Monday, June 17, 2019

ANG AKING AMA (PARA SA ARAW NG MGA TATAY)


Ang mga kapansin-pansing katangian na nakuha ko sa aking ama ay ang kanyang pagiging tahimik, mapag-isa, at pagiging payak.  Kung minsan ay nagagaya ko ang kanyang pagiging makaluma pero magkaiba kami ng aking ama sa maraming bagay – sa pananaw, kasiyahan, at mga personal na pakikibaka sa buhay.  Sa aking pagkabata ay nariyan siya sa mga pangangailangan ng isang bata ngunit nang lumaki na ako ay bihira ko siyang mahingan ng tulong dahil naging mas gusto ko ang kumilos sa sariling paraan.  Memorable oo mayroon pero iyung maraming ala-ala ay hindi dahil hindi kami madalas nagkasama.  Marami kaming nalampasang mga bagay na maganda sana kung magkasama kami tulad ng pag-aaral ng paglangoy, pagbibisekleta, at mga leksyon sa eskwelahan.  Bilang ama sa isang anak, inasikaso niya ang paglaki at ang pag-aaral ko pero hindi kami iyung nagkakasabihan ng mga problema, mga plano sa buhay at pagpapalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga nangyayari.   Ipinagtitimpla ko siya ng kape, ipinaglalaba ng mga maong na pantalon, nang makapagtapos ako ng pag-aaral at makapagtrabaho, pagkakataon ko na sana na bumawi sa kanya upang maging malapit ang aming relasyon. 

Pero hanggang sa pag-aabot lamang ng kaunting pera ang naipapakita kong pagpaparamdam ng pagmamahal sa kanya.  Hindi naging makulay at mahigpit ang aming relasyong ama-anak dahil siguro sa pagiging mapag-isa at indipendiente namin.  Pareho kami kumikilos sa sarili namin kapag may problema ang isa.  Ewan ko, hindi ko mabasag ang pader na namamag-itan sa amin upang maging bukas ang loob namin sa isat-isa.   Nuong mga panahong ang aming pamilya ay may pinagdadaanan sa buhay, pagkakataon na sana iyun na maging malapit kami sa isat-isa sa na magkakadamayan at maipahayag ang mga sariling niloloob.  Marahil ay dahil na rin sa kahit nasa hustong-gulang na ako nu’ng panahon na iyun ay hindi pa hinog ang aking pag-iisip sa mga buhay-buhay.  Siguro ay dahil sa ugali namin na hindi masalita.  Kaya nang panahong bagsak na bagsak ako na naghahanap ng masasabihan ng bigat ng loob ay hindi ako makalapit sa kanya.  Hanggang pumanaw siya nang taon na yon sa edad na limampu’t walo nang hindi ko man lang nagawa ang gusto kong gawin sana sa kanya tulad patigilin na siya sa pagtratrabaho, isama sa paglalaboy, at ibili ng mga damit, sombrero at alpombra upang maging posturang-postura kapag nakatambay sa tindahan. 

At bagamat hindi kami iyung naghihingian ng tulong sa isat-isa ay marami rin naman naibigay na mga payo sa akin ang aking ama.  Marami siyang mga pangaral sa akin na nagagamit ko sa buhay ko ngayon tulad ng “huwag magpapaalipin sa tawag ng salapi”.  Totoo, ang mga bagay na binili mo sa pera na hindi mo pinaghirapan ay walang matagalang kasiyahang ibibigay sa iyo.  Sa huli, pagsisisihan mo kung bakit nagpatukso ka sa pera.  Matuto kang makuntento kung ano ang meron ka at huwag mong pilitin makuha ang hindi mo kaya.  Sa halip magpalakas ka muna upang makuha mo kung ano ang gusto mo.  Kung hanggang saang-layo man daw ang marating ng isang tao, maganda kung hindi siya magbabago kung paano siya nakarating sa kanyang kinalalagyan.  Ang aral na nakuha ko mga salita niyang ito ay iyung matutong maging mapagkumbaba.  Ang pagiging isang simpleng tao ay sa kanya ko natutunan.  Ang totoo, hindi ko talaga kailangan ang magarbong buhay.  Hindi ko kailangan ang luho, matutunan lang ng tao ang maging isang simpleng pamumuhay ay mawawala ang inggit, kasakiman at takot sa buhay. 

Naging isang halal na opisyal sa aming bayan ang aking ama, magkaganunpaman ay hindi niya pinanghimasukan at inimpluwensiyahan ang aking pananaw pagdating sa politika kundi hinayaan niya akong matiwasay at malayang pumili.  Sa sitwasyon ngayon ng politika sa Pilipinas na ang hindi naniniwala, hindi kapanalig at ang pumupuna sa pamahalaan ay binubusalan, pinagkakaisahan o kinikitil, sana ay pairalin natin ang pag-galang.  Sana ang mga nanumuno sa pamahalaan ay tulad ng aking ama na pinapahalagahan ang karapatan ng isang indibidwal dahil ang tao, gaano mo man pilitin o turuan, matuto yan kapag nakita na niya ang kamalian niyang ginawa.

2 comments:

clar said...

hello tatay sana healthy po kayo ,basahin to para sa good health ni family po.Sakit.info

Jap Alto said...





NegosyongPinoy.info