Friday, April 21, 2017

TATLONG KAIBIGAN

Nuon ako’y nagkaroon ng kaibigan
Buong akala ko ay pangmatagalan
Ang madilin na lihim kong iniingatan
Itinago sa halip ipinakita’y kabutihan
Binale-wala ko ang aking kapakanan
Ganun ko siya pinagpapahalagahan
Ngunit kapag ikaw na ay nasasaktan
Dahil sa lihim na kanyang natuklasan
Mahirap, ngunit dapat na’ng iwanan

May sumunod ulit na isang kaibigan
Na sabi ko’y sa wakas ay natagpuan
Kaya ang nangyari sa unang kaibigan
Hindi ko na ulit hahayaan maranasan
Ang iniingatang lihim aking ipinaalam
Dahil gusto kong simula’y katotohanan
Hakbang na akin palang pagsisisihan
Nang nakaraa’y hindi niya nagustuhan
Dahil duon ay nagkalayo nang tuluyan

At muli ako’y nagkaroon ng kaibigan
Na unang nakilala ako sa kapintasan
At sa kabila nito ay hindi ako iniwan
Kaya iba pang katangia’y natuklasan
At mas nakilala niya ako nang lubusan
Hanggang naging totoong magkaibigan
Ang hiling ko lang na maisakatuparan
Ngayon hanggang magpakaylanman
Maging matalik kaming magkaibigan

Salamat sa tatlong naging kaibigan
Sa bawat isa’y may mga natutunan
Pangit o maganda mang karanasan
Ito’y may hatid na kapakinabangan
Wala sa tagal o dalas ng samahan
malalaman tunay na pagkakaibigan
Hindi mahalaga ano man’g nakaraan
Kahit ang pagsasabi ng katotohanan
Ang pagtanggap sa tao ang sukatan
Kung magtatagal ang pagkakaibigan

No comments: