Kahit
kailan, ang mali ay hindi maitatama ng isa pang mali. Mali at malaking kasalanan ang pumatay ng
tao. Kaya para patayin ang taong pumatay
ay isa na namang mali at kasalanan.
Nagkasala na nga yung pumatay at pagkatapos ay dadagdagan na naman ng
isa pang kasalanan. Kung ang isang tao
ay papatayin ang taong pumatay sa pinatay na kamag-anak upang makapaghinganti,
papatayin naman siya ng isang kamag-anak ng pinatay, at siya naman ay papatayin
din ng kamag-anak nung kanyang pinatay, kung ganuon ay ubusan na lang ng
lahi? Kung ang mga kriminal na
sinasabing masasamang tao ay dapat patayin, anu ang ipinagkaiba nilang dalawa
ngayon?
Hindi
parusang kamatayan at pagpatay ng walang tamang proseso ang solusyon sa mga
nagtutulak ng bawal na gamot at mga karumaldumal na krimen. Kung maliwanag na sinasabi na nga sa Banal na
Aklat na “Huwag Kang Papatay”, ano pa ang dahilan para hindi ka pa maniwala at
anong bahagi ba nito ang hindi maliwanag para hindi maintindihan ng mga taong
panig sa pagpatay? Hindi maaaring
idahilan ang prinsipiyong “Mata sa mata, ngipin sa ngipin” dahil ito ay isang
pamantayan ng paghihinganti at hindi ng hustisya. Sa katunayan, ang kahulugan nito ay “kung ano
ang inutang ay iyun din ang siyang kabayaran” na ang ibig sahihin ay kung ano
ang ginawa ng nagkasala ay iyun din dapat gawin sa kanya. Kung ang isang lulong sa bawal na gamot ay
pumatay sa pananaksak, bakit siya papatayin sa baril, bigti, silya-elektirka o
anu pang uri ng parusang kamatayan kung susundin ang prinsipiyong mata sa mata?
Hindi
pagpatay ang sagot sa lumalalang krimen at mga karumaldumal na krimen. Desperado lang ang mga tao sa nakikitang
parang walang nangyayaring hustisya, patuloy na pagdami at walang katapusang
krimen kaya naiisip na ng mga tao na ang parusang kamatayan na lang ang
natatanging solusyon. Ang nagiging
pakahulugan ng maraming tao ay hindi natatakot gumawa ng mga karumaldumal ang
mga kriminal dahil walang parusang kamatayan.
Pero hindi talaga ito ang dahilan.
Hindi sa hindi sila natatakot gumawa ng bawal dahil walang ultimatong
parusang kamatayan na umiiral kundi dahil sa bansa natin ay nalulusutan o
naaareglo ang lahat. Hindi natatakot ang
mga kriminal na mahuli at makulong dahil ang hustisya sa atin ay politika.
Bakit
kamo patuloy pa rin ang pagpatay at panggagahasa? Dahil nasa isip ng mga kriminal na ang batas
at ordinansa ay hindi siryoso at maaaring lusutan, kapag nadakip ay aabutin pa
ng mahabang panahon bago mahatulan, kapag nakulong at nagkaroon ng kasangga sa
loob at sa kapulisan ay malulusutan ang krimen na ginawa. Bakit kamo hindi mapuksa ang kalakaran sa
bawal na gamot, ang mga gumagawa ng karumaldumal na krmen, ang pang-aabuso ng
mga makapangyarihang tao? Dahil hindi pinapatupad ng mahigpit ng mga
nagpapatupad ang lahat ng batas. Dahil
ang mga taong gumagawa ng krimen ay nakakayang bilhin ang hustisya, may mga
taong promopotekta sa kanila, kung makulong man ay maipagpapatuloy pa rin ang
buhay-hari sa loob ng bilibid at magkakaroon ng isang magandang trato sa loob
ng kulungan. Dahil ang sistema ng batas
ay poilitika, kapag nahuli ay nalalakad at nababayaran ang mga nasa pwesto.
Napakarami
at magaganda na ang ating batas. Kung
umiiral lang nang tama ang batas, hindi hahantong sa desperasyon ang mga tao
dahil nakikita nila na nagdurusa ang mga kriminal. Kapag nagkasala, litisin agad, pabilisin ang
gulong ng hustisya at pairalin nang tama at patas ang hustisya. Kung aayusin lang ang sistema ng ating
hustisya, kung ang nagpapairal ng mga batas ay magiging tapat at mahigpit, kung
ang bawat mga nahuling nagkasala ay agad malapatan ng kaukulang kaparusahan at
kung pagdurusahan nila nang ayon sa totoong kahulugan ng kaparusahan sa
kanilang kasalanan, magdadalawang isip ang mga posibleng kriminal. Dahil ang alisin ang kalayaan at makulong
nang habang-buhay ay katumbas na rin ng kamatayan, at maaaring higit pa dahil
habang buhay itong pagbabayaran mas mabuti pa ang pinatay na lamang nang
matapos na ang kanilang pagdurusa.
Maaaring
sa mga bansang may parusang kamatayan ay maliit ang naitatalang patayan pero
hindi iyun takot sa parusang kamatayan kundi dahil sa listo, matindi at matuwid
na mga nagpapatupad ng batas. Dahil
meron o walang parusang kamatayan, kung talagang mahigpit ang batas ay hindi
kailangan takutin na papatayin ka rin kapag pumatay ka, kundi pagbabayaran
habang buhay ang kasalanang nagawa. Hindi
ang dahilang nawala sa sarili at nagdlim ang paningin ang bumalot sa katauhan
kaya nakakapatay kundi mas nangibabaw ang walang paggalang at pagkilala sa uri
ng batas. Dahil ang tao, basta’t malakas
at malaki ang pundasyon ng paniniwala sa batas ng tao at ng Diyos, mangingiming
gumawa ng kasuklam-suklam.
4 comments:
Napakahusay niyo pong magsulat!
Salamat sa pagbisita sa blog. Sana makasulat ako ng marami pa.
Napakagaling mo makapaghatid kapa sana nang iba pa
Maramimg salamat.
Post a Comment