Friday, April 14, 2017

BIYERNES SANTO

Kaya mo ba ang magsakripisyo kahit isang araw lang sa isang taon?  Kahit isang Biyernes Santo lang?

Sa mga Kristiyano o Katoliko, ang pagsasakripisyo tuwing Mahal na Araw ay paggunita sa pagpapakasakit, kadakilaan at kabanalan ni Hesu-Kristo.  Dahil alam natin kung gaano kalaki ang ginawa Niyang pagsasakripisyo at mga pinagdaanang paghihirap mula sa kanyang pag-aayuno, pagkakadakip, pagpaparusa at kamatayan.  Kung kaya ginagamit ng mga Kristiyano ang Mahal na Araw na gawing pagkakataon upang ipakita at ipadama ang kanilang pagsisisi, pananampalataya, pagkamabuti at pagiging Kristiyano.

Ibat-iba ang ginagawa ng mga tao.  May ilan ang gumagawa ng penitensiya, ang iba ay nagbabasa ng pasyon, mayroong nag-aayuno, at may namamanata sa pagsama sa prusisyon.  Ilan lamang ang mga ito sa mga malalaki at madalas na pagsasakripisyo na ginagawa ng mga Kristiyano.  Pero alang-alang sa pagsasakripisyo, hindi naman kailangang malaki o hayagan upang maipakita mo ang iyong sakripisyo dahil malaki o maliit man, kung taos sa iyong puso ay magkasing-bigat lamang pag-aalay.  Dahil ang totoo ay may maliliit na mga bagay na maaari mong gawin na kapag ginawa mo ay napakalaki ng gantimpala at katuparan ang mararamdaman mo.

Kaya mo ba ang maging tahimik kahit ngayong Biyernes Santo lang?  Kung ikaw ay masalita, mahilig magkuwento, maingay, matabil o madaldal, diretsahan at malakas magsalita, kaya mo bang manahimik kahit isang araw lang, kahit Biyernes Santo lang?       (Naaalaala ko pa ang madalas sabihin noon ng ina ng aking ama na bawal ang maingay, na ang sino mang marinig niya sa kanyang mga apo na tumawa nang malakas o magsisigawan sa pagkukuwentuhan ay galit niyang sinasaway o tinitigan ng matalim na tingin.)  Kung ikaw ay mapag-mura, kaya mo ba ang hindi magmura kahit ngayong Biyernes Santo lang?  Kung ikaw ay sinungalin at manloloko, kaya mo bang pigilan ang mga ito kahit ngayong Biyernes Santo lang?

Kung ikaw ay isang mahalay, ang isang araw ng walang sasabihin o gagawing kalaswaan o kabastusan ay magagawa mo ba kahit ngayon Biyernes Santo lang?  kung ikaw ay mayroong kinahuhumalingang ibang kapareha, para lang sa kapakinabangan ng diskusyon na ito, kaya mo bang iwasan ang iyong kalaguyo sa loob ng isang araw lang?  Kaya mo bang pigilan ang iyong kapilyuhan?  Ang iyong kalandian? Kahit ngayon Biyernes Santo lang?

Kung ikaw ay hangang-hanga, iyung parang kinukubabawan at masyadong haling sa mga gamit ng makabagong panahon na ito, magagawa mo ba ang palipasin ang kahit isang araw man lang ng wala ang mga ito?  Kung ikaw ay masugid na taga-sagot sa mga kritiko at kumakalaban sa iyong iniidolo, kung ikaw ay madalas magbabad sa social media upang manggulo o makipag-away, kaya mo ba ang huminahon, magpakumbaba, at magpaubaya kahit ngayon Biyernes Santo lang?

Kung ikaw ay mahilig kumain, magagawa mo bang iwasan ang kahiligan sa pagkain kahit ngayon araw lang?  Ang mga gustong-gusto mong pagkaing karne, matatamis, makukulay at masasarap ng pagkain, kaya mo bang lumipas ang isang araw ng pag-aayuno?  Kung alam mo na ikaw ay matakaw, makakaya mo bang ganap na iwasan o kahit bawasan na lang ang mga iyon kahit isang araw lang?


Ang pagsasakripisyo ay pagpapakita ng ating pananalig, pananampalataya, kabaitan, pagpapakumbaba, pagpapasakop.  Mapalad ang mga nagtitiis nang hindi lamang ngayon Biyernes Santo kundi sa loob ng buong taon dahil katabi nila ang kanilang Panginoon buong taon.  Minsan ako ay kinilbutan nang dumadaing ako sa hirap na aking nararanasan. Ang sabi Niya “Sa panahong na hirap na hirap ka na, sa mga panahong ang pakiramdam mo ay nasasaktan ka, na sa puro pasakit ang mga dumarating.  Iyon ang panahon na kasama kita.  Dahil iyon ang panahon na katabi kitang nakapako sa Krus”.

No comments: