Isa sa hindi ko nagugustuhang gawain ng mga kapwa ko
Katoliko at Kristiyano ay ang labis na pagbibigay ng halaga at pagpupugay sa mga
imahe at rebulto ng poon, mga santo at santa, na ang kinahahantungan ay pagiging
Diyos na ang tingin sa mga ito. Sa sinabi
kong ito, hindi ko iniisip ang maaaring ipintas sa akin ng maraming tao. Ang totoo ay natatakot akong isulat ang sinasaloob
kong ito dahil baka parusahan ako ng Diyos dahil sa pagpuna ko sa sarili kong relihiyon. Hindi ko na nga Siya nadadakila habang naririto
ako sa isang bansa na may ibang paniniwala ay nagawa ko pa ito. Ngunit inisip ko’ng wala naman akong itinatatwa
at nililibak na pananampalataya kaya nagkalakas-loob ako na isulat ito.
Sa pagkakaintindi ko, ang mga larawan at rebulto ng
poon, santo at santa ay naririto sa ating kapaligiran upang magsilbing inspirasyon
at alaala lamang. Ginawa ang mga ito bilang
pagbibigay ng respeto, pagkilala at pagpapahalaga sa kanilang napakadakilang gawain. Upang lagi nating maalaala ang mga kabanalan
at kadikalaan na ginawa nila alang-alang sa Diyos at tularan natin. At sa pagbabasa ko, nalaman ko na pinahihintulutan
ito ng simbahang Katolika upang maging daan o kasangkapan sa pagpapakilala at
pagpapalaganap ng kadikalaan ng Diyos.
Hindi
ako sumasalungat sa pagyuko natin sa harapan ng mga poon at pagpapanata ng mga deboto. Ito ay paggalang at hindi pagsamba. Hindi ko rin tinutuligsa ang pagdalaw sa mga
patron ng ibat-ibang bagay dahil naniniwala akong ang mga iyon ay pagkilala lamang
sa kanilang ginawa at kakayahan. Bagamat
nakarating na sa Panginoon nang taimtim nating ipagdasal ang ating panalangin,
ang paghingi ng tulong sa mga santo at santa ay dapat na karagdagang pagpapakita
lamang ng ating kabaitan sa pagkilala sa kabutihan ng mga taong naging malugod sa
mata ng Diyos na Kanyang ikatutuwa.
Sa katotohanang alam na alam natin at inaamin natin mismo
na walang ibang dapat sambahin kundi ang nag-isang Diyos, ngunit kitang-kita naman
natin na kabi-kabila ang ibat-ibang imahe na binibihisan, pinapabanguhan,
inaalayan ng mga bulaklak, niluluhuran, hinahalikan, binubuhat upang iparada,
iniluluklok sa pedestal at dinadasalan.
Ang mga hayagang pagpapahalagang ito ang hindi ko maunawaan kung bakit hinahayaan
na ipagpatuloy. Lagi ang
unang umuukilkil sa aking utak ay ang mga gintong baka, kambing, ibon at iba pa
nanililok at sinamba ng mga tao nuong panahon ni Moises, ano ang pagkakaiba nito
sa ngayon?
Sinasabing
ang pagsasambit ng mga litanya at rosaryo ay hindi pagdadasal sa mga imaheng nasa
harapan mo kundi pagdadasal lamang ng litanya at rosaryo mismo. Ngunit sa ganitong pagkakataon, ang tukso sa pagsamba
sa imahe na tinitigan mo habang nagdarasal ay napakalakas. Mahirap mapigilan ang isang tao na nagiging Diyos
ang tingin niya sa kaharap niyang imahe at istatwa habang sinasambit ang dasal. Sa ating pakikipag-usap sa Diyos, makabubuti
pa ang pumikit upang walang nakikitang mukha ng imahe kundi nararamdaman mo na ang
puso mo na ang nangungusap sa Diyos.
Mararamdaman naman yun sa taimtim na panalangin.
Mahalagang
malaman natin kung paano tayo magdasal at sumamba sa ating Diyos. Lagi nating isipin na sa nag-iisang Diyos lamang
tayo magdasal at sa Kanya lamang ibigay ang ating pagpapahalaga, pagdakila at
pagkilala. Ang imahe ng mga santo at
santa ay nariyan lamang sa ating paligid upang maging paalaala sa atin na dapat
natin silang tularan na sila rin ay nagpahalaga, dinakila at kinilala ang ating
nag-iisangDiyos. Hindi upang dasalan kundi
magsilbing gabay na ating gagamiting inspirasyon sa pagtahak sa tamang daan.
No comments:
Post a Comment