Tuesday, November 30, 2010

ANG TATLONG KAHILINGAN

Disclaimer:  Parental Guidance

Ayaw ko na nga sana’ng magkaroon ng kahilingan sa araw na ito dahil hindi naman natutupad. Nasasaktan lang ako dahil maraming beses na akong nagkaroon ng kahilingan tuwing kaarawan ko ngunit maraming beses na rin akong nabigo. Masakit tanggapin na yung pinakahihiling mo sa buhay ng paulit-ulit ay parang napakahirap ibigay, maaring napakahirap maunawaan.


Ang gusto lang naman natin sa buhay ay yung maging masaya tayo sa makakasama natin sa buhay. Hindi naman kailangan maging mayaman ang isang tao upang sumaya ang kanyang buhay. Ang kailangan lang niya ay isang tao na magbabalik ng pagmamahal na kanyang ibinibigay.


Sa isang pagmamahalan, may maliliit na bagay ang nakakapagbago ng malaki sa buhay. Ano ba yung sa pag-gising mo sa umaga ay may nakangiti sa iyo na makakasama sa maghapon? Yung inaawitan ka upang bigyan ka ng ngiti sa labi at tuwa sa puso? Yung binibigyan ka ng maliit na galit bilang paglalambing. O kaya ay ipagluluto kung minsan upang bigyan ka ng halaga.


Hindi naman kailangang materyal na bagay ang ibigay upang maging makabuluhan ang isang okasyon. Ang halik ay nakakapawi ng kalungkutan sa isang naghihintay ng pagmamahal.


Pagkatapos ng marami-raming kahilingan na nabigo kong makuha, kung bibigyan ako ng pagkakataon para lang sa araw na ito na muling humiling ng tatlong bagay, kung may tatlong kahilingan sa araw na ito, una kong hihilingin na sana ay pagmalasakitan ako ng mga taong mahal ko. Sa kanilang pagmamalasakit ay mararamdaman ko ang kahalagahan ng aking pagkatao at pagalang sa aking pagmamahal.


Ang katapatan ng mga taong mahal ko at ng mga malalapit sa aking buhay ang ikalawa kong kahilingan. Sana’y hindi magbago ang kanilang kabutihan at kasalukuyang pagtrato sa akin ng may tunay na pagmamahal.


Huling hihilingin ko ang kasiyahan sa kung ano ang mayruon ako ngayon. Kung ano ang mga ibinibigay, ipinapakita at ginagawa sa akin ng mga taong mahal ko ay matanggap ko at mapasalamatan. Ng sa gayon ay hindi na ako maghahanap at wala na akong hihilingin pa.


Maaring hindi ibinigay ang mga kahilingan sa mga natatanging araw ngunit dahil hindi naman mahalaga kung kaarawan o may okasyon ang paghiling, sa mga simpleng araw ay may mga ipinagkakaloob namang mga biyaya. May mga maliliit na bagay tayong hinihiling na anumang araw ay ginagawa. At hindi ko man kaarawan, kung ano man ang okasyon ay mayroon akong hinihiling na kung hindi man ibinibigay ay mayroon namang mga ibinigay na hindi ko hiniling – ang mga iyon ay aking nababale-wala, hindi ko napansin at napapasalamatan. Dahil masyadong natutuon ang aking pansin sa aking mga natatangin kahilingan.


Mahigit sa tatlo ang kahilingan ko, kung may isang natatanging karagdagan ay sana’y pagpasensiyahan at mapatawad ako dahil hindi ko nakikita ang mga nangyayaring magagandang biyaya na huli man na ipinagkaloob o kaya’y dumarating ng hindi ko inasahan ay ibinibigay pa rin sa kabila ng aking kakulangan.



Alex V. Villamayor

November 30, 2010

No comments: