Thursday, August 13, 2020

ANG PAGHAWAK SA PERA

Lahat tayo, gusto natin ay makaipon ng malaking pera.  Kailangan natin ang mag-ipon dahil dito tayo mabubuhay pero ang hirap mag-ipon.  Minsan ay iniisip ko, masuwerte iyung mga may malalaking kinikita dahil malaki ang pagkakataon nila na maka-ipon sila ng mas mabilis at mas malaki.  Pero iniisip ko na lang, siguro kung hanggang ganito lang ang kaya kong ipunin, siguro ay hanggang duon lang ang magiging pangangailangan ko.

 

Totoong mahirap ang mag-ipon kapag ikaw ang bumubuhay sa iyong pamilya.  Lalong mas mahirap ang mag-ipon kung ang kinikita mo ay hindi naman kalakihan at kung minsan ay kinakapos kaya hindi maiiwasan ang manghiram ng pera.  Pinagdaanan ko ito.  Pero para makawala ako sa ganitong kumunoy, inalam ko kung ano ang mali sa pananalapi ko, pinag-aralan ko ang prayoridad ko, at lumagay lang ako sa kung ano ang kaya ko.

 

Para makaipon, kailangan nating matuto ng pagba-badyet ng pera.  Kailangan nating matuto kung paano hahawakan ang ating pera nang tama.  Hindi ako isang pinansiyal-guru, eksperto sa pananapi, o milyonaryo pero mayroon akong mga paraan na maibabahagi na maaaring makatulong para sa mga nakikipambuno sa bayarin at pag-iipon:

 

1.  Prayoridad.  Unahin mong linisin muna ang iyong mga pananagutan.  Bayaran hanggang mawala ang utang at huwag nang uulit na umutang.  Kapag may utang kasi ay kawalan na kaagad dahil hindi ka pa sumasahod ay bawas na ito.  May mga utang na hindi kawalan tulad ng pagpapaaral, pagpapagamot o bayad sa bahay dahil pangangailangan ang mga ito, pero kung uutang ka dahil lang sa pambili ng gadgets o sapatos o pagkain sa mamahaling restaurant, hindi ito tamang desisyon.

 

Personal: nang mabigyan ako ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa, inuna kong bayaran ang aking malaking pagkakautang.  Hindi ako bumili ng mga gamit tulad ng cellfone, mamahaling sapatos, alahas, at iba pa.  Alam ko kung magkano ang kinikita ko kaya alam kong hindi ko makakayang bumili ng mga gamit.  Nang mabayaran ko ang utang ko, masarap sa pakiramdam na iyung lahat ng sasahurin mo ay sa iyo na nang buong-buo.

           

2.  Disiplina.  Matapos mong mabayaran ang iyong utang, magkaroon ka ng maaayos na daloy ng pera.  Magkaroon ka ng disiplina sa paggastos kung hanggang saan o kailan ka gagastos.  Gawin mong pormula ang “Kita – Ipon = Gastos”.  Kada suweldo, maglaan ka ng permanenteng halaga na agad mong kaltasin sa iyong sahod at itago mo ito.  Kung magkano ang matitira ay duon mo kuhanin ang gastos para sa pagkain, pagpapa-aral, bayarin sa bahay.  Maaaring sa una ay maliit na halaga lang muna ang kaya mong itago pero makikita mo, kung ito ay tuloy-tuloy, malalaman mo na lang na malaki na pala ito paglipas ng anim (o higit pa) na buwan ay baka dagdagan mo na ang iyong buwanang ipon dahil magiging inspirado ka.

 

Personal: pinilit kong makapagtago ng pera nuon upang gawing pondo para sa biglaang gamutan para sa nanay ko.  Nakatulong ito ng malaki sa akin nang biglang kailanganin ko na ito.  Naubos man yun sa halos dalawang buwan lang ay hindi naman ako humantong sa pangungutang.

 

3.  Good debts VS bad debts.  Mahirap ang maging perpekto na walang utang.  Pero kung ikaw ay uutang, alamin mo kung ito ay iyung tinatawag na good debt o bad debt.  Kung ang uutangin mo ay magbibigay sa iyo ng pera, sigihan mo.   Kung ang uutangin mo ay para magkaroon ng ari-arian na hindi bumababa ang halaga – sigihan mo. 

 

Personal: isang dating kasamahan ko sa trabaho ang nagpayo sa akin nuon na huwag akong kumuha ng bahay at sa halip ay ipagpatayo ko na lang ng bahay sa nakabinbin na lupa ang pera na uutangin ko.  Ang nangibabaw sa akin nuon ay ang seguridad.  Kumuha ako ng bahay upang kung sakali lang na hindi ko ito mabayaran ay hindi mas masakit kesa sa ma-ilit ng bangko iyung lupa na patatayuan ko ng bahay.  Isiniguro ko lang na meron pa rin akong ari-arian kung sakaling hindi ko mabayaran ang bahay na kinuha ko. 

           

4.  Pangangailangan VS Kagustuhan.  Kung hindi ka naman yayamanin na may mga negosyo, ari-arian at milyones sa bangko, alamin mo kung ang bibilhin/gagastusan mo ay kailangan mo talaga o gusto mo lang.  Kailangan mo ng bagong cellfone dahil iyung luma mo ay hindi mo magamit sa trabaho mo o gusto mo kasi ang mga itinatampok ng cellfones.  Kailangan ba talagang maglibre sa pagkain o gusto mo lang isipin ng mga tao na mapagbigay ka?  Siguro sa mga ganitong pagkakataon na may sobra kang pera, sa halip na gastusin ay itago mo na lang.  Kung yayamanin ka naman talaga, maglaan ka lang ng halaga para duon sa mga gusto mo lang na hindi pangangailangan upang hindi maabuso ang iyong ipon.

 

5.  Praktikal. Maging matalino sa pag-gasta.  Lagi mong isipin, praktikal ba na bilin mo ang isang bagay?  Iyung presyo nito ay karapat-dapat ba?  Aanhin mo ang isang mamahaling sabon kung ang katumbas nito ay tatlong mumurahing sabon na maggamit mo sa mas matagal na panahon?  Ang mamahalin at mumurahing relo ay pareho lang ang ibinibigy na oras.  Oo, minsan ay mas matibay ang mas mahal at mas magagamit ng mas matagal pero hindi ito sa lahat ng oras kaya maging mapagkilatis.  Maging praktikal.  Maliliit lang ang mga natitipid mo pero kapag pinagsama-sama ito ay malaking halaga na pala.

 

Personal: nuong panahong hindi ako bumibili ng mga uso at mamahaling gamit dahil ang prayoridad ko ay makabayad ng utang, naging sistema na ng katawan ko ang hindi maghanap ng mga materyal na bagay.

 

6.  Lumagay ka lang sa kakayahan mo.   Alam mo kung magkano ang kinikita mo kaya huwag kang lumampas sa kakayahan mo.  Huwag mong isakripisyo ang ibang mahalagang bagay dahil sa iyong paggasta.   Oo, kailangan mong pasayahin din ang sarili mo at pagbigyan mo sa mga kasayahan pero alamin mo ang dalas ng minsan dahil kapag marami ay luho at materyalismo na ito.

 

Personal: ang pamanatayan ko, kung hindi ko siya kayang bilhin sa perang hawak ko, hindi ko siya uutangin.  Dahil kung hindi sapat ang pera ko, ang ibig sabihin nito ay hindi para sa akin ang bagay na gusto kong bilhin.

 

Anuman ang dahilan ng mga taong hindi sinisiryoso ang paghawak sa kanilang pananalapi, mahalaga pa rin ang mag-ipon para sa panahon ng pangangailangan.  Maglaan lang ng para sa kasiyahan at huwag hihigit sa inilaan.  Hindi ako galante.  Hindi ko ugali ang mgpamudmod ng mga pasalubong, siguro ay magbibigay na lang ako kapag kailangan talaga.  Laging umiiral sa akin ang pagiging praktikal.  Hindi masama ang maging kuripot dahil pera mo ito.  Ang masama ay winawaldas mo ang iyong pera at kapag nangailangan ka ay wala kang magagamit.  Hindi mo tinitipid o tinatanggalan ang sarili mo ng kasiyahan kaya ayaw mong gumasta kundi isinisiguro mo lang ang kasihayan mo pagdating ng araw.

1 comment:

Anonymous said...

******************** Salamat po sa tips.