Sunday, September 25, 2011

MGA TAONG LOYALISTA

Sa pangkalahatan at sa pangkaraniwan, ang isang loyalista ay ang tao na nagpapanatili ng kanyang katapan sa mga bagay na tulad ng pamahalaan, pulikita, relihiyon, kompanya at kapwa.  Sila ay kilala na tapat sa kanilang katapatan na tagasunod, tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng mga nabanggit na bagay.  Ito ay kapuri-puring katangian dahil sa kanyang ipinakikitang katapan, paninindigan at paniniwala na hindi basta-basta matitinag at mabubuwag.  Ngunit sa isang banda, nagiging mali ang pagiging loyalista kung sa kabila ng katotohanang may kamalian na sa mga bagay na nabanggit ay patuloy pa rin niya itong kunukupkop, inililigtas at iniaangat.

May mga tao na labis kung magturi sa isang tao: idolo, kaibigan o kakilala.  Kung kanyang banggitin, purihin at kilalanin ang mga kagandahan, kagalingan at katangian ay parang wala itong kapintasan.  Mas sikat at mas magaling ang kanyang idolo, mas matalino at mas mabait ang kanyang kaibigan, at mas mayaman ang kanyang kakilala kaysa sa iba – ganon siya kung magdakila sa isang tao.  Nakahanda siyang salungatin ang anumang maririnig niyang hindi maganda laban sa mga tao na pinagkakatapan niya.  Ang mali pa dito ay sinoman na hindi humahanga sa kanyang idolo ay hindi na niya binibigyang saysay, halaga at itinuturi niyang hindi magaling.

Kung ang kanyang pagiging loyalista naman ay nakatuon sa isang samahan o kumpanya, lahat ng pagmamalasakit at proteksyon ay ibinibigay niya dito alang-alang sa ikabubuti ng samahan o kumpanya.  Gagawin niya ang magproteksiyon anuman ang maidudulot nito sa iba.  Pinakikisamahan niya ang mga taong naglilingkod ng maganda sa samahan.  Pinapagaling niya ang mga taong pinahahalagahan at pinupuri ang kanilang samahan na tulad niya.  Ngunit sa sandaling umalis ang isang tao sa samahan nila ay simula na rin ng kanyang pagkadisgusto sa mga taong iyon.  At sinoman ang kumalaban sa samahan nila, mapaloob man o labas ay tinaniman na niya ito ng sama ng loob at galit.

Nakikita at naririnig natin kung paano ipagtanggol ng mga tao ang ilang politiko na sa kabila ng mga ginawang kamalian ay nakukuha pa rin nila itong ipagtanggol at suportahan.  Pilit pa rin silang gumagawa ng dahilan at pinalalabas ang kadakilaan ng mga politikong ito na nagtaksil sa bansa at nanloko sa taong-bayan.  Ginagawan at binibigyan pa ng katarungan mapalabas lamang na tama, magaling at mabuti pa rin ang kanilang kinikilala.  Mistula na silang mga “bayaran” at “linta” na nakakapit-tuko sa laylayan ng palda ng kanilang iniidolong tao.  Anuman ang mangyari ay magaling para sa kanya ang tao, bagay o samahan na kanyang gusto.  Para sa kanya ang paborito niya ang pinaka sa lahat – ganun ang isang loyalista.

Karapatan ng sino mang tao ang pumili at maging tapat sa anomang bagay.  Ngunit kapag nagiging masyadong nakatuon na ang pansin sa iisang direksyon na lamang, kapag hindi na tumatanggap ng paliwanag at kapag nagiging makiling na nagpapakita ng hindi pagiging patas ay kailangan ng itigil ang pagiging loyalista.  Kapag ang katapatan, pananaw at paninindigan ay nasa isang bagay lamang na nagiging sarado na ang kanyang mata sa pagkilala sa kanyang pinapaniwalaan at isip sa pagtanggap ng opinyon ng iba sa kabila ng lahat ng pagkakamali niya – iyun ang malaking pagkakamali sa pagiging loyalista.  Kung sa kabila ng kanyang kamalian ay nananatiling nagmamatigas pa rin siya sa kanyang ginagawa, hindi iyun paninindigan kundi isang kamalian at kawalang ng katarungan.

Walang masama sa pagiging loyalista ngunit kailangang mayroong limitasyon na maghihiwalay sa paggalang sa kapwa at respeto sa sarili.  May kanya-kanya tayong prinsipyo na dapat igalang ng sinoman.  Kung hindi magkatulad ang inyong prinsipyo, hayaan mo lang ito hanggat hindi ito nakakapwerwisyo sa kapwa.  May kanya-kanyang personal na karapatan ang isang tao kung sino ang dapat gustuhin at piliin, kung ano ang dapat gawin, at kung bakit kailangan niyang maging loyalista.  Ang mahalagang isaisip lamang ay ang pagiging patas at hindi nakakasabagal sa iba.


Alex V. Villamayor.
September 24, 2011

No comments: