Wednesday, July 10, 2019

ANG AKING PAGSUSULAT-2


Labing-talo ang edad ko nang una akong magsulat ng mga maikling-kwento.  Malinaw pa sa aking pagkakatanda, nanonood ako nuon ng isang pangtanghaling dulang-antolohiya sa telebisyon nang mayroong eroplanong mababa ang paglipad ang dumadaan nuon sa itaas.  Nakaupo ako nuon sa aming hagdanan na naging paborito kong lugar ng pagsusulat.  Ang kauna-unahan kong naisulat na kwento ay tungkol sa tatlong babae na magkakapit-bahay kung ano ang aral na makukuha sa magkakaiba nilang estado sa buhay.  Maikli at simple lang, pero nang matapos ko ang pagsusulat ay may katuwaan sa nagawa akong naramdaman dahil nakapagsulat ako ng isang kwento.  Pagkatapos niyon ay naisipan kong magsulat ulit dahil kaya ko pala ang magsulat at dahil na rin gusto kong maramdaman ulit ang kasiyahan ng may naisulat na kwento.

Ginanahan akong magsulat pa at hindi ko namamalayan na naging libangan ko na pala ang pagsusulat dahil bawat natatapos kong maikling-kwento ay may hatid sa akin ng kasiyahan at katuparan.  Hanggang hamunin ko ang sarili ko kung kaya ko bang palawigin ang aking mga isinusulat at unti-unti ay sinikap kong hanapan ng lunas ang mga kakulangan ko sa pagsusulat, itama ang mga mali, bigyan ng lalim at pahalagahan ang ginagawa.  Kahit abutin ako ng madaling-araw sa pagsusulat, kung minsan ay hindi ko mapigilan dahil duon nagdadatingan ang mga magagandang hinagap na kailangan ko sa aking isinusulat.  Hanggang naging ang nagtutulak sa akin para magsulat ng magsulat pa ay ang hamon sa aking sarili kung kaya ko bang isulat ang isang paksa sa ibat-ibang estilo tulad ng katatawanan, katatakutan o dramatiko, hanapan ng tema para sa dyanra o katergorya ng aking mambabasa, at uri ng pagsusulat tulad ng tula o awit.  Gumawa na rin ng mga inglis hanggang masabi kong naging angking-talino ko na ang malikhaing-pagsusulat at sinubukan ang sumali sa patimpalak, hindi man pinalad na magwagi, kakaibang personal na ligaya at katuparan naman ang naihatid nito sa akin.

Maaaring ang nag-udyok sa akin upang magsulat ay ang pagiging mapag-isa ko dahil sa mga panahon na nag-iisa ako ay marami akong naiisip.  Iniisip ko ang ginagawa ng mga tao na nakikita ko at ang epekto nito sa akin.  Nakatulong din sa akin ang pagkawili ko sa asignaturang Pilipino nuong nag-aaral pa ako at ang impluwensiya sa akin ng palaisipan sa diyaryo na tinatapos ko kapag hindi na kaya ng aking tatay o nanay.  Nagsimula ang aking malikhaing-pasusulat tungkol sa buhay-buhay, panglipunang paksa, pag-ibig, hanggang nasumpungang magsulat ng tungkol maiinit na paksa tulad ng aborsiyon, relihiyon, kapaligiran, hanggang sa politika.  Minsa’y mayroon akong mga ilang inilihis sa kinagisnang katanggap-tanggap na paksa na kung ituring ay bawal bilang bahagi ng eksperemento, ngunit sa natural ay bumabalik agad ako sa aking mga orihinal na istilo, paraan, paksa.  Sa pangkalahatan, ang aking malikhaing-pagsusulat ay tao.  Ibat-ibang aspeto ng tao, ugali, kilos.  Marami ang simple, may ilang malalim, mayroon tungkol sa kasalukuyang isyu pero karamihan ay tungkol sa tao pa rin. 

Labing-talong gulang ako ay nagsusulat na ako hanggang ngayong nakatawid na ako sa kalagitanaan ng aking buhay.  Mailalarawan ko ang aking pagsusulat na isang tapat, walang kinikilingan, orihinal na likha, hindi malaswa, at hindi propaganda.  Dumating man ang makabagong panahon, nananatili akong hindi lumilimot sa pamantayan, etiketa at sining ng pagsusulat.  Minahal ko ang gawain na ito dahil naging bahagi na ito ng aking puso, isip at buhay.  Nagsusulat ako dahil sa pagmamahal ko sa pagusulat kaya hindi ko ito kayang sirain, maliitin, bale-walain at balahurain.  Hindi ko ito ginagamit sa maling paraan upang magsinungalin, mangloko, makapanira at pagkaperahan.  Nagsusulat ako bilang hanap-ng-buhay at hindi bilang hanap-buhay.  Hindi ko ito ginagamit upang pagkakitaan, kung may natanggap man minsan ay hindi ko ito ginamit sa pansarili kong pangangailangan kundi ibinahagi ko ito sa iba.  Hindi ko ito ginagawa upang magsinungalin at pagkakaperahan tulad ng mga naglipanang bayarang pekeng manunulat ng mga propaganda.  Nagsusulat ako dahil ito ang gusto ko, ito na ang aking buhay at ito ang aking kalakasan at kagalingan.

No comments: