Wednesday, July 22, 2020

ANG TOTOONG NAGMAMAHALAN


Kapag nagmahal ka, kaya mong umunawa at magpatawad kapag siya ay nagkasala kahit paulit-ulit.
Kapag paulit-ulit kang sinasaktan, at pulit-ulit mong pinapatawad – mahal mo kasi.
Ngunit kapag paulit-ulit niyang ginagawa – ikaw na lang ang nagmamahal dahil sarili na lang niya ang kanyang mahal.

Ang pagmamahalan ay laging pangdalawahan.
Hindi puwedeng isa lang, dapat kayong dalawa.
Ipaglaban ninyo ang inyong pagmamahalan.
Lahat ng pagmamahalan ay mayroong pag-aaway
dahil masasaktan at masasaktan ka niya kahit hindi sinasadya.
At ikaw rin, makakagawa ka ng mga bagay na ikasasakit niya.
Pero kung palaging ikaw o siya ay nasasaktan
Isipin mo kung kaya pang pagtiisan.

Kung kaya mong tanggapin ang anoman sa kanya
o mahal ka niya maging sino ka pa,
bakit hindi ninyo maidadaan sa pag-uusap
ang inyong hindi pagkakaunawaan?
Huwag mong samantalahin at abusuhin ang pagmamahal
o huwag mong sakalin hanggang magipit ang iyong minamahal.

May ipapabago siya sa iyo, ganun ka rin sa kanya.
Hanggang may mapagkasunduan kayo.
Huwag magsalita ng tapos at hindi mapaninindigan.
Dahil baka ikaw ang talo kapag kayo’y nag-away.
Maaaring mali siya, at may pagkakamali ka rin.
Magpatawad at kalimutan,
magbago at huwag ulitin.

Hindi mo sasaktan nang paulit-ulit ang taong mahal mo.
May mali kapag paulit-ulit.
Kung paulit-ulit, hindi kayo natututo.
Kapag nag-aaway, hindi yan magkasundo.
Kapag hindi magkasundo, hindi yan magkabagay.

Pag-usapan ninyo ang pagkakaiba ninyo, at magkasundo kayo,
at tuparin ninyo ang pinagkasunduan ninyo para maging magkatugma kayo.
Kapag alam ninyo kung ano ang inyong pinag-aawayan, bakit paulit-ulit lang?
Sa maliliit pero madalas na pagtalunan, kaya ninyong magbago.
Maliit man pero kapag madami, ang sakit ay lalong sasakit
dahil hinihiwa lang ng paulit-ulit ang hindi pa naghihilom na sugat.
Kung iyung maliliit ay hindi ninyo mapagkasunduan
paano pa kaya kung malaki ang dumating?

Pero wala sa liit o laki ay kaya mong magsakripisyo.
Dahil kapag nagmamahal ka, kaya mo ang magbago.
At kung ganuon din ang kayang pananaw,
walang magiging paulit-ulit na pagkakamali at pag-aaway.

Kung sa atin lang, kaya natin ang magtiis, masaktan, at ibaba ang ating sarili
dahil nagmamahal tayo.
Dahil duon tayo sumasaya, kapag nakikita nating napasaya natin ang taong mahal natin.
Pero may hangganan ang lahat.
Lagyan mo ng limitasyon ang iyong pagmamahal.
Kailangan mong magtira sa sarili mo kahit konti
dahil nagiging talunan, kaawa-awa, at mahina ka.
Kailangan mo munang mahalin ang sarili mo
para mahalin ka rin ng iba.
Kung hindi mo mahal ang sarili mo,
paano kang bibigyang-halaga ng ibang tao?
Kaya nga paulit-ulit ang pagkakamali niya ay hindi ka niya binibigyang-halaga.
Dahil kapag mahal mo, mahalagang hindi mo siya sasaktan.
Bigyan mo ng respeto at pagpapahalaga ang sarili mo
para respetuhin ka rin ng ibang tao.

Maaaring mahal ka niya, pero hindi sapat o hindi totoo.
Dahil ang totoong pagmamahalan, walang pagsasakitan.

No comments: