Sunday, April 23, 2017

ANG SARAP NG BUHAY

Sa pagpunta ko sa ibat-ibang lugar sa aking bansa, hindi lamang ako humahanga at ninanamnam ang magagandang tanawin sa bawat lugar.  Kung minsan ay naghahanap din ako na maranasan kung paano ang pakiramdam ng isang importanteng tao.  Iyung tulad ng ipagbubukas ka ng pinto kapag sasakay o bababa ka ng sasakyan, bibigyan ka ng tagapag-maneho upang dalhin ka sa ibat-ibang lugar na gusto mo, ipaghahanda ng masarap na almusal, tanghalian at hapunan, tatawagan ka sa kuwarto upang ipaala-ala kung ano-ano pa ang ibibigay sa iyo.  Iyun bang inaalagaan, iniingatan at inaasikaso ka na parang isang malaki at mahalagang tao.  Pero bago humaba ang pagsasalaysay na ito at magbigay ng hindi magandang kahulugan, gusto ko munang sabihin na ito ay hindi pagpapakasawa sa layaw o kaya ay isang karangyaan kundi ito ay isang pagpaparaya sa sarili lamang kung paano ang maging isang espesyal na tao.  Ito ay bilang karanasan lamang.  At ito rin ang gusto kong maranasan ng mga kapamilya ko kaya madalas ko sila isama sa mga pinupuntahan ko.  Pero mariin ko pa ring ipinapaala-ala na ang pagpunta sa ibat-ibang magagandang lugar ay tamang gawin lamang kung ayon sa kakayahan .

Ito ang mga nararanasan ko tuwing nagbabakasyon ako sa ibat-ibang lugar.  Gusto ko magpunta sa magagandang lugar upang maramdaman ang sarap ng buhay.  Iyung wala ka ng iniintindi at inaalaala.  Ang gagawin mo na lang ay magpahinga, palipasin ang mga araw kung paano mo gusto, ibinibigay kung ano ang gusto mo, pinapakiharapan ka ng maganda.  Oo, bahagi yun ng kanilang trabaho at kasama marahil yun sa binayaran.  Pero hindi maitatatwa na masarap sa pakiramdam kahit papaano at kahit ilang araw lang yung maramdaman mo minsan na itrato kang mahalaga at malaking tao.  Kung tutuusin ay simple lamang ang mga hinahanap ko pero para sa akin ay malaking bagay na ang mga iyon kaya natutuwa ako tulad ng pagbati ng “Magandang umaga po” kapag pumapasok ako sa hotel, sa cafeteria, kahit yung dumadaan sa pasilyo lang, at iba pa.  Sa reyalismo, hindi ako mahirap pasayahin, hindi ako ang tao na pala-utos, maluho, mapag-hanap ng malalaking bagay para sa akin at mataas magturing sa sarili sa trabaho man, sa pamilya at sa personal na buhay.  Ang naturalidad ko ay simple lang ako at ayoko ng ginagawa akong espesyal pero aaminin ko, minsan ay naghahanap ako na maranasan yung mga bagay na kadalasang iniuukol at ibinibigay sa mga malalaki at mahahalagang tao dahil nagbibigay ito ng kaluwagan sa pakiramdam ko at ng inspirasyon upang pagsumikapan kong maging pangmatagalan at madalasan ang mga pangyayaring ito.


Para sa isang simple at ordinaryong tao, ang mga ito ay malaking bagay na para masabing maranasan na ang kagandahan at kasiyahan ng buhay.  Kung anu-anu ba ang iba pang mas malalaki at nakakalulang kaganapan sa mga totoong malalaki, tanyag, makakapangyarihan at mayayamang tao, sapat na itong mga nabanggit ko sa unahan para malugod at mapawi ang aking imahinasyon na isang mataas na tao.  Higit sa kung ano ang pakiramdam ng nakakariwasa, ang paghanga ko sa mga magagandang tanawin, ang mga aral, kaalaman at karanasan sa bawat pinupuntahang lugar na hindi natutumbasan ng halaga ng pera ang aking mas higit na pinagsusumikapan.  Hindi isang kamalian ang magpunta sa ibat-ibang lugar upang magbakasyon kung dapat ba itong puntahan, kung karapat-dapat ka ba na magpunta, may kakayahang magpunta, walang inaabala o ginagamit na tao.  Hindi ito isang luho kung nagpakahirap ka naman sa pagtratrabaho na kailangan mong pagbigayn ang sarili mo ng isang kaginhawahan.  Hindi ito isang luho sa puntong may kinalalaman sa pera kung ito ay talagang pinaghahandaan mo at hindi naisasangtabi ang ibang pangunahing pangangalingan tulad ng pagkain, bahay, damit, pag-aaral at kalusugan.  At hindi naman masama ang paghahangad o pananaghili ng kaunti o paminsan-minsang luho.  Hindi dito nasusukat ang ugali ng isang tao kundi kung ano ang kanyang pinamihasnang ugali, kilos at salita.  Dahil pagdating sa takbo ng buhay, likas sa tao ang gustuhin ang kaginhawahan, kasiyahan, at kagaangan ng buhay.  Ang masama ay kapag nakakariwasa ka sa buhay ay nagiging mapagmataas ka na umaapaw sa iyong pang-araw-araw na buhay. 

No comments: