Mayroon tayong mga kaibigan na kapag napalayo dahil lumipat sa
malayong lugar na probinsiya o napunta sa ibang bansa upang manirahan o
magtrabaho ay lumalamig o nawawala ang pagkakabigan kahit na matalik, malapit,
o paboritong kaibigan. Dahil hindi na
nagkikita ay nababawasan ang dating komunikasyon kaya nagkakaroon ng isyu tulad
ng sinasabing nawawalan ng oras sa isat-isa hanggang mapansin, pinag-talunan at
napagkatapusan ng pagkakaibigan kapag hindi nagawan ng paraan ang usapan. Minsan ay nagkaroon ako ng isang kaibigan na
alam kong totoo naman ang aming pagkakaibigan. Inasahan ko ng
siya ang aking kaibigang-matalik dahil nagkakapareho kami ng ugali, ng mga
gusto at disgusto kaya naging masaya ang aming mga oras at araw na
magkasama. Nang dumating ang pagkakataon na kailangang umalis ang isa sa
amin papunta sa ibang bansa upang magtrabaho, nalungkot kami dahil hindi na
kami magkikita at magkakasama nang madalas. Pero kailangang umalis siya
dahil may mga nakatakdang bagay na kailangang gawin kahit hindi natin
kagustuhan. Sinikap kong huwag maputol ang aming komunikasyon sa
pamamagitan ng pagpapadala ng mga sulat na ikunukwento ang mga nangyayari sa
akin at sa iba pa naming kaibigan, mga card kapag mayroong mahalagang okasyon
tulad ng Pasko, birthday, atbp. Dumadaan ang mga taon, sinisikap ko pa
ring magkapagpadala ng sulat kahit mahirap dahil kung minsan ay talagang walang
oras o kung minsan ay nauubusan ako ng mga isusulat o maikukuwento. At
bilang pagpapakita ng importansiya sa aming pagkakaibigan, sinabi ko na kung makakaya
kong puntahan siya doon ay gagawin ko. Ngunit wala sa aking hinagap na
iyon din pala ang magiging mitsa ng pagwawakas ng aming pagkakaibigan.
Napuntahan ko na siya at
nakauwi na ako, sa paglipas ng mga araw ay unti-unting naramdaman ko ang
kanyang panlalamig base sa mga matitipid niyang sagot bilang sagot sa mga
ipinapadala kong sulat na kung ano ang tanong ay siyang sagot lamang, na
sumusulat na lamang siya kapag ako ay may ipinadalang sulat. Hanggang
magkaalaman na nang magtanong ako kung ano ang nangyayari. Noon ko
nalaman na mayroon na pala siyang malaking hinanakit sa akin na simula daw nang
puntahan ko siya sa bansang kanyang pinagtratrabahuhan ay nakilala niya raw ang
ugali kong hindi marunong magpahalaga sa pagkakaibigan. Idinahilan niya
ang hindi ko pagdadala ng mga katutubong-pagkaing-Pilipino tulad ng tuyo at
bagoong, ang hindi ko raw pagtanggap sa ipapadalang pagkain (Menudo) para sa
kanya mula sa isa niyang kaibigan ipapakisuyo sa akin, ang pagpapalitrato ko
nang ako lamang na hindi siya kasama at iyung ginawa ko na lang daw siyang
taga-kuha ng litrato ko. Kahit ang hinanakit niya na hindi daw ako
madalas sumulat sa kanya ay isinumbat niya.
Nasaktan ako. Unang-una,
sa kabila ng mga ginawa kong hindi birong pagpunta sa bansang pinagtratrabahuhan
niya na minaliit pa ako ng ibang tao na sinabing kaya lang ako makakapunta sa
kanya ay baka binigyan ako ng pang-punta doon, yung nagpapakahirap ako na
padalan siya ng mga nakakatuwa at kakaibang regalo na personal kong
pinag-isipan, pag-pupumilit kong makapagpadala ng sulat kahit man lang isang
beses sa isang buwan ay anu ang dahilan para akusahan akong hindi marunong
mapahalaga sa pagkakaibigan? Hindi sa nanunumbat ako pero ito ang
kailangan kong isipin para mabigyang-hustisya ang aking pagkabigo. Ang pakiramdam ko ay hindi patas.
