Paano
kung isang araw ay biglang sinabi ng mga kapatid nating Muslim sa Gitnang
Silangan na kailangan nilang piliin ang mga papasok at magtratrabaho sa
kanilang bansa? Nang marinig ko ang
“balitang” ito may dalawang araw na ngayon, bigla kong naisip ang katanungan na
ito: paano nga kaya kung sinabi nila na ang mga hindi Muslim ay kailangang
paalisin na? Dahil bilang mga bansang Muslim,
karapatan at tungkulin nilang panatilihin at proteksiyunan ang kasagraduhan ng
kanilang lupa sa pamamag-itan ng paniniwala nilang kailangan malinis at naaayon
ang sino mang paparito sa bansa nila upang hindi madungisan ng ibang
paniniwala.
Bilang
isang Kristiyano na naririto sa bansang-Muslim, isa ako sa mga madadamay kapag
nangyari nga ang ganuong sitwasyon. Marahil
ang marami sa amin ay hindi handa sa ganitong kaganapan, kahit na yung ibang lahi na nagpunta rito upang magtrabaho. Maaaring ang karamihan sa amin ay hindi
papayag na lisanin ang kanilang trabaho na pinagkakakitaan nila ng malaki at bumubuhay
sa kanilang pamilya sa. Dahil
ang totoo naman kasi nito ay kailangan nila ang trabahong binabayaran ng malaki
na hindi makikita sa sariling bansa.
Wala na ngang trabahong makita kaya sila umalis sa bansa nila at hindi
nila kayang kitain sa bansa nila ang kinikita nila dito sa Saudi Arabia.
Ito
ang madalas kong ipunto nuon sa mga kaibigang nakaka-usap ko na kailangan
namin sumunod sa batas dito at igalang ang kanilang paniniwala. Madalas ko kasing marinig nuon sa mga nagiging
bagong kasamahan ko dito sa Saudi Arabia, at kahit na yung mga dito na tumanda,
na sinasabi nilang kailangan ng maging bukas na bansa ang Saudi Arabia. Na kailangan ay payagan nang maykaroon ng simbahan
ang mga Kristiyano, bukas sa pagkakaroon ng kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin
tulad ng Paniniwala, kultura at tradisyon. Magkaroon ng kalayaang magkasalamuha at magkadaupang-palad
ang mga lalaki at babae sa iisang pagtitipon, pagkakaroon ng kalayaang
makapag-libang sa pamamag-itan ng pag-inom ng alak o sugal. Ang madalas kong sabihin nuon sa kanila –
hayaan na nila ang mga iyon dahil iyun na ang kanilang paniniwala at kaugalian
ilang libong taon na ang nakakaraan. Sana
kung ano ng narito at kung ano ang dinatnan nila dito ay hayaan at
igalang na lamang. Ang paniniwalang
kailangang putulin sa simula pa lamang ang magiging ugat ng kamalian, bakit pa papayagan
na magkaroon ng magiging ugat ng pinapaniwalaan nilang mali, kung kaya hindi
nila pinapahintulutan ang mga nabanggit – ito ang isa sa mga hinahangaan kong
paniniwala ng mga Muslim dito sa Saudi Arabia.
Nuon
ko pa sinasabi sa mga kaibigan kong mayroong mga sentimientong tulad nito na sa
Pilipinas pa lamang ay alam na naman nila na ang pupuntahan nilang bansa ay
ganito, kailangan na nilang tanggapin pa iyun bago sila magpunta dito. Unang una ay bakit ka pa nagpunta kung hindi pala trabaho ang sadya mo kundi pakikipaglaban sa adbokasiya mo o kaya ay ang pagsasaya? Bilang isang hindi Muslim, wala tayo sa
posisyon na magsabi na hindi tama ang mga iyun at ang dapat ay ganito ang mga
tamang gawin. Hindi ganuon kasimple ang
usapin na ito na panahon pa ng isinusulat ang Bibliya ay pinagtatalunan na –
ganuon ito kalalim na usapin. At saka
bilang panauhin lamang, hindi tayo dapat mag dikta ng mga dapat mayroon at
gawin dito sa bansang ito. Mabuti nga at
pinapayagan tayo na makapunta dito dahil kung tutuusin ay hindi nila tayo
katulad. Kung iniabot sa iyo ang kanang
kamay, huwag mo ng sunggaban ang kaliwa.
Ang
madalas sabihin ng ilang kapatid sa Pananampalataya, walang pinipiling lugar
ang pagdakila sa Panginoon. Ang sabi,
kung talagang malakas ang iyong pananampalataya ay kahit kamatayan ay haharapin
mo maihayag lamang ang mga salita ng Diyos, maipakita at magampanan mo lamang
ang iyong pananampalataya. Sa palagay ko
ay hindi kataksilan ang hindi magsagawa ng paniniwala kung alam mong ikaw ay
nasa isang lugar na walang kakayahang isagawa ang mga iyon. Hindi kataksilan sa iyong pananampataya kung
hindi mo magampanan ang iyong tungkulin na magpakita ng pagsamaba dahil alam ng
Diyos kung ano ang nangyayari sa iyo.
Hindi mo kaya huminga sa ilalim ng dagat kundi ang kailangan mo ay
lumangoy papaitaas.
Hindi
naman sa sinasabi kong wala akong pagpapahalaga sa relihiyon na aking
kinaaaniban. Hindi ko sinasabi at
sinasang-ayunan ang hindi pagsamba, pagdakila at pagkilala sa Diyos na aking
kinikilala. Ang gusto kong ipaliwanag at
ipaalam ay kung ano ang nasa isip, kalooban at puso mo ay alam ng Diyos
lahat. Alam Niya kung ano talaga ang
nararamdaman mo kaya hindi maaaring sabihin nino man na wala kang pananampalataya. Kung pumapabor sa iyo ang pagsupil ng
pananampalataya mo dahil nabibigyan katarungan ang iyong kawalang interes na
magpahayag ng paniniwala at nagiging dahilan upang maging malibre ka – iyun ang
toong kasalanan.
Alex V. Villamayor
September 5, 2011
No comments:
Post a Comment