Kung
mayroon akong kinagisnang sampung utos ng Diyos, may nabasa naman ako na
mayroong pitong pangunahing kasalanan mula naman sa ibang pananampalataya. Sa paghahambing ko sa mga ito ay naunawaan ko
na mayroon man tayong ibat-ibang kinaanibang paniniwala ay halos nagkakapareho
naman ang mga ito ngunit bakit nahihirapan tayong lahat na iwasan ang
magkasala? Siguro ay dahil ang tao ay
likas na mahal ang sarili kaysa anu pa man.
Hindi niya hahayaan na masaktan, mapasailalim at maloko ng ibang
tao. Ang anumang nasa isip niya ay ang
siyang nais niyang maging tama at masunod.
Ang mga nasa paligid niya ay gusto niyang masakop, makuha at mapasunod.
May
mga pangunahing kasalanan at mayroong yung mga tinatawag na munting kasalaman
lamang. Kaya sa ating relihiyon ay mga
itinituro upang maiwasan ang magkasala at kung paano tayo magiging isang
mabuting tao sa mata ng ating Panginoon.
Ang pagkilala sa nag-iisang Diyos, ang pagmamahal sa kapwa, at ang
pag-iwas sa pagkitil ng buhay, bawal na pagtatalik, pagsisinungalin at
pagnanakaw ay ang mga kautusan na itinuturo sa ating relihiyon na ang pagsuway
sa mga ito ay isang malaking kasalanan.
Mayroon ding hindi nito kasing-laki katulad ng pagbibintang, pagtigil
pagsamba, pagpapakamatay, paghahangad ng hindi pag-aari ngunit gaano man kalaki
o kaliit ang kasalanan ay kasalanan pa rin ito na may kabayaran sa kabilang
buhay.
Ngunit
mayroon pang ilang mga bagay na hindi natin namamalayang mga kasalanan katulad
ng kapalaluan, pagsusugal, paglalasing, panunumbat, pangkukulam, pagsusumpa,
paniniwala sa manghuhula, salamangka, pagpapalit ng muhon, pagkuha ng labis na patubo, pagkamkam ng
ari-arian, pagmamanman, pagmumura, pagtanggap ng suhol, pagkakanulo, at pagputol sa ugnayan ng
angkan. Anuman ang iyong kinaanibang relihiyon ay itinuturo na ang mga ito ay
kasalanan. Isang halimbawa ay ang
kapalaluan. Nasusulat din ito sa aklat ng Koran na ito ay isang kasalanan. Sa ating buhay, kailangan natin ang maging
magpakumbaba. Ang taong magaling ang
palagay sa sarili kadalasan ay mapagmataas at hindi magpapatalo. Ano ba naman kung magparaya o magbigay-daan
ka? Hindi naman malaking kawalan kung mananahimik ka na lamang kaysa naman sa
hinihiwa ng matalas na tabas ng iyong dila ang pagkatao ng kapwa mo. Hindi mo ikabubuti ang mapanghusga dahil sa
katapusan ay ikaw ang huhusgahan ayon sa iyong mga ginawa.
Iwasan
natin ang maging mapaghiganti, mapagtanim ng galit sa kapwa, at
mapanumbat. Ang anumang mga naitulong,
naibigay at magagandang bagay na nagawa mo sa iyong kapwa ay huwag mo ng
isusumbat kapag dumating ang panahon na ikaw ay nakakaramdam ng pagkatalo. Dahil lumalabas na hindi naman pala bukal sa
iyong kalooban ang pagtulong, pagbibigay at paggawa ng kabutihan. Kung mayroon kang mga naka-alitan, maging
mapagpatawad tayo. Linisin natin ang
ating kalooban at huwag magtago ng sama ng loob sa kapwa upang hindi mo na
naisin ang gumanti at manumbat. Kung may
mga nakakasamaan ka ng loob, maaaring hindi mo iyon malilimutan ngunit ang
patawarin at bale-walain ang nangyari ay ang kagustuhan ng Diyos na ating
gawin. Dahil sa ganuon ay nawawalan ka
ng dalahin sa iyong puso na nagpapabigat ng iyong pang-araw-araw na buhay. Totoo, kapag marami kang nakakaaway ay
bumibigat ang iyong buhay dahil marami ang naghahangad sa iyo ng
paghihirap. Huwag na nating hangarin ang
gumanti dahil sa pagganti natin ay nagkakasala na naman tayo. Ang anumang uri ng bendeta ay nangngaling sa
maitim na puso dahil hindi ka maghahangad na gumanti mula sa sakit na naranasan
kung ang iyong puso ay maaliwalas na sa mga poot, inggit, selos at kawalan ng
kapanatagan.
Mahirap
ang magpakabait. May mga maliliit na
kasalanan ako at kung anuman ang aking mga pagkakasala sa buhay ay hindi ko na
dadagdagan pa ng mga nabanggit na kasalanan.
Sapat na sa akin na ang mga ito ay hindi namamamahay sa aking kalooban
kaya nakakapamuhay ako ng may katiwasayan, magaan ang buhay, walang
inaargabiyado, malayo sa galit ng ibang tao at ganti ng tadhana.
Ni Alex V.
Villamayor
January 3, 2015
No comments:
Post a Comment