at loyalista ka sa isang tao.
Ang best father o best mother ay iyung huwaran sa pagiging mabait o
mabuti, iyun nga lang mahirap ilarawan kung ano talaga ang mga salitang ito
dahil masyadong malaki at marami ang kanilang mga kahulugan at depende sa
pamantayan ng naglalarawan. Ang pagdidisiplina ng bata ay depende sa
panahon at sitwasyon. Kaya nga sa tuwing araw na ganito, ang mga anak ay
nagsasabi ng pasasalamat dahil mayroon silang “pinakamagaling” na tatay o nanay
sa buong mundo: dahil depende ito sa inaasahan ng mga bata, sa sitwasyon at
depenisyon. Sa pangkalahatan, bukod sa
madalas na katangian na mapagmahal at responsable o mapagkalinga, para sa akin
ay isang mabuting magulang ang ama o ina kung sila din ay makatwiran, may
malasakit sa mga nakapaligid sa kanila at maalam sa buhay. Hindi masasabi
na magiging mabuti akong ama dahil pagtatapusin ko sila ng pag-aaral, hindi ako
mamamalo, hindi ko sila palalakihin sa luho, ituro sa kanila ang po at opo, ang
hindi pagmumura, pagdarasal, pagpapakumbaba, pagpapatawad at huwag paghahariin
ang galit sa puso. Kailangan ko rin na
maging mabuti ako sa iba dahil ang puso ng ama ay mapagmahal sa kapwa kahit
walang katungkulang pinanghahawakan sa gobyerno.
Maaaring sa pagiging tahimik na katangian ko ay hindi ako magiging
malambing at mapagpakita ng aking pagmamahal sa mga anak kaya maaaring
makakabawas ito upang masabing mabuti akong ama. Ngunit sa katangian kong
hindi masalita kundi magawa ay naniniwala akong mararamdaman ng mga mahal ko
ang malaking pagmamahal ko sa kanila.
Nasa modernong panahon man tayo, gusto ko pa ring ipamulat at ipamuhay
sa mga anak ko ang kasimplehan ng buhay at hindi ito hadlang upang hindi maging
masaya ang bawat araw natin. Ayaw kong
makuha nila ang pagiging materyalismo ng mga maka-bagong panahon. Gusto kong maging halimbawa ng isang magulang
na kahit makabago ang panahon at kahit “may-kaya sa buhay” (sana…) ay simple
lang ang mga anak at parang makaluma sa kilos at salita. Gusto ko sana na
marunong sila ng mga gawaing-bahay meron man o walang kasambahay. At hindi ako magkaka-anak na palalakihin
upang pagdating ng araw ay guminhawa ang buhay ko dahil mayroong
maghahanap-buhay para sa akin, o sa pagtanda ko ay may kukupkop at kakalinga sa
akin.
Hindi magandang sabihin na naging ama lang dahil sa reproductive
system mo bilang isang tao.
Mahirap ipaliwanag kung ano ba ang isang mabuting magulang dahil
ibat-iba ang ating palagay, pamantayan at kahulugan ng mabuti at mabait.
Sinasabi ko na hindi ko gagawin ang mga nakikita kong ginagawa ng ibang mga
magulang dahil gusto kong maging mabuting magulang. O sinasabi ko lang na
ganito ang mga gagawin ko at ang mga hindi ko gagawin dahil hindi ko pa nararanasan
ang maging isang ama. Pero wala sa panganganak at pagkaka-anak para
maging isang mabuting magulang. Hindi naman ito sa dugo at laman para
maging mabuting ama o ina kundi nasa puso at isip. Bilang ama, ina at
magulang, mayroong mga ipinagkaloob na karapatan ang mga bata. Kung ang
mga ito ay masusunod lamang na maibigay sa kanila ay anu pa ang magiging
katanungan kung naging mabuting magulang ka ba o hindi.
No comments:
Post a Comment