May
dalawang tagalog na kanta patungkol sa ugali ng mga tao na huwad na pagpapakabait
ang sumikat nuong araw na nagmarka sa aking isipan. Nuong dekada otsenta,
naging palaisipan sa aking isip ang mga tanong kung sino ang dakila at ang
tunay na baliw sa isang kanta na tungkol sa mga taong mapagbanal-banalan ngunit
sa kalooban naman ay mayroong masamang ugali. Nuon namang dekada noventa
ay isang kaparehas na awit ang tumalakay tungkol kaparehas na ugali ng mga
taong mapagpanggap na mabait na ihinalintulad sa banal na aso at santong
kabayo. Higit pa sa pagiging relihiyoso, matulungin, at palangiti, ang
kahulugan ng mabait ay hindi nasusukat sa nakikita at naririnig natin tungkol
sa isang tao. Malalim at malawak na pang-unawa ang kailangan sa pagsukat
sa pagiging tunay na mabait ng isang tao dahil makahulugan at makabuluhan ang
pagiging mabait. Ngunit sa mga maliliit o simpleng pangyayari ay
makikilala natin ang tao kung sino talaga ang dakila, ang tunay na baliw, ang
banal na aso at ang santong kabayo.
Sabi
nga sa mga kanta, may mga tao na palasimba o pala-sambit ng rosaryo ngunit
paglabas ng simbahan ay pala-mura o sinungalin din naman. Hindi ka man
maituturi na relihiyoso o hindi maalam sa mga tamang etiketa sa buhay ngunit
kung wala kang pag-iisip ng negatibo, hindi mo pinag-dududahan nang
masama ang ibang tao, walang pagtatanim ng galit sa kapwa at ayaw mong
makakasakit ng kapwa – maituturi kang mabait na tao. Hindi ka man maalam
sa mga salita ng iyong banal na aklat, pala-punta sa sambahan, at tumutugon sa
panawagan ng simbahan ngunit wala kang nilalamangan at hindi mo ginagamit sa
pansarili mong interes ang iyong kapwa – di hamak na ikaw ang mas mabuting
makipagkapwa-tao. May mga taong aminadong madasalin, may takot sa Diyos
at loyalista sa kanyang relihiyon ngunit kung likas na matalas ang iyong
pananalita, mahilig makialam, mapolitiko, mapaghiganti, mapang-husga at
mapagdikta ng kung ano ang gusto – paano masasabi na isa kang mabait na tao?
Nakakakita
tayo ng mga tao na mahilig sa paggawa ng paraan upang makatulong sa mga
nangangailangan at kinatutuwaan natin ang mga taong ganuon dahil sa kanilang
kabaitan. Dahil karamihan sa kanila’y maraming kaibigan, kasama at
kakilala, suriing mabuti kung ang ginagawa nila ay totoo pa rin o para na lamang
maisagawa ang pagkahilig sa maraming tao, kasiyahan, at kasikatan. Sa
kabilang dako, may mga tao naman na tahimik lamang sila sa buhazy ngunit hindi nangangahulugang
wala silang pagmamalasakit sa kapwa, wala silang paki-alam sa kapwa, walang
pakikipagkapwa-tao o pakikisama. May mga tao lang talaga na likas na
tahimik, hindi marunong o may kahinaan sa pagbuo ng isang gawain para
makatulong sa mga nangangailangan, o hindi lang mahilig makihalobilo sa marami.
Ngunit sila ang kapag gumawa ng kawang-gawa ay hindi maingay sa pagtulong,
hindi ipinakikita o ipinaaalam sa mga kaibigan at kasamahan, totoong pagtulong
at walang bahid ng pagpapakitang-tao, pagpapasikat o may pansariling interes
lamang. Sabihin mang tahimik o walang kang inisiyatibo na pangunahan ang
paggawa ng paraan upang makatulong ngunit kapag nariyan na ang pangangailangan,
kapag nagkaroon ng pagkakataon at may kakayahan naman ay hindi ka na
naghihintay ng ibang tao at ikaw na ang nagkukusang tumulong at nakikiramay –
ikaw ang mas mabait kaysa sa mga nagpapanggap na matulungin.
Nabanggit
sa kanta ang mga yaman na laman ng nasa loob ng gintong baul at ang mga
salaping hinihigan ngunit kung ang mga ito ay nakamit sa marumi at maling
paraan, ang mga ito ay walang saysay sa tunay na yaman ng ating pagkatao.
Walang kuwenta ang mga naiipon mo kung ang mga ito ay galing sa maling
paraan. Marami sa atin na dahil sa kahirapan o kung minsan ay hindi naman
naghihikahos sa buhay kundi dahil gusto lang kumita ng pera para sa luho at
pangarap ay gumagawa ng mga paraan upang magkapera sa hindi patas na
paraan. O di kaya’y sa kagustuhan nating maibigay ang kaligayahan ng
ating pamilya at maipatikim sa kanila ang karangyaan ay naiisip nating gumawa
ng mali. Kung para magkapera ay nanloloko ka ng tao o kumpanya, o di kaya ay
pumapasok ka na sa ilegal na gawain,– mahirap sabihing mabuti pa rin ang iyong
ginagawa kahit na ang iniisip mo ay para sa kasiyahan man ng ibang tao.
Sa tuwina, ang pagiging simple ang paraan upang makaiwas sa mga mali at
kasalanan. Bukod sa naguudyok ng kayabangan at pagiging makasarili, huwag
mong bigyang importansiya ang luho, mga materyal na bagay at huwag mong
pamihasahin ang mga taong mahal mo sa buhay sa mga makamundong bagay dahil
nagtutulak ito sa iyo na gawin ang higit sa nararapat. Kung simple lamang ang iyong panuntunan, hindi
ka mapipilitang kumapit sa patalim upang mairaos mo lamang ang kasiyahan mo sa
kaluhuan.
Ni
Alex V. Villamayor
July
4, 2016
No comments:
Post a Comment