Friday, July 12, 2019

KWENTONG OFW (Tungkol sa Pera)


Karamihan sa mga overseas Filipino workers (OFW) ay napilitan magtrabaho sa ibang bansa dahil sa pangangailangan sa pera.  Mayroong mangilan-ngilan na ang dahilan ay upang maranasan lang ang buhay sa ibang bansa, ang maging malayo, maaaring may iniiwasan sa sariling bayan, walang makitang trabaho sa ating bansa at iba pa, pero halos lahat ang malaking dahilan ay dahil sa mas malaking pangangailangan sa pera.  Kaya habang nagtratrabaho sa ibang bansa, mahalaga na pahalagan ng isang OFW ang pera na kanyang pinaghihirapang kitain.  Hindi pangmatagalan at walang malakas na katatagan ang maghanap-buhay sa ibang bansa kaya mahalaga na maging matalino sa paghawak sa pera.  Hindi pare-pareho ang kapalaran ng mga kababayan natin sa ibang bansa, mayroong mapalad pero mayroon ding hindi kasing-palad na magkaroon ng kalakihan ang tinatanggap na pera.  Sa tagal ko na’ng nagtratrabaho sa ibang bansa, ibat-ibang klase na ng mga manggagawang-Pilipino ang aking nakita pagdating sa pera. 

Maraming kwento na nabuo at naging aral sa buhay ng mga OFW man o ng kanilang pamilya na iniwan sa Pilipinas.  Sa mga padalahan tuwing katapusan ng buwan, naaawa ako duon sa mga kababayan na nagkakataon na nakita o narinig ko ang maliit na halaga ng kanilang ipapadala.  Oo, tama na hindi mo mahuhusgahan ang isang bagay sa isang insidente lang ng araw na iyon.  Pero may mga pagkakaton na mararamdaman mo sa kilos nila ang lungkot at hirap sa kanilang maliit na swledo.  Naaawa ako kasi ramdam ko yung kailangan nilang ipadala ang halos lahat ng pera nila.  Iyung halos wala ng matitira na panggastos sa loob ng panibagong isang buwan para matugunan ang pangangailangan ng pamilya sa Pilipinas.  Iyung nag-aarimuhan ultimong huling sentimo ay hinahabol.  Naaawa ako sa kanila dahil maaawing hindi alam ng pamilya nila ang tinitiis na hirap nila makapagpadala lamang.  Sa isang banda, mayroon naman iyung may halong pagmamalaki, iyung gustong iparamdam ang estado nila, iyung ipinaparinig ang halaga ng kanilang ipapadalang pera lalo na kung may kalakihan.  Oo, maaaring minsan ay mayroon tayong kaunting kayabangan sa katawan at nauunawaan ko iyun dahil nakakaramdam ako ng ganun.  Maging paalaala na lang sa atin na huwag nating madalas gawin hanggang maging ugali natin ang iparinig ang malaking pera na ipinapadala natin.

Mayroon namang mga kababayan na kapag natanggap na ang sweldo ay makikita mo sila sa mga tindahan.  Muli, hindi natin masasabi ang buong istorya base lamang sa isang insidente lamang.  Hindi ko naman nasusundan araw-araw ang mga taong ito kung ganun ba ang kanilang pang-araw-araw na buhay.  Maaaring pinag-ipunan nila o nagkataon nuong araw lang na iyon sila bumili na nakita ko pa, o maaaring talagang marami lang silang pera.  Pero mayroon tayong mga kakilala na mahilig bumili ng mga gamit kapag natanggap na ang suwledo.  Iyung kapag may hawak na pera ay ubos-biyaya ang nagiging ugali.  Ang nangyayari ay takaw-mata na paglipas ng ilang sandali lang ay hindi na gagamitin ang binili dahil maaaring nag-sawa o hindi na kailangan.  At mayroon naman mga kababayan na ang dalang pera para sa kanilang taunang pagbabakasyon ay nauubos sa paggastos sa selebrasyon, paglalaboy, pagbili ng mga modernong gamit at pamimigay sa kamag-anak hanggang sa kailangan na nilang mangutang.  Sa laki ng naging utang nila nang sila ay nagbakasyon, sa kanilang pagbabalik sa trabaho ay parang ipinagtratrabaho na lamang nila na mabayaran ang kanilang mga nautang na dapat sana ay maaari na nilang maging ipon kung hindi lang sila nangutang.  Nagiging paikot-ikot na lamang ganitong sinaryo at ito na ang nangyayari taon-taon.

Hindi masamang gumastos para sa sarili dahil dapat lang na pasayahin mo ang sarili mo sa matagal na hirap at gusto mong maging memorable ang pagsasama-sama ninyo ng iyong pamilya.  At lalong hindi masama ang tumulong, pero kailangan mo ring pairalin ang pagiging praktikal – pangangailangan ba o kagustuhan mo lang ang gumastos, karapat-dapat bang magbigay ng pera sa kamag-anak o kaibigan?  Kung hindi ka naman nakakariwasang OFW, katulad ka rin ng karaniwang Pilipino na nagtratrabaho sa ating bayan na kinakapos at kailangang mag-ipon kaya dapat lamang na sinupin mo ang iyong pinaghirapang pera.  Ang ipinagkaiba mo lang ay mas mabuti ng konti ang iyong kinikita kaysa sa Pilipinas pero alalahanin mong mas malaki ang gastos at pangangailangan mo kaysa sa mga nasa Pilipinas kaya maging matalino ka sa paghawak ng pera.  Hindi lahat ng mga sumusubok magtrabaho sa ibang bansa na hindi makahanap ng trabaho sa sariling bansa ay mapalad na nabibigyan ng pagkakataon.  Ayusin mo ang paghawak ng pera.  Huwag mong hintayin ang araw na uuwi ka ng wala kang naihandang pera para sa permanenteng buhay mo sa sariling bansa.

No comments: