Friday, October 13, 2017

PAGPATAY

Kahit kailan, ang mali ay hindi maitatama ng isa pang mali.  Mali at malaking kasalanan ang pumatay ng tao.  Kaya para patayin ang taong pumatay ay isa na namang mali at kasalanan.  Nagkasala na nga yung pumatay at pagkatapos ay dadagdagan na naman ng isa pang kasalanan.  Kung ang isang tao ay papatayin ang taong pumatay sa pinatay na kamag-anak upang makapaghinganti, papatayin naman siya ng isang kamag-anak ng pinatay, at siya naman ay papatayin din ng kamag-anak nung kanyang pinatay, kung ganuon ay ubusan na lang ng lahi?  Kung ang mga kriminal na sinasabing masasamang tao ay dapat patayin, anu ang ipinagkaiba nilang dalawa ngayon?

Hindi parusang kamatayan at pagpatay ng walang tamang proseso ang solusyon sa mga nagtutulak ng bawal na gamot at mga karumaldumal na krimen.  Kung maliwanag na sinasabi na nga sa Banal na Aklat na “Huwag Kang Papatay”, ano pa ang dahilan para hindi ka pa maniwala at anong bahagi ba nito ang hindi maliwanag para hindi maintindihan ng mga taong panig sa pagpatay?  Hindi maaaring idahilan ang prinsipiyong “Mata sa mata, ngipin sa ngipin” dahil ito ay isang pamantayan ng paghihinganti at hindi ng hustisya.  Sa katunayan, ang kahulugan nito ay “kung ano ang inutang ay iyun din ang siyang kabayaran” na ang ibig sahihin ay kung ano ang ginawa ng nagkasala ay iyun din dapat gawin sa kanya.  Kung ang isang lulong sa bawal na gamot ay pumatay sa pananaksak, bakit siya papatayin sa baril, bigti, silya-elektirka o anu pang uri ng parusang kamatayan kung susundin ang prinsipiyong mata sa mata?

Hindi pagpatay ang sagot sa lumalalang krimen at mga karumaldumal na krimen.  Desperado lang ang mga tao sa nakikitang parang walang nangyayaring hustisya, patuloy na pagdami at walang katapusang krimen kaya naiisip na ng mga tao na ang parusang kamatayan na lang ang natatanging solusyon.  Ang nagiging pakahulugan ng maraming tao ay hindi natatakot gumawa ng mga karumaldumal ang mga kriminal dahil walang parusang kamatayan.  Pero hindi talaga ito ang dahilan.  Hindi sa hindi sila natatakot gumawa ng bawal dahil walang ultimatong parusang kamatayan na umiiral kundi dahil sa bansa natin ay nalulusutan o naaareglo ang lahat.  Hindi natatakot ang mga kriminal na mahuli at makulong dahil ang hustisya sa atin ay politika. 

Bakit kamo patuloy pa rin ang pagpatay at panggagahasa?  Dahil nasa isip ng mga kriminal na ang batas at ordinansa ay hindi siryoso at maaaring lusutan, kapag nadakip ay aabutin pa ng mahabang panahon bago mahatulan, kapag nakulong at nagkaroon ng kasangga sa loob at sa kapulisan ay malulusutan ang krimen na ginawa.  Bakit kamo hindi mapuksa ang kalakaran sa bawal na gamot, ang mga gumagawa ng karumaldumal na krmen, ang pang-aabuso ng mga makapangyarihang tao?  Dahil  hindi pinapatupad ng mahigpit ng mga nagpapatupad ang lahat ng batas.  Dahil ang mga taong gumagawa ng krimen ay nakakayang bilhin ang hustisya, may mga taong promopotekta sa kanila, kung makulong man ay maipagpapatuloy pa rin ang buhay-hari sa loob ng bilibid at magkakaroon ng isang magandang trato sa loob ng kulungan.  Dahil ang sistema ng batas ay poilitika, kapag nahuli ay nalalakad at nababayaran ang mga nasa pwesto.

Napakarami at magaganda na ang ating batas.  Kung umiiral lang nang tama ang batas, hindi hahantong sa desperasyon ang mga tao dahil nakikita nila na nagdurusa ang mga kriminal.  Kapag nagkasala, litisin agad, pabilisin ang gulong ng hustisya at pairalin nang tama at patas ang hustisya.  Kung aayusin lang ang sistema ng ating hustisya, kung ang nagpapairal ng mga batas ay magiging tapat at mahigpit, kung ang bawat mga nahuling nagkasala ay agad malapatan ng kaukulang kaparusahan at kung pagdurusahan nila nang ayon sa totoong kahulugan ng kaparusahan sa kanilang kasalanan, magdadalawang isip ang mga posibleng kriminal.  Dahil ang alisin ang kalayaan at makulong nang habang-buhay ay katumbas na rin ng kamatayan, at maaaring higit pa dahil habang buhay itong pagbabayaran mas mabuti pa ang pinatay na lamang nang matapos na ang kanilang pagdurusa.

Maaaring sa mga bansang may parusang kamatayan ay maliit ang naitatalang patayan pero hindi iyun takot sa parusang kamatayan kundi dahil sa listo, matindi at matuwid na mga nagpapatupad ng batas.  Dahil meron o walang parusang kamatayan, kung talagang mahigpit ang batas ay hindi kailangan takutin na papatayin ka rin kapag pumatay ka, kundi pagbabayaran habang buhay ang kasalanang nagawa.  Hindi ang dahilang nawala sa sarili at nagdlim ang paningin ang bumalot sa katauhan kaya nakakapatay kundi mas nangibabaw ang walang paggalang at pagkilala sa uri ng batas.  Dahil ang tao, basta’t malakas at malaki ang pundasyon ng paniniwala sa batas ng tao at ng Diyos, mangingiming gumawa ng kasuklam-suklam.

4 comments:

Anonymous said...

Napakahusay niyo pong magsulat!

Alex V. Villamayor said...

Salamat sa pagbisita sa blog. Sana makasulat ako ng marami pa.

Seika said...

Napakagaling mo makapaghatid kapa sana nang iba pa

Alex V. Villamayor said...

Maramimg salamat.