Parang isang panig lang na ang kalagayan niya lamang ang iniisip niya, na siya
ang dapat intindihin na sulatan dahil mas malungkot siya na nag-iisa sa
malayong lugar, na kung talagang magkaibigan ay hahanap at hahanap ng oras para
makagawa ng sulat. Iyun ang unang pagkakataon ko na lumabas ng bansa at
wala akong ideya na ang isa palang Pilipino na pupunta sa ibang bansa ay mangyaring
mayroong pasalubong sa pupuntahan. Ang alam ko lang kasi ay iyung mga
umuuwi sa Pilipinas galing sa ibang bansa ang nagbibigay ng mga pasalubong,
pero naunawaan ko na ito na ngayon. Samantalang
yung tinutukoy niyang ipapadala ng kanyang kaibigan ay wala akong alam, na sana
ay kinausap ako nung tao na yun at hindi yung ako ang aasahan na tanungin ko
kung sino-sino ang may gustong magpadala para sa kanya.
Tinabangan na ako sa aming pagkakaibigan. Kung may
mali ako sa mga dahilan ko, kung may pagkukulang man ako sa mga dapat kong
gawin ay hinayaan ko nang iwanan ng ganun na lamang dahil nawalan na ako ng
interes sa aming pagkakaibigan. Kung
hindi ko man naabot ang kanyang pamantayan para maging isang kaibigang
marunong magpahalaga sa pagkakaibigan ay wala na akong magagawa. Ilang taon din akong nagkimkim ng sama ng loob
sa kanya hanggang matutunan kong kalimutan na lang ang aking hinanakit at
patawarin siya sa pagkakaalam kong pagkakamali niya. Pero hindi ko na ibinalik ang dating
pagkakaibigan at minabuti kong maging hanggang doon na lamang upang wala ng
maaaring dumating pa na di-pagkakaunawaan. Nanghihinayang lang ako dahil nasayang ang isang pagkakaibigan dahil maganda na sana ang simula. May pagkukulang ako dahil pwede naman ako ang makibagay, magparaya, humingi ng paumanhin at ipaglaban ang pagkakaibigan pero talaga lang wala na akong maramdamang pangangailangan para ituloy ang pagkakaibigan. Maaaring kulang pa ako sa pagkahinog sa pagharap sa mga ganuong gusot. Nanghihinayang lang ako dahil ang akala ko ay kaibigan na pero hindi nga nangyari. Nang ako na ang nagkaroon ng pagkakataong mangibang-bansa at naranasan
ko na ang mabuhay nang malayo sa mga kapamilya at kaibigan, naranasan ko man
ang mangulila ay hindi ako naging mapaghanap, nag-utos o nag-obliga na sulatan ako ng
mga taong gusto ko. Ang inisip ko lang
ay may kanya-kanya kaming pinaggagagawa sa buhay o prayoridad kaya nauunawaan
ko kung hindi ako makatanggap ng mga sulat.
Ang mahalaga ay alam kong kaibigan ko ang mga kaibigan ko.
Wala sa tagal o ikli ng panahon ng pagkakaibigan at hindi sa dalas
ng pagkikita o pag-uusap makikilala ang katapatan ng kaibigan. Magpunta man kayo sa magkaibang bansa ay alam
ninyo sa puso ninyo na naruon pa rin ang inyong pagmamalasakit at pag-aalala sa
isat-isa. Sa ibang pagkakataon naman, ang
pagkakaibigang nabuo habang nasa ibang bansa, nasusukat ito kung totoo kapag dumating
ang araw na permanenteng umuwi na kayo sa Pilipinas ay patuloy pa rin kayong
mayroong kumustahan o isinara na ninyo ang linya ng inyong komunikasyon. May mga kaibigan ako na kahit hindi kami
nagkikita at nakakapag-usap ay alam naming sa isa’t-isa na naririto lang kami
bilang tunay na magkaibigan.
No comments:
Post a Comment