Friday, July 26, 2019

BATANG PALONG-PALO


Sa kanyang pagiging bata, ang tao ay likas na mausisa, makulit at pala-subok tuloy ay nagiging parang matigas ang kanyang ulo.  Iyung mga madalas niyang gawin kahit sinabing huwag gawin, mga sinusubukan niyang gawin dahil gusto niyang malaman kung ano ang mga iyon at kung ano ang kanyang kayang gawin, kaya madalas nadidisiplina ng kanyang mga magulang.   Karaniwan sa mga bata ang paminsan-minsang pagsuway sa mga autos ng mga magulang at nakatatanda kahit may kapalit itong parusa ngunit mayroong mga bata na madalas madisiplina.

Lumaki siya sa palo.  Iyung mga panahon na ang pamamalo ay tanggap na pagdisiplina sa mga bata kaya halos lahat tayo ay nakaranas na mapalo ng ating mga magulang kapag mayroon tayong kasalanan o pagkakamali.  At sa magkakapatid ay siya ang madalas na makagalitan at mapagbuhatan ng kamay ng kanyang mga magulang.  Siya kasi ang lumabas na malakas ang loob at makulit na bata.  Siya iyung ayaw ng mga gawaing-bahay, iyung hindi nakikinig sa mga ipinag-uutos, iyung madalas lumalaboy, at iyung may mga nagagawang mali sa loob at labas ng bahay kaya madalas ay siya iyung napapalo. 

Habang lumalaki kami ay naaawa ako sa kanya dahil madalas ay siya ang madalas na nakakatanggap ng palo o sermon.  Tsinelas, walis, hanger, patpat, kawayan – pinagdaaana niya ang mga ito.  Tuloy ay iisipin niya na siguro ay hindi siya mahal ng kanyang mga magulang o baka galit sa kanya ang mga ito, at maaaring may namumuo sa kanyang hinanakit sa mga taong nasa paligid niya.  Kaya hindi na ako nagulat kundi nakunsensiya lang ako nang mabalido ko ang kanyang saloobin.  Dahil madalas ay nililinis ko ang aming altar, minsan ay nakita ko ang isang maiksing sulat sa likod ng aming altar, sulat na kanyang ginawa na parang nagsusumbong sa Diyos na bakit laging siya ay napapagalitan at napapalo.  Sa mahigit apatnapung taon na ngayon, naaalaala ko pa nang isang beses ay para siya magtanda ay itatali siya sa puno sa labas ng bahay.  May paunang palo na siya nuon kaya naruon na yung sakit sa katawan at sa kalooban niya ay naruon na iyung sakit ng saloobin.  Malinaw pa rin sa aking isip, kita ko ang kanyang mga mata na umiiyak, puno ng luha, nakatitig sa ama – magkahalong pagtanggi at galit.  Iyung mga mata niyang maraming luha ay parang puno ng galit.  Nakaamba na hihilahin siya papunta sa puno pero hindi naman natuloy, siguro hindi rin kayang gawin ng ama.  Pero isa ito sa kanyang mga pinagdaanan na tumatak sa isip ko. 

Maraming taon na nga ang nagdaan mula nuon.  At ngayong malalaki at matatanda na kami, hindi ko siya masisisi kung tumigas ang kanyang puso at kung siya iyung pinili ang mapalayo.  Alam ko na marami-rami siyang hinanakit bilang isang bata at mga karanasang hindi niya gusto.  Pero minsan may mga hindi tayo naiintindihan nuon dahil sa bata pa tayo na mauunawaan sana natin kapag malaki na tayo ngunit dahil nga may namuo ng galit sa puso ay nalalampasan ang pagkakataon na maunawaan ang mga nangyari.  Sayang lang dahil hindi nabibigyan ng pagkakataon na maunawaan niya iyung kanyang mga hinanakit.  Sana ay huwag lang hanggang ulitin ng kasaysayan ang nangyari para lang maunawaan.  Alam ko hanggang ngayon ay nagdaramram pa rin siya sa mga nangyari pero kung mag-uusap lang kami, kung paiiralin lang ang bukas na puso at makikinig siya ay naniniwala akong mauunawaan niya na hindi siya initsapwera, iniwan, itinapon o binale-wala, at higit sa lahat ay naruon pa rin ang pagmamahal.

No comments: