Tuesday, September 28, 2010

HANGGANG SAAN, HANGGANG KAILAN?

Minsan kapag nabigo ka sa isang bagay, para magkaraoon ka ng pampalubag-loob ay iisipin mo na lang na hindi pa siguro panahon, maghintay lang dahil sa tamang panahon ay ibibigay din ang iyong hinahangad, siguro’y mayroong mas magandang ipagkakaloob sa iyo kaya hindi ibinigay sa iyo ang hinihingi mo, at kung anu-ano pang pampalubag-loob sa sarili. Pero mararamdaman mo at magtatanong ka… teka muna, ano na ba ang nangyayari? Kapag nainip ka na, mapupuna mo na bakit wala pa. Nasaan na ba yung sinasabing mas magandang mangyayari na ipagkakaloob sa iyo? Kailan ba darating yung sinasabing tamang panahon? Hanggang saan ang pagtitiis, hanggang kailan magtitiis?

Nuon ay nabigo ako sa hinihiling kong makalipat ng ibang trabaho na magbibigay sa akin ng mas malaking pagkakakitaan. Kung hindi ukol ay hindi bubukol, tinanggap ko ang kasabihang iyon. Mahigit dalawang taon mula nuon, nagkaroon ako ngayon ng pagmumuni-muni. Mula nuon hanggang ngayon ay walang malaking ipinagbago sa buhay ko. Siguro kung natuloy ako nuon – sa loob ng mahigit dalawang taon ay malaki na ang naipon ko. Siguro gumanda na ang kalagayan ko sa buhay kumpara sa tiniis kong paghihintay habang nasa kasalukuyang tabaho na walang malaking ipinag-bago ang kabayaran na nakukuha ko. Kung pinag-bigyan lang siguro ako nuon na makalipat duon ay malamang kaysa sa hindi ay mabibili ko na ang bahay at lupa na pinapangarap ko. Bakit hindi? Talaga naman nananagana hangang ngayon ang trabaho sa aking hiniling na paglilipatang trabaho. Pero parang ayaw akong paunlarin, parang winasak nila ang aking pangarap – hindi ako pinagbigyan sa kabila ng katotohanang karapat-dapat ako sa trabaho. Hindi naman ako naghangad na makapunta duon para maki-ambon sa grasyang tinatamaasa duon. Paghihirapan ko naman sa pamamag-itan ng pagtratrabaho hanggang gabi at walang tigil na pahinga ang pagkakakitaan ko duon. Kung kailangan kong pagpaguran ang aking kayaman na hindi ko nararanasan sa kasalukuyan kong trabaho, gagawin ko ang sinabi kong paghihirapan.


Kung minsan ay para bang tinutukso ka pa ng pagkakataon. Kung hindi talaga para sa iyo ay hindi mangyayari. Ilang beses na itong nangyari sa akin na parang tinutukso lang ako ng kapalaran. May ilang pagkakataon akong naghanap ng trabaho sa ibang bansa ngunit kung kailan hindi ako maaaring umalis at magpunta sa kanila ay saka nila ako sinisikap na kuhanin. May pangyayaring inargabiyado ako – nuon sana’y nakuha ko ang trabaho na gusto ko kasabay na nai-angat na ang aking posisyon sa trabaho kung hindi lang pinigilan ng taong Nakatataas sa akin sa kadahilanang hindi daw pinahihintulutan na mangyari iyon base sa senaryo. Ngunit nang mapunta ulit ako sa kaparehong senaryo na makuha ang trabaho na gusto ko kahit hindi ia-angat ang posisyon ko sa trabaho ay hinayaan na ako nung Nakatataas sa akin, hindi lang isang beses kundi sa dalawang magkatulad na senaryo. Kamakailan naman ay mayroon akong hinihintay na mangyayari hanggang sa magdesisyon akong tanggapin na ang kasalukuyan kong tabaho. Kung kailan naman ako nakapagdesisyon ay saka naman dumating ang pagkakataon sa isang mas malaking pagkakakitaan na trabaho ngunit hindi ko na matatanggap dahil nakapagbigay na ako ng palabra-de-honor sa aking kasalukuyang trabaho.


Bakit hindi ko makuha ang gusto ko? Meron ba talagang tinatawag na “Anak ng Diyos”? Naiinis ako sa palakasan at paboritismo, kasi nakakasira sila ng pangarap ng isang simpleng tao ngunit mas karapat-dapat. Nagtatanong ako sa Diyos kung bakit hindi Niya ako pinagbibigyan sa aking mga hinihiling. Siguro ay makasalanan ako kaya ayaw Niya akong pagbigyan. Hindi ako matuwid na tao, may mga kasalanan ako, may mga kahinaan ako na hindi ko maalis hanggang ngayon. Pero iyun kaya ang mga dahilan kung bakit ayaw pang ipagka-loob ang aking mga hinihiling? Kung minsan parang hindi patas dahil mayroon akong nakikita na mga tao na hindi naman maganda ang ginagawa sa buhay pero sila pa iyong nagpapakasasa sa buhay, patuloy na nananagana, tumatanggap ng pagpapala, at gumaganda ang kapalaran – yun bang umaayon sa gusto nila ang mga nangyayari sa kanila. Ang dami kong nababalitaan na mayroong masamang ugali, nagtataksil sa asawa, oportunista, mapang-lamang sa kapwa, mataas ang tingin sa kanilang sarili, nanloloko sa pinagkakautangan – pero nasa magandang kinalalagyan ang kanilang buhay at trabaho. Hindi lang sa ngayon kundi matagal na nilang pinakikinabangan at tinatamasa ang kaginhawahan at tamis ng buhay.


Sa nalalabi ko pang panahon, makamit ko man ang aking mga hinihiling ay sasandali ko na lang iyon mapapakinabangan. Samantalang mayroong mga mas bata sa akin na nagpapakaligaya na sa buhay, matagal ng nagpapakaligaya sa buhay, at matagal pang magpapakaligaya sa buhay. Ako, kung hindi ipagkakait sa akin ang magpaligaya sa buhay ay ilang sandali na lang ang gugugulin ko upang magpakaligaya sa buhay na pinagarap ko – patas ba yon? Siguro ay oo, pero hindi ko mapapatunayan dahil wala akong kakayahan na alamin ang punot-dulo ng buhay ng mga tao upang maikumpara ko ang aking sariling pinagdaraanan.


Alex V. Villamayor

September 2010

No comments: