Thursday, October 14, 2010

PAGHIHIRAP

“Minsan na akong dumaan sa matinding pagsubok. Nuon ay nabaon ako sa utang, nawalan ako ng trabaho, iniwan ako sa ere ng ilang kaibigan, hinamak ng sariling kamag-anak, lumapit at nagmaka-awa ako sa ilang malalaking tao pero pinagdamutan ako. Kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan – taimtim akong nagdasal, nag-alay pa ako ng mga bagay sa mga pang-relihiyong paniniwala at gawain. Pinupuntahan ko yung lugar ng mga nagdedeboto upang ako din ay humingi ng awa. Ang bigat ng dinadala ko noon, kasi walang nangyayari sa aking mga ginagawa para sa aking pangarap. Mabigat sa dibdib ang dalahin ko, ang pakiramdam ko sa aking kinalalagyan ay madilim. Hanggang isang araw ay nasumpungan kong magdasal ng isang napakataimtim na dasal upang hingin sa Diyos ang mga kasagutan sa mga tanong ko. Tama pa ba ang ginagawa kong pagdarasal? Kasi baka naman mali ang Diyos na pinagdadasalan ko? Nagbalak ako noon na mag-palit ng relihiyon dahil baka kasi mali ang Diyos na pinagdadasalan ko. Baka hindi naririnig ang aking mga dasal dahil mali ang paraan ng akin pagdadasal kaya hindi ako napapakinggan ng Diyos.

Ilang araw lang ang nagadaan, sinagot ako ng Diyos sa aking mga katanungan. Kinilabutan ako ng araw na iyon nang nakita ko ang Kanyang kasagutan. Sa paraang pag-gamit ng bagay na malapit sa aking puso, yung bagay na aking gusto upang mas mauunawaan ko ang Kanyang sagot. Sa dahilang kinahihiligan ko ang malikhaing-pagsusulat ay duon idinaan ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa akin. Sa hindi inaasahang pagkakataon iyon nang nasumpungan ko ang magbukas ng babasahin at sa unang buklat ko lamang ay nakita at nabasa ko ang mga katagang ito: “Bakit ka pa naghahanap eh nariyan na Ako sa tabi mo? Sa panahong hirap na hirap ka na, sa panahong ang pakiramdam mo ay nag-iisa ka, sa panahong punong-puno ka ng pagdurusa, pasakit at paghihirap – iyon ang panahong nasa tabi mo na Ako. Dahil katabi na kita, dahil kasama na kitang nakapako sa krus at nararamdaman mo na rin ang sakit na dinaranas Ko.”


Hindi iyon nagkataon lang dahil alam kong ginawa ng Diyos ang araw na iyon na mapunta ako sa ganuong tagpo nung oras na iyon. Hindi iyun nagkataon lamang dahil alam kong katatapos ko lamang magtanong sa Diyos mula sa isang napakataimtim na panalangin. At nuon din ay ipinalagay ko na iyon ang araw na isinilang ulit ako. Pinatawad ko lahat ang mga taong nanakit sa akin, kinalimutan ko ang mga kabiguan ko, at ipinagpasa-Diyos ko na lahat ang kahihinatnan ng aking mga pangarap. At mula sa puso ko - pinakawalan ko lahat ang galit, mga kinikimkim na hinanakit, selos at sama ng loob. Nuon gumaan ang aking pakiramdam at umaliwalas ang tingin ko sa aking mundo. Nawala ang mabigat na dalahin ko dahil nawala lahat ang mga namamahay na negatibong damdamin na kinimkim ko rin sa matagal na panahon. Nuon ko muling naramdaman ang pagmamahal ng Diyos, pakiramdam ko ay nasa tabi ko lamang Siya, nakangiti sa akin. At nanalig ako – makakapagtrabaho din ako sa ibang bansa sa tamang panahon.


Ito rin ang madalas kong maramdaman ngayon sa tuwing mayroon akong panalangin na nagiging matagal na ngunit hindi ko pa makamit. At kapag ganito na nahihirapan ako dahil sa kabiguan ay hindi ko maiwasang magbalik tanaw. May mga kaibigan ako na sinabi sa akin na huwag akong matakot dahil nandiyan lamang sila – ngayong ako’y nahuhulog ay walang sumasalo sa akin. Takot akong lumipad dahil yung taong nagsabi sa akin na kaya kong ibukas ang aking pakpak upang makalaya sa paghihirap ay lumayo na sa akin, Pinaasa niya akong kasama ko siya sa gitna ng aking paghihirap ngunit inihulog niya ako sa ere. Masakit kapag humihingi ka ng tulong sa taong alam na alam mong tanging siya lang ang makakatulong ay nabibigo ka. Simpleng tao lang ako, wala akong lakas at kapangyarihan kaya ako lumalapit at nakiki-usap sa mga taong alam kong makakatulong sa akin na alam naman ng mga taong ito na kayang-kaya nilang tumulong pero nabigo ako sa kanila. Tulad nuon na may malalaking personalidad sa aking bayan ang nilapitan ko pero wala sa kanila ang naging daan ng pagkakapunta ko sa ibang bansa upang makapagtrabaho.


Sa ngayon ay iniisip kong ang lahat ng bagay ay makukuha sa dasal. Sabihin man ng iba na baka hindi para sa akin ang hinihiling ko ngayon ay hindi ako sumusuko kasi kailangan kong ipakita sa Diyos na pursigido ako. Naniniwala ako na kung may ibang plano sa akin ang Diyos kaya hindi niya ibinibigay ang aking ipinagdarasal ay alam kong mababago Niya ang plano para sa akin kapag nakita Niya ang masidhi kong pagnanais at paghihirap. At mangyayari ang Kanyang kagustuhan tulad ng minsan na rin Niyang ginawa sa akin”.



Alex V. Villamayor

July 2008

No comments: