Sa pagmamahalan, mayroong hindi pangmatagalan.
Sumusuko ang isa sa pangakong magsasama habang buhay.
Hanggang wala kang magawa
kundi tanggapin ang paghihiwalay.
Napakasakit ang iwanan ka ng taong pinakamamahal mo
at isiping wala na siya at nag-iisa ka na.
Dahil nang magsimula kayong dalawa
ay inisip mong kayo ang magkasama hanggang sa huli.
Dahil iniisip mong hanggang sa pagtanda ninyo ay magkasama kayo.
Iyung naiisip mong darating ang araw pareho na kayong matanda na
at ang mga bata ay may kanya-kanyang buhay na.
Nagsimula kayong dalawa at matatapos nang kayong dalawa.
Pero minsan hindi ganun ang nangyayari.
Minsan yung mga plano ninyo ay may balakid.
Ang hirap at ang sakit tanggapin
Hindi ba nangako kayong dalawa?
Sa hirap at ginhawa, sa sakit at saya
ay ipaglalaban ninyo ang pag-ibig sa isa’t-isa?
Natatandaan mo pa nuong kayo ay nagsisimula.
Kahit mahirap ang buhay, sige lang para itaguyod ang pamilya.
Magkasama ninyong binubuo ang mga pangarap ninyo.
Sabay ninyong ginawa para makuha ang mga iyon.
May mga araw na parang nanghihina kayo sa isat-isa.
Dumadating ang pagkakataon na parang napakahirap.
May mga pagsubok na parang hindi mapagtatagumpayan.
Minsan ay nagkakamali ang isa sa inyo.
Pero mananaig ang damdaming huwag isuko
ang pagmamahalan at panahon na binuo.
Sa paniniwalang malalampasan ninyo ang lahat
Dahil nagmamahalan kayo nang tapat.
Pero ang lahat ay may hangganan
kahit ang pagmamahalang akala mong pangmatagalan.
Mayroong aalis at mayroong maiiwan.
Dumarating sa puntong may magpapalam.
Hindi bale sana kung ito’y pansamantalang hiwalayan
na kung magkaunawaa’y itutuloy ang pagmamahalan.
Pero kung kamatayan ang nagpahiwalay
lalo na kung ito ay napakaaga para may mawalay,
paano mo matatanggap ang pagsubok ng buhay?
Hindi ito ang inaasahan ninyo.
Ang pagkakaalam ninyo ay sabay kayo
kapag ang mga bata ay maaari ng iwanan.
Ngunit sa paglisan ng isa ay nabawasan
ang lakas ng pangarap na maisakatuparan
ang mga pangarap na inyong sinimulan.
Masakit kapag ang pag-ibig ay natapos nang sandali lang.
At mas masakit kapag ang tumapos ay kamatayan.
Ngunit kung ang puso mo ang iyong paniniwalaan
upang ipakita ninyo ang dakilang pagmamahalan.
Sa hindi mo muling pag-ibig iyong mapatunayan
dahil ang pagmamahal mo ay walang hanggan.
Mahalin mo lang ng mahalin ang taong mahal mo
at huwag mong sasaktan.
Dahil hindi mo alam kung hanggang kailan
maaari mo siyang makasama.
No comments:
Post a Comment