Tuesday, October 03, 2017

SSS: SANA SIGURADONG SEGURO

Sa hindi ko pagpabor sa nangyaring umento sa pensiyon ng mga pensiyonado ng SSS, maaaaring ang nagiging tingin ng ibang tao sa akin ay wala akong habag, malasakit at pakiramdam sa mga nakatatanda na hindi ko iniisip ang kanilang kaligayahan at kalagayan.  Maaaring ang palagay din nila sa akin ay hindi ako mapagmahal sa mga matatanda at mahihirap o pinagmamataasan ko sila at pinagkakaitan ng kaligayahan.  Madalas ko itong punahin dahil unang-una ay hindi ko ito natatamaan, at ikalawa’y sinusundan ko ito dahil may malasakit ako sa pinaghihirapan ko at sa kinabukasan ng lahat.

Hindi sa hindi ko inaala-ala ang mga nakatatanda.  Alam ko na marami sa nakatatanda ngayon ang pensiyon na lamang ang inaasahan upang makaraos sa hirap ng buhay.  Pero sana ay maintindihan ng mga taong nag-iisip ng hindi maganda sa pagtingin ko sa umento ng pensiyon na ang mas iniisip ko ay ang pangmatagalang kabutihan, kapakanan at ang kinabukasan ng institusiyon.  Hindi sa kasakiman, o sarili ko lang ang iniintindi ko, o ang iniisip ko ay ang magiging pensiyon ko sa darating na panahon kaya ayaw kong maubos ang pondo ng SSS kundi mas gusto ko na mas magtagal ang institusyon upang makapagsilbi at makatulong pa sa mas maraming tao at mas mahabang panahon.

Nakikita, napapanood at nababasa ko kaya hindi kaila sa akin na marami sa mga nakatatanda na pesniyonado ng SSS ay walang-wala.  Sa edad nila ngayon ay binubuhay pa ng marami sa kanila ang kanilang pamilya bukod pa sa medikal na pangangailangan nila.  At ang kakaunting umento na isang libo ay malaking bagay na sa kanila.  Matatanda na ang mga ito, maaaring kailangan pagbigyan na natin sila sa mga kaligayahan  nila ngunit sa paraang walang malalagay sa kapahamakan.  Tama bang magpakagarbo sa kabila ng kalugihan o mapaluguran ang ilan ngunit kapinsalaan ng nakararami?  Hindi dapat malagay sa panganib ang buong institusiyon, ang mas nakararaming miyembro at ang kinabukasan nilang lahat.

Aanhin ang kasaganahan ngayon kung ang bukas ay hikahos?  Oo, hindi sapat sa kanilang mga pangangailangan ang kanilang tinatanggap subalit huwag nating ikatuwa ang panandaliang benepisyo, madaliin at hindi isaalang-alang ang kinabukasan.   Alalahanin natin ang mas malaki at mas matagalang epekto.  Magkwenta tayo sa simpleng halimbawa.  Mayroong mahigit na dalawang milyon ang mga pensiyonado ng SSS.  Ang buwanang isang libong dagdag na umento ng mga pensiyonadong ito ay nasa higit dalawamput-anim na milyong piso sa loob ng isang taon.  Kung tuloy-tuloy ito, aabutin pa kaya ng sampung taon ang pondo ng SSS?

Nakakatakot ang pagbebenta ng mga ari-arian ng SSS at ang planong pagtataas ng buwanang kontribusiyon ng mga kasapi upang matugunan ang umento ng mga pensiyondo dahil nangangahulugang kinukulang ang pondo ng institusiyon.  Kung walang pagkukuhanang pondo, ibig sabihin ay wala talagang pera na nakalaan sa umento na ito.  Walang problema sa pagbebenta ng ari-arian at kahit na ang pagtataas pa ng buwanang kontribusiyon ng mga kasalukuyang kasapi kung ang malilikom na pera mula dito ay ipupuhunan, ipambibili ng ibang ari-arian, o palalaguin pa.  Pero ang problema ay kailangan magkaroon ng pera upang ipangtustos sa umento sa mga pensiyonado – kinukulang kung ganon.

Ang aking sariling ina ay isa sa mga pensiyonada ng SSS.  Sa lumalaking pangangailangan niya sa kanyang sakit, dapat ay magustuhan ko ang dagdag na isang libo sa kanyang pensiyon dahil kahit ako ay nahihirapang tustusan ang kanyang gamutan.  Ngunit hindi ako sumasangayon sa umento dahil naniniwala akong hindi pwede at sa halip ay mas inisip ko ang kalagayan ng SSS dahil para ito sa mas nakararami at sa kabutihan ng isntitusiyon.

Mahalagang matulungan ng SSS ang mga nakatatanda hindi lang sa pensiyon kundi maaari naman matugunan ang kanilang pangangailangan, kaligayahan at ayudahan ng gobyerno ang mga pensiyonadong nakatatanda ng SSS sa ibang paraan.  Hindi sa sinasabi kong ito ang tama at ang solusyon pero isang halimbawa upang matulungan ang mga nakatatandang kasapi ng SSS ay ang bigyan sila ng lugar sa mga hospital at klinika, o mabigyan sila ng libreng gamot o diskwento sa mga botika.  At mahalaga rin na tingnan ang pamamalakad ng ahensiya, suriin ang gastusin at magpalakas ng kanilang pananalapi at ari-arian.

Ang naging umento sa pensiyon ng SSS ay isang politika.  Tinangihan na ito ng dating Pangulo dahil hindi ito puwede na ikinadismaya ng mga tao.  Isa ito sa mga ipinangako ng kasalukuyang Pangulo nuong panahon ng kampanya.  Kaya nang siya ay manao ay pilit at minadali itong tinupad sa kabila ng mga balakid at pangamba.  At ang sinabi ng maraming tao na "pwede naman pala" bilang pagtuya sa nakaraang Pangulo.  Sana, siguraduhing sigurado ang ating seguro dahil makalipas ang ilang buwan lamang matapos maibigay ang umento, ngayon ay kinukulang ang pondo ng SSS dahil sa pangangailangang tugunan ang pangtustos sa umento ng mahigit dalawang milyong pensiyonado ng SSS.  Ang sabi ngayon ng mga tao, kaya naman pala ito tinangihan ng dating Pangulo, tama naman pala siya.

No comments: