Saturday, December 04, 2010

MGA LALAKING MAPAGMALAKI

Disclaimer: Parental Guidance

Sa ating kinagisnang kasayanan, ang mga lalaki ay nag-uukol ng malaking pagpapahalaga, pagkilala, at pagtingin sa pagkalalaki. Yung mga lalaki na ang pananaw sa pagiging isang lalaki ay kailangang sila ang makapangyarihan, naghahari at nananaig sa mundo. Yung laging nasa labas ng bahay upang magtrabaho at makihalobilo at hindi kailangang gumawa ng mga gawaing-bahay. Ito ang mga makalumang katangian ng isang lalaki. Ngunit kahit maka-luma na ang pananaw na ito ay mayroon pa rin sa panahon ngayon na ganitong mga lalaki at mas pina-eksaherado pa ng iba pang mga ugali. Yung ang paniniwala ay kailangang maraming nakilala at nakaulayaw na babae, matapang sa away, mahilig sa pag-inom ng alak, malakas mag-mura, at kung ano-ano pang mga katangiang nagpapatingkad ng kanyang pagiging lalaki sa dilang kahulugan ng isang lalaki.

Ang mga lalaking ganito ay nakakaramdam ng isang malaking katuwaan ang malaman ng ibang tao na sa kabila ng katotohanang mayroon na siyang asawa at mga anak ay nagkakaroon pa rin siya ng ibang karanasan sa iba pang mga babae. Naniniwala silang tunay ang kanilang pagkalalaki kung sila ay malakas, matapang at mahilig sa pakikipagtalik. Ginagawa nila ang kanilang sarili na isang bohemyo dahil ito’y larawan ng kagalingan ng pagkalalaki nila. Nagpapataas ito sa kanyang sariling antas, tiwala at katangian. Isang malaking bagay kasi para sa kanila na sila ay makilala na kaibig-ibig ng mga babae anuman ang kanilang panglabas na kaanyuan at katayuan.

Kung minsan ay naniniwalang kailangan silang pagsilbihan ng mga babae sa anumang mga kailangan nila. Napasasakop kasi ang babae sa kanilang mga asawa at ito ang pag-amin sa pagsunod nila sa mga lalaki. Ang mga babae ang tagapangalaga ng tahanan na itinayo ng mga lalaki. Para sa mga lalaking mapagmalaki, pag-aari niya ang bahay at ang buhay kanyang asawa. Isinasabuhay niyang kahit kailan ay mas nakaaangat ang lalaki kaysa sa babae. Dahil ang babae ay nilikha lamang para sa lalaki. At walang puwang sa mundo ang mga kapwang napabilang sa ikatlong kasarian. Napakalakas ng kanilang paghuhusga para dito - yung hindi lang nasiyahan sa pagtatawa, pagkutya at pagsasabi ng mga kapintasan kundi kailangan pa niyang hamakin at pagmaltratuhan ang mga iyon.

Hindi naman masama kung sumusunod siya sa utos ng kanyang asawa. Hindi kawalan sa pagiging lalaki kung sa loob ng bahay ay gumagawa siya ng mga gawaing bahay para sa kanyang asawa, ina at kapatid na babae. Hindi kabawasan sa kanyang pagkalalaki kung aaminin niya na siya ay mahiyain, madasalin at matatakutin. Hindi naman kailangan na siya ay malakas at matipuno. Hindi rin kailangan na pigilin niya ang umiyak kapag nahihirapan at nasasaktan siya, at hindi kailangang iwasan niya ang kulay rosas na gamit upang masabing siya ay isang totoong lalaki. Dahil ang totoong lalaki ay wala sa hitsura, pananalita, pagkilos at pag-uugali kundi nasa kanyang prinsipiyo. Ano man ang katayuan, katangian at oryentasyon sa buhay ng kanyang kapwa ay mayroon siyang pagalang na ipinapakita bilang pagkilala sa Lumikha. At higit sa lahat, hindi niya ipinagmamalaki ang kanyang mga katangian dahil wala siyang pag-aalinlangan sa kanyang sarili, kakayahan at kinalalagyan.


Alex V. Villamayor
December 4, 2010

No comments: