Thursday, January 22, 2015

KUNG MAIBABALIK KO LANG

Kung maibabalik ko lamang ang aking kabataan ay ginawa ko na.  Kung maaari lang na bumalik sa panahon na gusto ko ay marami akong gagawin na hindi ko ginawa nuon.  Totoo na mararamdaman lamang ang kahalagahan ng mga bagay kapag hindi ka nagkaroon ng mga ito o iyung mayroon man ay nawala ang mga ito.  Kung may paraan lamang na muling bumalik sa nakaraan at ulitin o itama ang mga desisyon ay ginawa ko na.  Kung puwede, ayoko na’ng magpakabait.  Nakakainip pala ang buhay pagdating ng mga edad na apatnapu at pataas kung walang kalokohan o kagaguhang ginagawa nuong edad veinte hanggang trenta.   Napakasimple, matahimik, at maayos ang naging buhay-kabataan ko.  Pag-aaral at sa bahay lamang.  Walang restriksyon sa mga magulang kundi sariling kagustuhan ko lamang ang tumahimik, magpakababang-loob at maging mapag-isa.  Kaya ang mga kapit-bahay, mga matatanda sa amin at mga magulang ng ibang kabataan ay puring-puri nila ako nuon dahil sa aking pagiging masunurin.  Pero hindi ko alam, ngayon pala ay hindi ko naman pala magugustuhan ang mga nangyayari nuon.  Marami akong mga nasa isip nuon na gusto kong gawin ngunit para sa iba, para sa nakatatanda at para sa mga taong nasa paligid ko ay mali.  Kaya hindi ko ginawa kahit sa sariling kunsensiya ay gusto ko.

Kaya gusto kong mabuhay ulit.  Gusto kong maging edad 16, 17, 20, 23 o 29 at magpakasaya.  Manonood ako ng sine, maglalaro ako ng billiard, siguro magsusugal din.  Gagala ako sa Recto, magpapahating-gabi sa pag-uwi kahit may pasok kinabukasan.  Hindi na ako mahihiyang magsuot ng maong na acid wash, o yung stretch, yung polo na ¾, magpa-under cut ng buhok at magpa-tattoo.  Gusto kong maranasan ang masaktan, mabigo, mapaaway, makastigo ng tatay at nanay ko, tumakas sa pagbabayad sa jeep… Pupunta na ako sa mga bahay ng ka-klase kapag mayroong birthday lalo na kung may debut.  Mamimiyesta sa kanilang bayan.  Gusto kong tuklasin ang mga bagay-bagay.  Gusto ko ng mas maraming kaibigan.  Gusto kong samahan ang mga kaibigan ko na nabigo sa panliligaw, nag-inuman, nagkakantahan, nagkukwentuhan ng mga pangarap at umiiyak dahil sa mga problema sa bahay, pag-aaral at kasintahan.  Marami kasi akong pinalampas na mga potensiyal na maging kaibigan, na hanapin ko man sila ngayon ay huli na at hindi ko na makita.   Marami ang naging malapit ang loob ko pero umiwas ako kasi ang iniisip ko nuon ay hindi ako matatapos ng pag-aaral.  Masyado akong natakot nuon at  naniwala ako na hindi ako makakatapos ng pag-aaral kung makikipag-barkada ako.  Dahil gustong-guto ko ang makatapos upang magkaroon ako ng tapang sa aking katauhan.  Dahil mahina ang aking katauhan at dahil sa ganitong katauhan ay gusto kong maiba, ayokong matulad sa iba na hanggang duon na lamang.  Pero kailangan ko rin pala ang mga mapapait na karanasan.

Sana nagkaroon ako ng makulay na buhay-kabataan pangit man, masakit, magulo, maingay o madilim.   Lahat tayo ay may mga itinatagong madilim na sikreto, lahat tayo ay may mga ginawang kamalian at kasalanan.  Mayroon din ako ng mga ganito ngunit hindi sila malalaki at sapat para makuntento ako.  Sana lang ay naranasan ko ang angresibong kabataan.  Dahil ang mga karanasan, mabuti man o masama ay nakakatulong sa atin upang maging kung ano tayo ngayon.  Ito ang mga nagsisilbing malaking aral na dadalhin natin habang-buhay.  Upang sa bandang huli ay wala tayong pagsisisihan na hindi natin ginawa ang isang bagay.  Ngayon ay nagsisisi ako.  Sana ginawa ko ang mga kalokohan sa aking isip kasi darating din pala ang araw na yung mga ginawa ko dati ay mauunawan ko ngayon na mali at pagsisisihan ng tapat.  At darating din pala ang araw na mawawalan na ako ng gana sa mga kasiyahan, material na bagay, mga kalokohan na pagtakas sa buhay, at sa halip ay tahimik na buhay na lamang ang hangad.  Sana ginawa ko ang mga iyun para naranasan ko dahil sa huli ay nakakaingit yung mga tao na nabuhay ng kuntento.  Ito ang buhay na walang kulay, kaya minsan iniisip ko na ito na ba talaga ang buhay?  Na mayroon pa ba?  Na kung ito na nga ang buhay at kung hanggang ganito lang talaga, sana’y hindi na lang ako na buhay o hindi na lang naging tao dahil hindi naman pala napakasaya upang panghinayangan ko ang hindi naranasan o iwanan.

Ni Alex V. Villamayor
January 20, 2015

No comments: