Wednesday, March 29, 2017

PASALUBONG

Marami-rami na rin akong mga naipon na maliliit na bagay na ibinigay sa akin mula sa mga taong nakakasama ko.  Upang magsilbing ala-ala at bilang pagpapapahalaga ay mas pinili kong itago ang mga iyon kaysa gamitin, kung hindi rin lang kailangang-kailangang gamitin.  At kapag nakikita ko ang mga iyon, masaya akong nakukuntento kapag iniisip kong ang lahat ng mga iyon ay totoong bigay sa akin.  Ang ibig kong sabihin ay ibinigay sa akin nang kusang-loob o taos-puso dahil wala sa mga iyon ang aking hiningi.  Hindi ko naging ugali ang magpauna, maglambing, mag-utos o diretsahang manghingi ng bagay na gusto ko na ibigay sa akin dahil iniisip ko na kung talagang gusto akong bigyan ng isang tao, kahit ano ang mangyari at kahit hindi ako magsalita ay bibgigyan at bibgyan pa rin niya ako.  Ayokong magparamdam o humingi dahil ang gusto ko ay boluntaryo at sa sariling kagustuhan ang pagbibigay sa akin.  Yung totoo sa kalooban ng nagbigay sa akin at yung “totoong bigay” ng bagay na ibinigay sa akin.  Kung anuman ang mga naipon kong ala-ala mula nuon hanggang ngayon ay masasabi kong ang mga iyon ay totoo sa tunay na kahulugan ng salitang bigay o regalo.

Kahit sa mga kapatid ko ay hindi ako nagsasabi na uwian ako ng kung anumang bagay na gusto ko.   Minsan sa isang pinakamalapit kong kaibigan ay sinabi kong kung bibigyan niya ako ay yung maliit na bagay na lang na hindi nauubos at maitatago ko kaysa sa pagkain.  Maliit man o mumurahin ay mas gusto ko ang ganun para lumipas man ang maraming taon ay nakikita ko pa rin ang bagay na nagpapaala-ala sa akin sa mga nagbigay.  Kahit nga kapirasong papel na may maiksing mensahe, natirang hawakan ng kinain na popsicle, o maliit na bato  na napulot lang ay pinapahalagahan ko dahil may ibang kahulugan iyon kapag ibinigay na sa akin.  Dahil hindi naman sa presyo nasusukat ang halaga ng anumang regalo o bigay kundi nasa kahulugan at saloobin ng pagbibigay.  Mas gusto ko ang mga ganun kaysa sa mga nauubos para maging koleksiyon at maidokumento ko ang mga ito, para kahit lumipas na ang maraming taon ay nakikita at naaala-ala ko pa rin ang mga ibinigay sa akin ng aking mga kaibigan, kanilang pagkamaalalahanin, at ang totoong pagpapahalaga sa akin ng mga tao.

Ang pasalubong ay isang mapagkakakilanlan at natatanging ugali o tradisyon ng mga Pilipino na pagkakaroon ng anumang malilit na bagay mula sa kanyang pinanggalingan kung paglalakbay man, na maibibigay sa mga daratnan niya sa kanyang pag-uwi.  Maaaring ito ay mula sa mga karatig-bayan o malalayong lugar sa Pilipinas o mula sa kahit saan mang panig ng mundo.  Maaaring ito ay isang bagay o pagkain na sumisimbulo sa lugar na pinanggalingan na agad-agad makikilala ang nasabing lugar sa pagkakakita pa lamang ng pasalubong.  Kung ikaw ay may pasalubong na Piyaya ay nangangahulugang ikaw ay nangaling sa Iloilo, kung binagol ay mula sa Leyte, Durian naman kung sa Davao o Macadamia nuts kung sas Hawai.  Parang kung ang nagbigay ay nagpunta ng Pampangga, ang kanyang bibilin para ipamigay ay longanisa, habang kung sa Baguio ay walis-tambo, sa Ilocos ay bagnet, sa Batanggas ay lanseta at sa Angono ay Piniritong Pato.


Dala ng ating pagiging maalalahanin ang nagtutulak sa atin na magbigay tayo ng pasalubong sa ating mga kamag-anak, kaibigan at mga kasama.  Simple lang ang pasalubong ngunit sa taong nakatanggap nito  ay sobra-sobra ito na mas malaki pa sa ibinigay.  At ano pa ba ang mas bubuti pa kung ang pasalubong ay personal na pinag-isipan.  Totoo na wala ng mas tatamis pa at mas gaganda pa kapag ang ating natatanggap ay mula sa taong pinag-isipan at pinaghirapan o pinaglaanan ka ng oras na bigyan.  Ako ay emosyonal at sentimental na tao at anumang ibinigay sa akin ay aking pinapahalagahan at iniingatan na palagi kong itinatago sa aking lagayan, isipan at puso.

No comments: