Tuesday, April 04, 2017

PAGIGING MALUSOG

Sa usaping pangkalusugan, huwag mong intindihin yung mga nagsasabi na sa pagtanda ng tao ay tiyak na magkakasakit rin, na ang lahat ng tao ay mamamatay, na kahit anong ingat sa katawan at tama lang ang sukat natin ay hindi natin natitiyak ang buhay, at iyung sinasabing sumosobra sa ehersisyo o diyeta.  Lahat ng ito ay mga tukso lamang upang humina ang iyong determinasyon para sa malusog na pamumuhay at dito masusukat kung gaano kalakas ang iyong disiplina.  Dahil lahat ng sinasabi nila ay mayroong kasagutan.  Huwag kang maniwala sa mga nagsasabi at sa halip ay ituloy mo lang ang iyong ginagawa dahil sa pag-itan ninyo ay ikaw ang mas nasa magandang kalagayan.  Kahit may magsabi na kahit ang mga malulusog ay hindi daw dapat magkampante dahil hindi datin alam ang mga mangyayari, na kahit sa kabila ng pag-iingat sa katawan ay nagkakasakit pa rin kung hindi man ngayon ay sa pagtanda – huwag kang matakot at magsisi dahil sa iyong ginagawa ay kahit papaano’y mas mayroon kang kapayapaan sa pag-iisip.

Hindi lahat ng namatay ay dahil sa malalang sakit, pinahirapan muna sa banig ng karamdaman at naubos ang kayaman dahil sa pagpapagamot.  Hindi lahat ng tumanda ay nagkasakit dahil sa kapabayaan sa kalusugan o nagkakasakit ng malubha – kung nabuhay nang maingat sa katawan, malamang kung magkasakit man ay hindi malubha.  Kung ngayon ay napakaingat mo sa iyong katawan pagkatapos mong sagarin at abusuhin nang todo nuon ang iyong katawan, huwag mong sisihin ang iyong paghehersisyo at pagi-diyeta ngayon dahil kahit papaano ay may babayaran ka sa iyong mga ginawa nuon kahit ngayon ay sobrang ingat mo na.  Maging totoo ka sa sarili mo, talaga bang iniingatan mo ang iyong kalusugan?  O baka sa kabila ng iyong personal na pagsisikap na isabuhay ang malusog na pamumuhay ay nawawala na ang iyong disiplina kapag mayroong nakalatag na kung anu-anong libreng pagkain?

Kung ikaw ay nasa maayos na kalusugan ng pangangatawan, matuwa ka, ipagmalaki dahil pinaghirapan mo ito at hindi lahat ay nagagawa ang iyong ginawa.   Walang problema kung sa palagay mo ay malusog ka at gusto mong ipagmalaki at malaman ito ng ibang tao.   Hindi sa pagyayabang at pang-iinggit ang hangarin mo dahil ang panahon ang bahalang humusga sa iyo kapag ito ang iyong pakay.  Higit sa kung anu pa man, kaya mo ito ginagawa ay dahil masaya ka, dahil gusto mong magpaala-ala sa mga tao tungkol sa tamang kalusugan, dahil gusto mong makapag-bigay ng inspirasyon at makapanghikayat ng ibang tao na mag-ingat din sa kanilang katawan.  Sa sitwasyon natin ngayon, kailangan ito upang mailigtas at matulungan ang ibang tao at mapalaganap ang tama.

Sa maraming pagkakataon ay nagiging bukas ako sa magandang kondisyon ng aking kalusugan dahil ang pakiramdam ko ay masaya at may ipagmamalaki ako.  Pero higit dito, hindi para ipangalandakan sa pagyayabang ang aking kalagayan kundi para makapagbigay ng inspirasyon, makaimpluwensiya at maka-himok ako ng ibang tao na sila rin ay makakaya nila ang maging maganda ang kalusugan.  At kahit ganitong maganda ang kondisyon ng aking kalusugan ay hindi ako para magkampante dahil kahit ako ay hindi nakatitiyak kung magkakasakit ako pagdating ng araw.  Dahil hindi naman ciento por ciento na de-numero at sunod sa libro ang aking mga ginagawa para sa aking kalugusan.  May mga pagkakataon din na hindi ko nasusunod ang mga tamang pagkain at gawain, at hindi ko maiwasan ang makisalamuha sa mga naninigarilyo.  Kaya hindi ko dapat ipagyabang ang aking kalusugan pero kailangan kong makahikayat ng kahit isang tao man lang mula sa bawat magandang karanasan at kaalaman tungkol sa kalusugan.


No comments: