Sunday, September 26, 2010

KULANG SA BUHAY

“Naramdaman mo na ba na bigla kang nakaramdam ng matinding lungkot dahil naisip mo na ano ba ang nangyayari sa buhay mo? Yung damdamin na ramdam mo nakasimangot ka, pakiramdam mo may mabigat kang sinasaloob, at may malalim na dinaramdam. Yung parang may pinagdaraanan ka. Habang nalulungkot ako, naisip ko nga na nakahanda na akong mamatay. Kung nung oras na iyon ay kukunin na ako, payag na ako kasi parang wala naman malaking isyu kung mawawala na ako. Parang hindi naman talaga mahalaga kung naririto man ako. Parang wala na naman akong gagawin pa. Parang hindi na naman darating yung hinihintay ko. Tinatanong ko ang sarili ko kung ito na ba yung tinatawag na buhay? Kasi kung ito na yon, ayaw ko ng mabuhay kasi hindi naman pala ganoon kaganda ang mabuhay. Sana hindi na lang ako ipinanganak. Sana hindi ko na lang ako naging tao. Sana naging isang bagay na lang ako na walang pakiramdam. Sana kuhanin na lang ako ng Diyos.

Ito na ba yung papel ko sa buhay kaya ako ipinanganak? Kung yun na nga, iniisip ko na yun lang pala ang magiging buhay ko. Sasaya pa ba ako, matutupad ko pa ba yung pinakamimithi kong pangarap? Kung makakamit ko man yon ay kaunting panahon ko na lang iyon na mararanasan. Kasi kaunting taon na lang naman ay naruon na ako sa edad na mamamaalam na pero naging masaya ba ako? Buong panahon ng pagtatrabaho ko ay nagpapakahirap ako pero hindi ko maramdaman ang balik sa akin ng pinaghihirapan ko. Parang hindi ko mararanasan ang mabuhay ng nakaaririwasa, panatag ang isip at nagpapakasaya sa buhay. Hindi ko rin matagpuan ang taong magpaparamdam sa akin ng pagmamahal. Yung magbabalik sa akin ng pagmamahal na ibinibigay ko. Yung magpaparamdam sa akin na isa rin pala akong tao na maaaring mahalin.


Bakit kaya ganito ako? Bakit kaya hindi ko pa matagpuan ang totoong kaligayahan, katahimikan at katotohanan? Ang hirap ng may gustong-gusto kang gawin pero hindi mo magawa kasi mahina ka. May gusto kang kunin pero hindi mo mamakuha kasi mahina ka. Nakaka-panlumo na hindi mo makuha yung gusto mo. Yung bagay na matagal mo ng gustong gawin o makuha, kapag dumaan ang matagal na panahon na hindi mo magawa o makuha ay nakakalungkot, nakakasakit ng loob, at nakakapanghina ng loob. Minsan nalaman mo na ang dahilan kung bakit hindi mo magawa – mas nasasaktan ka dahil hindi mo kayang gawin yung dahilan kung bakit hindi mo magawa. Kung mayaman lang ako, makukuha ko ang taong gusto ko, mabibili ko ang bagay na gusto ko, magagawa ko ang gusto ko.


Minsan naman, may nakikita kang mga tao na sinusuwerte pero ang pagkakaalam mo naman ay hindi karapat-dapat. Kasi alam mo naman na kung sa pagiging isang mabuting tao ay nakaa-angat ka naman sa kanya. Eh sinaktan ka nga niya, tapos eto siya pinagpapala pa. Minsan may nalalaman ka pa na may mga taong may kayabangan, may inargabiyadong kapwa, nakikiapid sa hindi asawa, pero yung gusto nilang mangyari ay nanyangyayari sa kanila. Bakit ako matagal ng naghahangad ng magandang bagay pero hindi ko makuha? Yung iba, dinadatnan pa nga mga pagkakataon kahit hindi naghahanap. Ang dali nilang makuha ang gusto nila – nakakapag-damdam. Hindi ba ako pinagpapala kasi nabubuhay ako sa kasalanang hindi ko kayang iwasan? – mas nakakapag-damdam.? Wala naman akong naiisip na mabigat na kasalanang ginawa para parusahan ng ganito.


Lagi naman ang sagot diyan ay ang Diyos. Ayaw ng Diyos dahil hindi para sa iyo. Ayaw ng Diyos dahil hindi mo kailangan yon. Ayaw ng Diyos kasi may naka-laan para sa iyo. Ayaw ng Diyos dahil hindi pa ngayon. Pantay-pantay lang ang ginagawa ng Diyos. Ewan ko, pero hindi ko lubos maisip kung yung lumilipas na mga panahon na hindi ko mapagsasaan ang makukuhang kaligayahan sa gusto kong magawa ay kayang tumbasan ang ligayang makukuha ko kung magagawa ko ang gustong-gusto kong gawin sa darating na panahon. Iniisip ko na lang: bakit hindi, walang imposible sa Diyos”.



Alex V. Villamayor
August 23, 2010

No comments: