Wednesday, January 07, 2015

PARA SA NATUTUKSO

Sa mag-asawa, may mga oras na dumadating ang mga tukso na kailangang pakiharapan. Sapag-itan ng lalaki at babae, mas malapit at mas mahina sa tukso ang una. Ito ay dahil na rin sa mga naging kasanayan ng ating lipunan tungkol sa usaping pakikiapid ng lalaki at babae.  Ito ay ang paniniwalang walang mawawala sa isang lalaki kapag siya ay nakikiapid kung kaya hindi siya nakakadama ng pagkakasala.  Hindi malaking usapin sa lalaki ang siya ay makiapid ngunit kapag ang asawang babae ang siyang gumawa ng katulad na kasalanan ay isang mortal na kasalanan.  Hindi basta-basta makakagawa ng pagngangalunya ang isang asawang babae dahil isang malaking kahihiyan sa babae ang gumawa nito.  Subalit ang pangangalunya ay isang kasalanan babae o lalaki man ang gumawa nito.

Dahil ang asawang lalaki ang siyang mas mahina sa tukso, kinakailangang gumawa siya ng paraan upang mapaglaban ito.  Para sa mga lalaki na may pinagdaraanang tawag ng tukso, sa nakakadama ng matinding paghihirap na labanan ito, na parang ang pakiramdam ay matatalo siya ng pagnanasa at mananaig ang tukso, maaaring pagmunimunihin ang mga sumusunod na katanungang kahit papaano ay maaaring makakapagpatigil sandali ng iyong oras at mag-isip:
1.   Alalahanin mo ang pangako mo sa pinakamamahal mong asawa.  Alam mo kung gaano siya masasaktan kapag ginawa mo ang pakikiapid – gusto mo ba siyang saktan?  Isipin mong masyadong hindi patas na habang siya ay nagtitiis at nakikipaglaban sa katulad ng iyong pinagdaraanan ay bakit ikaw hindi mo makakaya?  Anu ba ang mas mahalaga sa iyo, ang tawag ng laman o ang nilalaman ng puso mo hindi lamang para sa asawa mo kundi para sa mga anak mo?

2.   Isipin mo na anuman ang sabihin, paniniwala at nakasanayan ng lipunan na walang mawawala sa lalaki, ang pakikiapid ay isang kasalanan pa rin na pagbabayaran sa apoy ng impyerno maging lalaki o babae man.  Paano ka haharap sa Panginoon at sasabihin mong karapat-dapat kang patuluyin sa langit?  Ano ang mas gugustuhin mo, ang panandaliang ligaya ng iyong katawan o ang sakit ng pagsunog sa iyong kaluluwa?

3.   Tandaaan mo ang ganti ng tadhana.  Paano kung subukin ng tadhana ang iyong asawa naman ang siyang paligiran ng mga lalaki upang gawin sa asawa mo ang ginagawa mo sa ibang babae?  Kung may anak kang babae, ano ang mararamdaman mo kapag ang mga lalaking katulad mo ay makuha ang pagkababae ng iyong anak?  Lagi mong isipin ang balik ng karma.  Kumikilos ang tadhana, hindi lang namamalayan pero kumikilos ito.

Sabihin man ng lalaki na para sakanya ay bale-wala ang lahat at ito ay isang pagpaparaos lamang ng kaligayahan, o maaaring umiral lang ang pagkalalaki na tila dahil lalaki kasi ay hindi masama para sa kanya ang magsagawa ng tawag ng pita, at marahil ay dahil sa ang babae na ang lumalapit.  Ngunit paano kung para sa babae ay isang paghahanap ng makakasama ang kanyang pakay, paano sasabihing nang hindi masasaktan ng dalawang beses ang damdamin ng isang may tapat na hangarin?

Likas na mahina ang lalaki sa pita.  Kailangang sa umpisa pa lamang ay lumayo at umiwas na siya sa mga bagay na naglalapit sa maaring puntahan ng tawag ng laman.  Bakit mo pa hahayaan na ilapit ang sarili mo?   Putulin mo na agad ang pagsisimulan ng tukso.  Kung ang pagpunta mo sa isang lugar ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon, huwag mo ng ituloy ang pagpunta.  Huwag mong ilapit ang sarili mo sa isang bagay na sa bandang huli ay maiipit ka.  Hindi ka naman nakatitiyak na makakayanan mo ang tawag ng tukso kaya ikaw na ang lumayo.

No comments: