Sunday, August 14, 2011

ANG LABAN NI FPJ

Nang magdaos ng pang-panguluhang halalan sa Pilipinas nuong 2004, naging mahigpit ang labanan ng dalawang pangunahing kandidato mula sa pangangampanya hanggang sa halalan.  Sa umpisa pa lamang, pinaboran na ang malaking pagkakapanalo ni FPJ dahil na rin sa lakas ng kanyang karisma sa nakararaming taong-masa at popularidad sa pulso ng bayan mula sa kabataan hangang sa nasa kalagitnaan ng buhay ng mas nakararaming mahihirap kaysa sa mga nasa alta-sosyedad.  Subalit nang dumating ang bilangan ng mga boto, habang lumilipas ang mga araw ay unti-unting umungos at umalagwa ang mahigpit na kalaban mula sa pangalawa.  Hindi ang pulso ng bayan ang titingan at binibilang sa botohan kundi ang totoong bilangan ay ang balota.  At ang kinalabasan ng halalan ay nagwagi ang matinding kalaban ni FPJ sa isang maliit na pagkakapanalo lamang.

Nuon pa man ay nanininiwala na akong si FPJ ang nanalong pangulo ng Pilipinas.  Bagamat karaniwan ng sinasabing lahat ng natalo ay dinaya, sa pagkakataong iyun ay naniniwala akong nagkaroon ng malawakang pandaraya.  Hindi ako maka-FPJ at hindi ako naka-boto dahil nasa labas ako ng bansa ngunit kung boboto ako ng panahong iyun ay hindi siya ang aking ihahalal kundi ang isang lalaking ekonomista o ang isang dating pulis.  Hindi sa dahil wala akong kumpiyansa kay FPJ kundi dahil unang-una, mayroong mas nakahihigit sa kanya kung ang pag-uusapan ay ang karanasan sa politika.  Ikalawa ay ang kakahayan bilang isang pangulo.  At ikatlo ay ayokong mabahiran ng dumi ang kanyang magandang imahe at matulad siya sa mga naunang malinis sa umpisa ngunit nagbago kinalaunan.

Ngunit malakas pa rin ang paniniwala kong siya talaga ang nagwagi dahil sa umpisa pa lamang ay mayroon na akong nakikitang mga palatandaan at katangian na siya talaga ang nanalo.  Mahirap magsabi ng walang pinaghahawakang katibayan, ngunit ang tulad kong pangkaraniwang mamamayan ay wala sa posisyon para magkaroon ng panghahawakang katibayan.  Sa mga nakalipas na karanasan ko, nalalaman ko agad sa nakikita kong sitwasyon at kilos ang katangian ng isang mananalo.  Nakita ko ang mga palatandaan na iyun mula kay Pres. Cory, Pres. Erap at Pres. Noynoy.  Ang kandidatong nanalo sa kalakhang-Maynila ay ang siyang nanalong Pangulo.  Ang popularidad, karisma at pangununa sa pulso ay palatandaan, sukatan, at sandata ng mga nagwawagi.  At mas lalong tumibay ang paniniwala kong nagkaroon nga ng dayaan nang lumabas ang sari-saring iskandalo at kontrobersiya na tumutukoy sa halalan.  Nalantad ang pakikipag-usap sa telepno ng nagwaging pangulo sa isang mataas na tauhan ng Tagapangasiwa ng Halalan sa kasagsagan ng bilangan ng boto, ang anomalya ng paglilipat ng pangkalusugang-pondo ng mga manggagawang Filipino sa labas ng bansa at ang kontrobersiya sa pataba para sa mga magsasaka sa panimula ng kampanya.  Bukod pa sa katotohanang ang lahat ng makinarya ng eleksiyon ay kadalasang nasa kasalukuyang namumuno.  Ang sabi, panay akusasyon, sabi-sabi at walang napatunayan sa mga sinabing kontrobersiya at iskandalo.  Napakarami ng pagpapatunay at ebidensiya ang inilabas at ipinakita ngunit nahaharang agad ang mga iyun o kaya ay naaabsuelto agad sa pagtuntong pa lamang sa unang bahagi ng pag-lilitis.  Nagkakaroon ng sabwatan at takipan upang maihilis ang totoong nangyari at maproteksiyunan ang nagwaging namumuno na siyang nagtalaga sa kanilang lahat sa tungkulin.

Mahirap ng mabura ang mantsa at mawala ang hindi magandang damdamin ng mga tao sa malalaki at sari-saring iskandalo at mga kaduda-dudang pangyayari na naganap sa panahon ng panunungkulan ng nakaraang liderato dahil na rin sa walang kapanipaniwalang paglilinis ang ginawa na tuluyang magsasara ng mga iyon.  Kung mayroong tamang panahon ng paglilinis ng mantsa, iyun ay sa panahong wala sa pamumuno ang mga taong kasangkot upang maging patas at katanggap-tanggap ang kahihinatnan.  Kung nagawa mang maitago ang lahat ng kamalian sa panahon ng kanilang pamamayagpag at hindi nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng kasagutan ang lahat, ngayo’y tadhana na ang gumagawa ng paraan upang mabunyag ang mga lihim na tila multong bumabangon sa hukay, dahil walang lihim na hindi nabubunyag.  Kalangang magkaroon ng linaw ang pang-panguluhang halalan nuong 2004 at magkaroon ng kasagutan ang lahat ng pagdududa, dahil huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin. 

Alex V. Villamayor
August 9, 2011

No comments: