Sa mga
pagkakataong kailangan kong suriin ang isang tao, bagay at lugar, hindi ko
tinitingnan ang relasyon ko sa kanila para masabi ko kung ano ang aking
palagay. Maaaring sa mga pangyayari at isyu ay may mga pagkakataong mas
umiiral ang pagkalapit ko sa mga ito, na siya na namang inaasahan dahil iyun
ang aking pananaw. Pero hanggang maaaari ay ayokong maging isang taong
may pinapanigan batay sa kaugnayan. Hindi
lahat ay papuri, magagandang salita at pag-ayon ang aking sasabihin at gagawin
kapag ang isang tao o bagay ay malapit, kasama at kamag-anak ko. Kung
mayroong mali, kasalanan at kailangang punahin ay sasabihin ko, itama kung
kailangan at hindi ko pagtatakpan. May mga tao kasi na malakas ang simpatiya sa
kanilang kapwa at hindi na alintana kung wala na sa tama sa kadahilanang ito ay
kanilang kababayan, kasamahan, kaibigan o kamag-anak lang. Kasabihan nga,
iba ang tinititigan sa tinitingnan. Pansinin
sa mga magkakasama, kung ang isang kamag-anak, kaibigan o kapamilya nila ay
nadawit sa isang usapin at pagtatalo, hindi ba’t walang atubili ay agad nila
itong kakampihan, proproteksiyonan o ipagtatanggol? Palasak na katwiran
ay sino pa daw ba ang magtutulungan at magkakampihan kundi iyung
magkakadugo. Ngunit hindi ito dapat pairalin dahil ang mali kahit kailan
ay hindi dapat itama sa pamamag-itan ng isa pang mali. Ang tao, sa
totoong kahulugan ng pagiging tao ay kailangang lumagay sa tama at patas.
Kung alam mo ng mali ay bakit mo pa kukunsintihin ang tao at ang
pagkakataon? Sa ginagawa mo ay ipinapadama mo lang sa kanya ang
interpretasyon na tama lang ang nangyayari at magdudulot lamang ito upang siya
ay mamihasa. Kapag mali ang iyong kapwa at patuloy mo pang
ipinagtatanggol, nagiging kabahagi ka na rin ng kasalanan at kasapakat rin sa
pagpapalaganap ng mali.
Sa politika, kapag ang isang tao ay kanilang kababayan, anuman ang
hinahangad at prinsipiyo nito ay sinosoportahan nila ito upang umangat,
makilala o makamit sa kabila ng kung tama o mali ang hangarin at prinsipyo, o
kung may kakulangan ang nasabing tao. Sinasabing dahilan nila ay pagiging
makabayan daw ito. Nakakalungkot dahil idinadahilan ang pagiging
makabayan sa maling paraan. Kung sa
kabila ng kakulangan, kamalian at kasalanan ng isang tao ay ipinagtatanggol mo
pa rin ito upang magtuloy pa rin sa kung ano ang mayroon at nangyayari, dalawa
na kayong gumagahasa sa Inang Bayan. Hindi
dahil ang isang pinuno ay kapareho mo na ipinanganak, lumaki at nabuhay sa
iisang probinsiya ay kailangan mo na itong suportahan. May mga tao kasi
na hanggang ngayon ay may paniniwala o tradisyon na kailangan magkaisa nila
itong gawin dahil kababayan nila ito. May mali at pagsasamantala sa
paniniwalang ito. Aminin natin, kaya
nabubulag sa pag-suporta, pagsunod at pagtatanggol ang mga tao sa isang
tiwaling politiko ay dahil sila rin mismo ay may itinatagong kani-kanilang
pansariling interes na pinapangalagaan.
ito ay dahil dinadala
nito ang pangalan ng kanilang bayan, nakikinabang sila sa katanyagan at lakas,
may mga pabor na makukuha, karangyaan o kasikatan. Hindi dahil kababayan mo ang isang
personalidad ay aayunan mo ang lahat ng nasa kanya kahit mali na. Ang
pagiging loyalista kapag nasobrahan ay nagiging panatismo. May mga
taong nagiging panatiko na lamang kaysa sa nagmamahal, nangangalaga at
rumerespeto sa isang personalidad. Iyung kahit ano ang sabihin ng kapwa
ay aayunan, kahit ano ang iutos ay susundin at ang pinakamasama ay kahit mali
ang sinabi at ginawa ay binibigyan ng paliwanag upang itama at maging
katanggap-tanggap. Bulag na pagsamba, bulag na tagasunod, bulag na panatiko
dahil hindi mo na nakikita ang masama sa mabuti, ang mali sa tama.
No comments:
Post a Comment